*25: Fetus - Formation
Inaayos ko ang kwelyo ng suot kong polo shirt habang naglalakad papasok sa covered court. May party ngayong gabi at dito ang venue. Wala akong balak pumunta pero napagkasunduan ng buong klase na dapat pumunta ang lahat, at bukod pa du’n, tinawagan ako ng boses kanina. Kailangan daw na nandito ako dahil ito daw ang gabing hindi ko makakalimutan.
Alas-nuebe na ng gabi kaya medyo madilim na at naguumpisa na ring dumating ang iba pang mga estudyante. Maingay ang mga kantang pinatutugtog at malikot ang pagwagayway ng iba’t ibang kulay ng disco lights. Parami nang parami ang tao sa paligid habang pilit kong hinahagilap kung nasaan ang mga kaklase ko. Biglang nag-ring ang telepono.
Mabilis akong pumunta sa isang sulok saka agad na sinagot ang tawag. “Hello?”
“Handa ka na ba?”
“Saan? Sa ano? Ano bang meron ngayong gabi?”
“Ito na ang huling bahagi ng iyong pagsusulit.”
Kumunot ang noo ko. “Ha? Anong ibig mong sabihin?”
“Ngayong gabi, matatapos na ang koneksyon sa pagitan nating dalawa, dahil ngayong gabi ko kailangang malaman kung sino ang pipiliin mo sa kanila; kung sino ang papatayin mo sa mga pamimilian.”
“Hindi pwede!”
“Walang hindi pwede.”
“Adik ka ba?! Party to! Maraming tao! Maraming makakakita!”
“Akala ko ba magaling ka?”
“Gagawa ako ng paraan, pero hindi ngayong gabi!”
Tumawa s’ya ng sarkastiko. “Baka nakakalimutan mong hawak ko sa leeg ang pamilya mo? Kaya gagawin mo kung anong gusto ko.”
Napalunok ako. Wala akong karapatang tumanggi. “Sige. Pumapayag na ‘ko.”
“Dapat lang.” Tumawa s’ya. “Magbibigay ako ng hudyat kapag nasa tamang oras ka na nang pagpili.”
“Tatawag ka?”
“Hindi. Basta’t magbibigay ako ng hudyat.”
Naputol ang tawag. Natataranta ako. Gusto kong sumigaw at maglupasay sa sahig. Gusto kong magwala. Hindi ko na alam kung ano’ng diskarte ang gagawin ko; kung sino ang papatayin ko at kung paano. Ang alam ko lang sa ngayon, kailangan kong gawin ‘to.
Pinilit kong maging kalmado at kumilos ng normal, saka ako muling naglakad upang hanapin ang mga kaklase ko. Nakita ko silang magkakasamang nakaupo sa paligid ng isang parisukat na mesa. Lumapit ako’t umupo sa isang bakanteng upuan. Walang pumapansin sa’kin; walang kumakausap. Malamang ay naaalala pa nila ‘yung nangyari sa’min ni Rey sa Psychology Subject.
Tahimik akong nakaupo habang nagsisimula nang magsayawan ang mga estudyante. Halos sampo lang kaming naiwan sa mesa; sumasayaw rin siguro ‘yung iba. Nilibot ko ang aking paningin sa buong lugar. Hindi ito ang pagkatao ng mga estudyante na makikita mo sa umaga. Ibang-iba ang lahat. Ang pananamit, ang amoy, ang pagkilos. Ito ang mukha ng kabataang pilit itinatago ng lipunan. Ito ang pagkatao ng makabagong edad na pilit binubura ng mga nakatatanda. Ngunit hindi nila ito kayang burahin. At hindi na nila ito nakikita dahil itinatago ito sa kanila. Ito ang hitsura ng mga nagtatagong kaluluwa. Nagtatago sa dilim at sa ingay; nagpapadila sa maninipis na linya ng liwanag na umiikot sa lugar. Malaya sila ngayong gabi. Dahil ito ang kabilang mukha ng bagong henerasyon. At parte ako nito.

BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Mystery / ThrillerMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.