*22: Zygote

132 7 0
                                    

                                                                             *22: Zygote

                Naglalakad ako sa ikatlong palapag ng building na ‘to habang hinihintay ang muling pagtawag ng boses. Ang huling tawag n’ya kasi sa’kin ay noon pang binigay n’ya ang pinakahuling pangalan. Hindi ko man lang alam kung nagsisimula na ang oras ko sa pagpili, at kung hanggang kalian.

                Napadaan ako sa Department Office at napalingon sa bintana nito. Napahinto ako. Nasa loob si Rey, nakangiti habang kausap si Ma’am Bahian. Napansin ko rin sa mesa ni Ma’am ang mga test papers. Naalala kong may eksam nga pala ngayong araw sa subject n’ya. Nawala sa isip ko, kaya’t hindi man lang ako nakapagreview. Muli kong tiningnan ang cellphone ko. Napangiti ako nang bigla akong may naisip na ideya. Ito na ang paghihiganti ko.

                Kinuha ko ang telepono saka ako nag-type: “Classmates, hindi daw tuloy ang eksam ngayon kay Ma’am Bahian. May meeting daw s’ya. Salamat. Si Rey ‘to.”

                Saka ko ipinadala ang mensahe sa mga kaklase kong walang kaalam-alam. Hindi nila alam na sa’kin ang numerong ito dahil wala naman sa kanila ang nanghingi sa akin. At maniniwala silang kay Rey nanggaling ang text na ‘yun dahil nabanggit n’ya noong araw na sinuntok ko s’ya, na wala s’yang permanenteng number simula nang maholdap s’ya. Napangiti ako. Ito na ang katapusan ng kaepalan nang Rey na ‘yan.

                Pagkatapos ng lunch break, agad akong dumiretso sa sa susunod na subject, sa room ni Sir Pacer. Pagkapasok na pagkapasok ko, kampante ang lahat. Nagtatawanan, nag-aasaran. Nilibot ko ang mga mata sa buong silid at napansing wala si Rey. Umaayon ang lahat sa plano ko.

                “Nakatanggap din ba kayo ng text?” Tinanong ko sila na tila wala akong alam.

                “Text ni Rey?” Tanong ni Norlyn. “Oo. Bakit?”

                “Wala. Ayokong sabihin, baka mainis lang din kayo.” Ibinaba ko ang bag ko saka ako umupo.

                At tulad nang inaasahan ko, kinulit nila ako kung ano’ng meron. “Okay, sige.” Sagot ko. “Natuloy talaga ang eksam kanina. At mukhang si Rey lang ang nakapag-eksam.”

                “Hindi nga?” Naging seryoso silang lahat habang napapangiti naman ako sa isip ko. “Grabe naman ‘yun.”

                “Ayaw n’yo kasing maniwala sa’kin, e. Nasa loob ang kulo n’yang lalaking ‘yan.”

                “Hindi naman siguro.” Pagtatanggol ni Monica. “Baka hindi lang sila nagkaintindihan ni Ma’am.”

                “Hindi nagkaintindihan?” Kinontra naman s’ya ni Lorraine. “Edi sana tinext n’ya tayo na may eksam talaga ngayon.”

                Hanggang sa dumami na ang nagsasabi ng mga negatibong bagay tungkol kay Rey. Selfish, pabibo, sipsip. Napapangiti ako. Masarap talagang manalo.

                Maya-maya’y dumating na si Rey. “Oy, bakit hindi kayo pumasok kanina?” Panimula n’ya. “Galit na galit si Ma’am.”

                Walang sumagot sa kanya. Nagsimulang mabuwag ang kumpulan naming lahat saka bumalik sa kani-kanilang mga upuan na tila walang narinig. Muli s’yang nagsalita. “Pero pinakiusapan ko naman si Ma’am na bigyan pa kayo ng second chance.” At mas natuwa ako nang biglang may narinig akong nagsalita mula sa likod.

“Hay naku, amoy plastic!”

                Nakaramdam na s’ya. Alam n’yang may mali. Dahan-dahang nag-iba ang emosyon sa kanyang mukha. “May problema ba?”

                “Sa tingin mo?” Sagot ni Jordan. “Alam naming lahat na gusto mong sumipsip kay Ma’am kaya binigyan mo kami ng maling impormasyon.”

                “Teka. Wala akong alam sa sinasabi mo.”

                “Yan! D’yan ka naman magaling, ‘diba? Sa pagmamalinis!” “Sigaw naman ni Olga.

Nakaupo lang ako habang pinapanuod ang mga nangyayari. Kung noo’y kakamapi n’ya ang buong klase, iba na ngayon. Ako naman ang kakampi nila.

                “Seryoso ako. Hindi ko alam kung anong sinasabi mo. Sinubukan ko kayong tawagin pero hindi na ‘ko pinayagang lumabas ni Ma’am.” Nanginginig na ang boses n’ya at namumula na ang mukha.

                “SIge lang.” Sambit ni Lorraine. “Kahit ano pang sabihin mo, wala ka nang magagawa. Alam na naming lahat kung ano talagang ugali ang meron ka.”

                Hindi na s’ya nakasagot, dahil bukod sa hindi n’ya alam kung anong sasabihin, hindi rin n’ya alam kung ano nga bang nagawa n’yang masama para kagalitan s’ya ng mga ito. At hindi n’ya kailanman malalaman dahil wala naman talaga s’yang ginawang masama. At kung meron man, ‘yun ay ang kalabanin ako.

Ang Mga PangalanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon