Choice #10: Roberto Ogad
Nagle-leksyon si Ma’am Bancolita nang biglang mag-ring ang telepono ko. Napatingin silang lahat sa’kin, ngunit nagpatuloy sa pagtuturo si Ma’am. Kinansela ko ang tawag, saka ito ibinalik sa aking bulsa.
Ngunit muli itong tumunog. Muli silang tumingin sa’kin.
“Please turn off your phone, Mr. Romualdez.”
“Yes, Ma’am.” Kinuha ko ang telepono ko’t pinatay ito; saka ibinalik sa bulsa.
Ngunit muli nanaman itong tumunog.
Dali-dali ko itong kinuha at tinanggalan ng baterya. Saka ako bumalik sa pakikinig sa mga sinasabi ni Ma’am.
Nang makauwi ako sa bahay, mabilis kong binuksan ang telepono. Agad naman itong tumunog.
“Kring! Kring!”
“Bakit mo ‘ko pinatayan ng telepono?” Hindi maganda ang tono ng pananalita n’ya.
“May klase ako! Sa susunod kasi—“
“—Tatawag ako kung kelan ko gusto!” Pasigaw n’yang sinabi. “Baka nakakalimutan mo kung ano’ng kaya kong gawin!”
Hindi ako agad nakapagsalita.
“Sa oras na maulit pa ang hindi mo pagsagot sa mga tawag, tapos na ang laro. Magpaalam ka na sa mga mahal mo sa buhay.” Dagdag pa n’ya. “Nagkakaintindihan ba tayo?”
“Oo. H’wag mong gagalawin ang pamilya ko.”
“Mabuti.” Nagbago ang tono n’ya. “Handa ka na ba sa ika-sampu?”
Napalunok ako. Balik sa dati. “Sino s’ya?”
“Si Roberto Ogad.”
Miyembro ng isang fraternity si Roberto. Madalas s’yang masangkot sa mga gulo; na kung minsan ay s’ya pa ang nagsisimula. Wala s’yang kinatatakutan; walang inuurungan. At ang kanya, ay kanya lang. Ayaw n’ya ng may kahati o kaagaw. Dahil kapag may sumubok na hatian s’ya sa kung ano ang meron s’ya, ay mananagot. Mabubugbog.
Hanggang makilala n’ya si Phenelope.
Tinuruan s’ya nitong makinig sa mga saloobin at sinasabi ng ibang tao; mag-isip bago gumawa ng kahit anong hakbang; makiramdam sa nararamdaman ng mga taong nakakasalamuha; at higit sa lahat, tinuruan s’ya nito na kahit gaano man katigas ang pisikal na katangian ng isang lalaki, may isang parte sa loob nito na magpapalambot sa buo n’yang pagkatao; na ang tao, kahit gaano man kalakas, ay kayang pahinain ng pag-ibig.
Si Phenelope, ang magpapalambot sa kanya.
Lumipas ang mga araw, at naging mas malapit sila sa isa’t isa. Naging malapit sa puntong nahuhulog na s’ya para dito. At gusto na n’yang magtapat. Kaya’t sinubukan n’ya.
“Phenelope,” sinabi n’ya isang araw nang magkasama sila. “May aamin sana ako.”
“Oh?” Napangiti ang babae. “Ako rin, e. May aaminin din ako sa’yo.”
“Sige, ikaw muna.” Napangiti rin s’ya. Nararamdaman n’ya. Nararamdaman n’yang pareho sila ng ipagtatapat; pareho sila ng nararamdaman.
”Hindi, ikaw muna.”
“Hindi, ikaw muna sabi, e.”
“Ang kulit. Ikaw na muna.”
“Ladies first.”
Mas napangiti ang dalawa. Alam na nila kung sinong mauuna. Ito na, naisip ni Roberto, ito na ang simula ng isang bagong pag-ibig.
“Sige na nga.” Huminga ng malalim si Phenelope. “Kami na ni Cedrick.”
Natulala si Roberto. Dahan-dahang nabura ang ngiti habang dinudurog s’ya mula sa loob, palabas. Nagkamali s’ya. Hindi pinapalambot ng pag-ibig ang isang matigas na puso. Winawasak nito ito. Law of Brittleness. The harder the object, the more brittle it is.
“Oh, ikaw naman.” Tanong ni Phenelope. “Ano ‘yung aaminin mo?”
Nag-isip s’ya. Kailangan n’yang baguhin ang plano. “Wala. Hindi naman na importante ‘yun.” Tumayo s’ya’t kinuha ang bag. “Sige, pupuntahan ko muna si Jake.” Saka tuluyang umalis.
Ngunit ilang araw pa ang lumipas, lumapit sa kanya si Phenelope. Umiiyak. Nagke-kwento sa kung paano s’ya nahihirapan sa relasyong pinasok n’ya. At kung paanong ayaw n’ya pa ring iwan ang lalaking nagpapahirap sa kanya. Mahal n’ya pa rin si Cedrick at hindi n’ya ito kayang iwan.
At hindi rin s’ya iiwan ni Roberto, kahit sinaktan n’ya rin ito nang hindi n’ya nalalaman.
“H’wag ka nang umiyak.” Inakbayan ni Roberto si Phenelope. “Andito lang ako.” Saka n’ya hinayaang sumandal ang ulo nito sa kanyang balikat. Masaya na s’ya dito. Masaya na s’ya sa ganito.
Kahit nakikihati lang s’ya.
Si Phenelope, ang kanyang karma.
“Dominic!” Sumisigaw si Lola mula sa ibaba. “Kakain na! Wala ka nang ibang ginawa kundi tumunganga d’yan sa kwarto mo! Hindi ka bisita dito!”
Sa araw-araw na lang na pinagdaanan ko, paulit-ulit na lang ang mga dialogue n’ya. Ewan ko ba kung bakit simula pagkabata ko, mainit na ang dugo sa’kin n’yang Lola kong ‘yan. Kung hindi lang ako nakikitira dito sa bahay n’ya sa Maynila, matagal ko nang sinagot ng pabalang ‘yan, e.
“Opo, and’yan na!” Saka ako bumalik sa pakikipag-usap. “Kailangan ko nang ibaba. Tinatawag na ‘ko.”
“Sige. Baka lumamig ang Adobo.”
“Ha?”
Pinutol n’ya ang linya.
“Dominic! Ano ba?!” Sumigaw nanaman si Lola.
“Pababa na po!” Ibinulsa ko ang telepono saka ako tumakbo pababa. Panay pa rin sa pagbubunganga si Lola, pero sa ibang bagay napabaling ang atensyon ko. Dahil nagulat ako sa ulam.
Adobo.
Alam n’ya ang bawat kilos ko.
BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Mystery / ThrillerMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.