#3: Jordan Clemente

244 10 2
                                    

Choice #3: Jordan Clemente

              Ilang araw nang hindi pumapasok si Anna simula nang magtangka s’yang tumalon mula sa building. Hindi ko pa rin makalimutan ang araw na ‘yun. Nagpa-panic na ang mga taong naka-abang sa ibaba habang blankong nakatingin lang si Anna sa mga tao. Nagkakagulo na ang mga ito ngunit walang pinapayagang umakyat para pigilan s’ya dahil natatakot ang lahat na baka tuluyan nga itong tumalon. Nakatingin pa rin sa mga tao si Anna, pero parang may iba s’yang iniisip. Mas malalim.

Tumingala s’ya sa langit. Saka s’ya naglakad palayo sa rurok ng gusali. At mula nang araw na ‘yun, hindi na s’ya muling nakita sa school.

“Kring! Kring!”

“Hello?” Tumayo ako't naglakad palabas ng classroom. Maaga pa naman at mukhang male-late ang Professor namin.

“Handa ka na bang malaman ang ikatlo?”

Inulit ko sa isip ko ang tanong. Handa na ba ‘ko?

Kelan ba ‘ko naging handa?

“Oo. Sino s’ya?” Naglalakad ako patungo sa madilim na hagdan sa dulo ng College of Education. Bihirang dumaan ang mga tao du’n kaya’t walang makakarinig sa usapan namin. At habang naglalakad, nakasalubong ko si Jordan. Nag-ngitian kami.

“Ayan na s’ya.”

“Sinong s’ya?”

“Ang ikatlo.”

Napalingon ako kay Jordan. S’ya ang ikatlo.

Madalas na tampulan ng biruan si Jordan. At madalas ay nasasaktan na s’ya sa mga ito. “Jordan Pangit.” ‘Yan ang alyas n’ya sa classroom. Kapag nabanggit ang salitang ‘pangit’, automatic na titingin sa kanya ang lahat, saka magtatawanan. Tatawa na rin s’ya upang h’wag mahalatang nasasaktan. Ngunit kahit gaano kasakit, tiniis n’ya ang mga ito. Hindi n’ya iniwan ang school, kahit na gustong-gusto na n’yang matapos ang kamanhidan ng kanyang mga kaklase.

Hindi s'ya tunay na anak ng kinikilala n'yang magulang, at alam nilang lahat ang tungkol dito. Masipag at porsigido sa pag-aaral si Jordan; palabiro at masiyahin. Ang kasiyahan, para sa kanya, ay ang patawanin at pasayahin ang iba kahit kapalit pa nito ang mga mapanlait na salita ng mga taong pinipilit n'yang paligayahin. Ang mga biro't masasakit na salita, kahit masakit, ay sinasakyan n'ya. Tinitingnan n'ya ang mga “Jordan Pangit” at mga “Manong” bilang mga alon sa dagat. Kailangan mong sabayan, dahil kung hindi, lalo kang masasaktan. Pinilit n'yang h'wag magpa-apekto. Pinilit n'yang sanayin ang sarili. Ngunit walang sinuman ang kayang diktahan ang sarili n'yang damdamin. Maski s'ya. Kaya't binalewala n'ya ang lahat. Dahil kumakapit s'ya sa isang pangarap, na darating ang isang araw, at igagalang na s'ya ng mga tao.

Ngunit hindi madali ang mangarap.

“Jordan,” sambit ng Nanay-nanayan n'ya isang araw. “Huminto ka na muna sa pag-aaral.”

“Bakit, Ma? Kaya pa naman po natin, 'diba?” Nararamdaman n'ya ang pagbagal ng mundo, kasabay ang pagkuripas ng kanyang pangarap. Maiiwan na s'ya.

“Ang mga pinsan mo...”

Nagdabog s'ya. Hindi dahil nagagalit s'ya sa pabigla-biglang desisyon ng Nanay n'ya. Nagdabog s'ya dahil alam na n'ya ang dahilan. Walang kwenta.

Matagal nang nagkaroon ng kanya-kanyang pamilya ang mga pinsan ni Jordan. Ngunit wala silang mga trabaho. At ang lahat ay nakaasa sa Nanay.

At nagagalit s'ya sa mga ito.

At nagagalit ang mga ito sa kanya.

At alam n'yang wala s'yang laban.

Dahil isa s'yang ampon.

“Kung gusto mo, magtrabaho ka muna,” mahinahon pa ring sabi ng Nanay n'ya. “May next year pa naman, e.”

Ayaw n'yang pumayag. Gusto n'yang ipagpatuloy ang pag-aaral. Ngunit wala na s'yang magagawa. Kaya't tulad ng mga panlalait at masasakit na salitang idinidikit ng mga tao sa pangalan n'ya, ay tinanggap n'ya ang desisyon ng kanyang Nanay. Ganito na talaga siguro s'ya. Ang hindi kayang tanggapin, ay dapat baguhin. At ang mga hindi kayang baguhin, ay dapat tanggapin. “Sige po.”

Umiyak s'ya. Dahil nararamdaman n'ya ang unti-unting pagguho ng kinakapitan n'yang pangarap.

Paalam.

“Dominic,” mabilis kong pinutol ang linya nang marinig ang pagtawag ni Jordan. “And'yan na si Sir.”

Tumayo ako't ibinulsa ang cellphone. Habang naglalakad kami pabalik sa classroom, muli s'yang nagsalita.

“And'yan na rin si Anna.”

“Talaga?” Sabay kong naramdaman ang tuwa at pagkagulat. Hindi ko alam kung ano ang mas dominante. “Kumusta naman daw s'ya?”

“Ewan. Mukhang problemado, e.” Ngumiti s'ya. “Pero, kaya pa naman n'ya 'yun.”

Huminto ako't napatingin sa kanya. “E, ikaw, kaya mo pa ba?”

Napahinto din s'ya sa paglalakad. “Actually,” Nag-isip muna s'ya. Tila nagdadalawang isip kung sasabihin ba sa'kin ang problema n'ya o hindi. “Huling araw ko nang papasok ngayon.”

Hindi n'ya dapat mahalatang may alam ako. “Bakit?”

“Basta.” Tumawa s'ya habang pinipilit maging masaya.

Ngunit hindi ko magawang ngumiti, lalo na't alam kong s'ya ang ikatlo sa mga pamimilian.

Naglakad kami pabalik ng classroom.

Ang Mga PangalanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon