#17: Lorraine Querubin

149 8 7
                                    

Choice #17: Lorraine Querubin

                “Yuck!” Sigaw ni Mae habang patakbong lumabas mula sa CR. Napatingin kaming lahat. “Sinong nag-iwan ng Pregnancy Tester sa loob?”

                Mabilis na nagbulungan ang mga kaklase naming babae, habang masaya namang nagkantsawan ang mga lalaki. Ngunit nanatili akong tahimik sa kinauupuan ko. May nararamdaman akong hindi maganda.

                “At ang malala pa,” pagpapatuloy ni Mae. “Positive!”

                Natahimik ang mga lalaki, ngunit mas lalong lumakas ang pag-uusap ng mga babae. Tumakbo pa ang ilan papasok ng CR saka lumabas habang sinasabing “Oo nga, positive nga!”

                “Kanino ‘yun?” Tanong ni Weng, kahit alam naman naming lahat na walang aamin.

                Nilibot ko ang tingin ko sa buong classroom habang pinagmamasdan ang bawat mukha ng aking mga kaklase. Labing-anim sa kanila ang alam ko na ang pinakamabibigat na problemang kinakaharap. Ibig sabihin, lima na lang sa kanila ang hindi ko pa nalalaman. Isa sa kanilang lima ay lalaki. Kung ganu’n, nasa natitirang apat na pamimilian ang posibleng nag-iwan ng pregnancy tester. Isa sa kanila ang nagdadalang-tao.

                “Kring! Kring!”

                Kinapa ko ang cellphone ko sa aking bulsa; kinuha ito saka lumabas ng classroom. Nasa dulo ng College of Industrial Education ang classroom na ito kaya’t ilang hakbang lamang ang layo ko mula sa madilim na hagdanan. Umakyat ako sa ikalawang palapag saka naupo sa pangalawang bahagdan ng mismong hagdan.

                “Sino sa palagay mo?” Bungad ng boses.

                “Ang nag-iwang ng pregnancy tester?” Sagot ko. “Ewan ko. Hindi ko rin alam.”

                “Ako, alam ko.” Tumawa ang boses.

                Hindi ko maintindihan ngunit tila may kung anong pagnanais sa isip ko na malaman kung sino ang may-ari ng tester. At hindi ko ito mapaigilan. “Sino?”

                “Iniinsulto mo ba ‘ko?” Tanong ng boses saka s’ya tumawa. “Ganu’n ba ‘ko kaboring ang tingin mo sa’kin?”

                “Ha? Ano’ng ibig mong sabihin?”

                “Naisip ko lang, na mas masaya siguro kung magkakaro’n tayo ng isang maliit na laro.”

                “Teka, anong laro?”

                “Tawagin natin itong, PT Game.” Tumawa ulit s’ya. “Ibibigay ko ang ika-labing pito at ika-labing walong pangalan kasama ang mga problemang kinakaharap nila, tulad ng palagi kong ginagawa. Ngunit sa pagkakataong ito, huhulaan mo kung sino sa kanilang dalawa ang may-ari ng Pregnancy Tester na naiwan sa CR. Kapag nagkamali ka ng hula, ayos lang. Magpapatuloy tayo sa ika-labing-siyam.”

                Napalunok ako. “E, paano kung tama ang hula ko?”

                “Magpapakilala ako.”

                Napahinto ako nang marinig ang dalawang huling salitang binitiwan n’ya. “Game.”

                “Okay.” Nararamdaman kong nakangiti s’ya. “Simulan na natin.”

                Naghihintay ako. Mabagal ang lahat,

                “Lorraine Querubin.”

                Maagang namulat si Lorraine sa berdeng larawan ng totoong mundo. Kung saan ang pagbanggit sa mga maseselang bahagi ng katawan ng lalaki’t babae ay pangkaraniwan; kung saan lantarang naisisigaw ang mga salitang mahahalay; at kung saan ang kabataa’y malayang nakikipagtalik sa kung kanino n’ya naisin. Nakakulong s’ya sa isang pagkataong kasapi ng bagong henerasyon. At ito ang dahilan kung bakit madalas isipin nang iba na matagal na n’yang naisuko ang kanyang puri.

                Dito sila nagkakamali.

                Likas sa pagkatao ni Lorraine ang pakikibagay at pagsunod sa kung saan patungo ang  agos. Ngunit hindi sa ganitong bagay. Mahalay man sa salita, ngunit pinanghahawakan n’yang hindi sa gawa. Dahil ito na lang ang meron s’ya na wala sa iba. At ito ang maipagmamalaki n’ya.

                Hanggang sa dumating si Steve, at tinangay ang kanyang pinanghahawakan.

                Walang tao nang araw na ‘yun sa bahay nina Lorraine maliban sa kanilang dalawa. Tahimik ang paligid, walang kumikibo. Tila tahimik na nag-uusap ang kanilang mga utak; pinipilit ikonekta ang kanilang mga katawan.

                Tumayo si Steve at isinara ang pinto. Dito na mas lalong lumakas ang tibok ng kanyang puso. Hindi na n’ya alam ang gagawin. Lalo na nang tinabihan s’ya ni Steve at dahan-dahang idinikit ang mga labi sa kanyang leeg; pataas sa tainga, patungo sa kanyang mga labi. Napapikit s’ya. Hindi na n’ya ito pinigilan dahil nararamdaman na n’ya ang agos, magpapadala na s’ya.

                Tinanggal nila isa-isa ang kanilang mga saplot, na bagamat dahan-dahan ay punong puno ng pagkasabik. Tuluyan silang humiga at nagpatong. Gumagapang ang mga halik, mga kamay at kiliti. Hanggang sa nakuha nila ang ritmo, at sabay silang sumayaw. Mabagal, pabilis nang pabilis. Pasabik nang pasabik. Padiin nang padiin.

                Hanggang pumutok sa kanyang isipan ang mga pangyayari. Ngayon n’ya lang naalalang mali ito. Ngayon lang s’ya nakapag-isip nang tama. Ngayon kung kalian huli na ang lahat.

                Bagamat nagsisisi, ay hindi ito ang huling beses na may nangyari sa kanilang dalawa. Nakailan pang ulit, nakailan pang tagpo. Ngunit habang tumatagal ay parang pangakaraniwan na lang sa kanilang dalawa.

                Ngunit ano nga bang putahe ang hindi nakakasawa kapag inaraw-araw?

                Hindi nagtagal, nagbago ang pakikitungo ni Steve kay Lorraine. Hindi na s’ya malambing at mainit; hindi na s’ya sabik. Hanggang maghiwalay silang dalawa. Ngunit hindi ito naging hadlang para sa mga pusong natatakam.

                Patuloy ang ugnayan nila sa kama kahit wala na silang relasyon. Ngunit tuwing ginagawa nila ito, alam nilang hindi na ito tulad ng dati. May pait na sa bawat halik, may sakit sa bawat indayog, at may galit sa bawat daloy. Alam nila, lalo na ni Lorraine, na hindi rin ito magtatagal.

                At nagkatotoo ang nalalaman nila. Nagsimulang magsuka si Lorraine, nahihilo s’ya’t hindi na dinadatnan. Kaya’t agad n’yang sinabi kay Steve, ngunit wala na. Wala na s’yang pakialam. Dahil nakuha na n’ya ang gusto n’ya.

                Ngunit kailangang makasigurado ni Lorraine, kaya’t pumasok s’ya sa CR ng classroom isang umaga at ginamit ang Pregnancy Tester.

                At laking gulat n’ya nang makita ang resulta.

Ang Mga PangalanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon