#2: Anna Calamba

299 9 2
                                    

Choice #2: Anna Calamba

“Kring! Kring!”

“Handa ka na bang makilala ang ikalawa?”

Mag-isa akong nakaupo sa isang mahabang study area sa tapat ng freedom wall. Tumingin ako sa paligid; normal ang lahat. Maliban sa'kin.

“Oo.”

Mabilis nanaman ang tibok ng puso ko. “She won via majority wins! And she is...” Mas bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi dahil lalo akong kinakabahan, kundi dahil kilala ko na kung sino'ng tinutukoy n'ya. “Anna Calamba!”

Nagsimula nanamang magkwento ang boses.

“She won via majority wins.”

Si Anna, ayon sa napagbotohan ng buong klase, at si Rey Abonito, na pinili ni Ma'am Ellaine, ay magiging representative speakers sa darating na Philosophy seminar. Hilig n'ya ang mag-aral ng Pilosopiya. Bawat libro, kahit gaano kakapal, basta't tungkol sa Philosophy, ay babasahin n'ya. At bawat pelikula, kahit gaano kahaba, basta't tungkol sa Philosophy, ay papanuorin n'ya. Ganito ang pagkahilig n'ya sa Philosophy, kahit pa-minsan-minsa'y sinasagasaan nito ang pagiging Kristyano n'ya.

Ang mundo para kay Anna ay hindi bilog. Isa itong tatsulok; at bawat sulok ay sumisimbolo sa mga lugar kung saan madalas umikot ang kanyang buhay: Bahay, School. Simbahan.

Ang hindi n’ya mahanap sa bahay, ay hahanapin n’ya sa school. At ang hindi n’ya mahanap sa school. Ay tiyak na mahahanap n’ya sa simbahan.

Isa s’yang kristyano; at aktibo sa buhay-espiritwal, katulad ng mga kasamahan n’ya sa simbahan na sina Mae, Ronnel, at Sapphire, na naging aktibo din sa simbahan matapos ang pakikipaghiwalay ng una n’yang pag-ibig.

Si Anna ang madalas na nagle-lead sa mga cell groups at bible studies. Marami ang natutuwa sa kanya dahil marami na s’yang karanasan. At alam nilang totoo ang mga ito.

Ngunit alam ni Anna, kung ano ang mas totoo.

Alam n’ya, at alam n’ya na alam ng Diyos na hindi lahat ng sinasabi n’ya ay totoo. Alam nilang dalawa na ang iba ay gawa-gawa lamang, o may dagdag-bawas.

Kung minsa'y ike-kwento n'yang may pwersang tumulak sa kanya habang nagdarasal, kahit wala naman talaga. Marami s'yang kwento; iba-iba. Gusto n'yang mapansin; gusto n'yang isipin ng iba na s'ya ang pinakamalapit sa Diyos kaya't s'ya ang pinakasinusubok ng kaaway. Hindi n’ya maintindihan ang kanyang sarili. Maraming katanungan. Mga bakit at paano at kelan. Bakit ako ganito? Paano ko nagawa ‘to? Kelan ba ‘to nagsimula at kelan magtatapos?

Ngunit alam din n’ya kung ano ang tama.

At hindi ito ‘yun.

Nahihiya s'ya. Nahihiya s'ya sa Diyos at sa kanyang sarili. Ayaw na n'ya ng ganitong buhay. Gusto na n'yang matigil ang mga pagpapanggap.

Ngunit nilalamon ng kasinungalingan ang sino man na magpalamon dito. At isa s'ya sa mga nilamon nito. At gusto na n'yang kumawala. Alam n'ya ang dapat gawin: Ang aminin ang mga kasalanan, at humingi ng tawad. Ngunit paano s'ya hihingi ng tawad, kung hindi n'ya kayang aminin ang lahat ng kasinungaling hinabi n'ya at isinuot?

Kaya't narito s'ya ngayon: nagbabalak na bawasan ng dalawang sulok ang kanyang mundo. Hindi na s'ya mag-aaral; hindi na s'ya magsisimba. Ayaw na n'ya. Gusto na lang n'yang manatili sa bahay kung saan ligtas ang mga kasinungalingang ginawa, at ngayo'y ikinahihiya n'ya. Kasama s'ya.

Ngunit hindi ba't kapag inalis mo ang dalawang sulok ng isang tatsulok, tuldok na lamang ang matitira? Ganito. Ito na ang magiging buhay n'ya. At ang tuldok, sa pagkakaalam nang lahat, ay sumisimbolo lamang sa isang bagay: Ito ay ang pagwawakas.

At ang pagwawakas, para kay Anna, ay narito sa kanyang harapan, habang tinititigan n'ya ang kabuuan ng school mula sa pinakataas na palapag ng isang gusali.

Tatalon s'ya.

“Hello?” Hindi na sumasagot ang lalaki. Naputol ang linya kaya't binulsa ko muna ang cellphone ko. Wala pa rin akong maintindihan sa mga nangyayari hanggang ngayon. Sino ba talaga 'yung lalaking tumatawag sa'kin? Bakit ako? Bakit gan'to?

Bigla akong may narinig na sigawan mula sa College of Engineering. “Tulong! Tulong!” May mga nagtatakbuhan na patungo sa nasabing building. “Yung babae, tatalon!”

Napalingon ako. Si Anna, nasa rooftop!

Ang Mga PangalanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon