Choice #4: Yvita Relos
Maingay ang buong classroom tulad ng nakasanayan. Magulo, ngunit hindi ito tulad ng dati. Wala nang pangit sa paligid. Wala nang “Jordan, bakit ang pangit mo?” na lumilipad sa hangin. Tahimik lang akong nakaupo sa isang gilid habang pinagmamasdan ang pagpapabibo ni Rey na kausap si Anna, na ngayo’y nakakatawa na ulit; at si Sapphire na bigla na lang sisigaw at kakanta ng “Feliz Navidad”. Masaya namang makikikanta ang buong klase.
“Kring! Kring!”
Tiningnan ko ang cellphone ko. Hindi sa’kin ‘yung tumatawag.
Kinuha ni Weng ang cellphone n’ya. “Guys, tumatawag si Jordan!” Saka n’ya ito sinagot.
“Hello?” Tumahimik at nakinig ang lahat. “Papasok ka pa ba?”
“Hindi na.”
“E, bakit tatawag-tawag ka? Letse!”
“Wala. Pakisabi na lang sa mga prof na hindi na ‘ko papasok, ah.”
“Sige.”
Naputol ang tawag. Walang umiimik; walang kumikibo. Walang nag-iingay nang biglang bumukas ang pinto. Si Jordan, nakangiti.
“Akala ko ba, hindi ka na papasok?”
“Dumating ‘yung Tita kong matagal ko nang hindi nakikita. Nakapangasawa ng Koreano kaya s'ya na daw ang sasagot sa iba kong gastusin. Pero, syempre, hindi pa rin 'yun sapat.
“Hanggang kelan ka lang papasok?”
“Depende, kung hanggang saan ang aabutin ng pera.”
Tumayo si Weng. “Classmates, payag ba kayong magbigay tayo ng tigli-limang piso bawat araw?” Sabi n’ya. “Letse kasi ‘tong pangit na ‘to, e.”
Paunti-unti, pumayag ang lahat maliban sa’kin na pinagmamasdan lang sila. Tumingin sila sa’kin. “Payag ako.”
Muli ko silang pinagmasdan. Ewan ko, pero may iba akong nararamdaman sa scenariong nasa harapan ko. Ang mga taong tinatapakan ang mukha at pagkatao mo, ay s’ya rin palang aakay sa’yo pataas. Hindi ganoon kalaki ang maitutulong ng tigli-limang piso namin, pero nakikita ko sa mukha n’ya ang pagtaba ng kanyang puso. Nagpapasalamat.
Dumating si Yvita.
Kahit nasa maalayo pa lamang s'ya ay naririnig ko na ang pagtama ng takong n’ya sa lupa.
“Anong meron?” Tulad ng dati, huli nanaman s’yang dumating. Sa taas kasi ng college building na ‘to, may dormitoryo. Dun s’ya nakatira kaya wala s’yang pakialam kung mabagal s’yang kumilos. Madalas din s’yang huli sa balita.
“Kring! Kring!”
Tiningnan ko ang cellphone ko. Eto na s’ya. Hindi na ‘ko kinakabahan tulad ng mga nakaraang araw. Medyo nasasanay na rin ako sa boses n’ya.
“Handa ka na ba sa ikaapat?”
Tumakbo ako palabas ng classroom. “Sino?”
At tulad ng inaasahan kong gagawin n’ya, binanggit n'ya ang pangalan.
“Yvita Relos.”
Hindi simpleng babae si Yvita. Maputi, maganda, at may brown na mga mata na aakalain mong contact lens. Golden-brown ang buhok n'ya kahit hindi pinahihintulutan ang may kulay na buhok sa paaralang pinag-aaralan n'ya. At dahil sa dormitoryo sa loob ng campus s'ya nakatira, nakakaligtas s'ya sa patakarang ito. Hindi s'ya mahilig sa away, pero hindi s'ya umuurong. Kung sino man ang kumalaban, ay hindi n'ya inuurungan. At ito ang dahilan kung bakit palagi s'yang napapaaway; kung bakit mataray at maldita ang palaging tingin sa kanya ng mga tao. Dahil sa lahat ng bagay na pinakaayaw n'yang itawag sa kanya, nangunguna dito ang salitang “talunan.”

BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Misteri / ThrillerMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.