Choice #20: Fatima Velasco
Mag-isa akong nakaupo sa study area ng College of Industrial Technology. Bukod sa nasa ikatlong palapag ito, oras na rin para sa pananghalian kaya walang masyadong tao dito. Madilim ang paligid at matamlay ang mga ilaw. Tila nirerepresenta ng buong palapag ang isipan ko ngayon. Pilitin mang lumaban ng liwanag ay hindi nito magawang matalo ang kadiliman. Nararamdaman ko ang bigat na nanggagaling sa iba’t ibang direksyon. Ngunit iisa lang ang kanilang pinatutunguhan. Ako.
May bigat na nanggagaling sa mga naghihingalong ilaw, sa mga pader na kulay abo, sa bukbuking upuang inuupuan ko, at sa loob ng pagkatao ko mismo. Tinutulak nila ako palayo sa isa, ngunit palapit naman sa isa pa.
Napaupo ako nang maayos nang bigla akong may naalala. Binuksan ko ang bag ko saka kinuha ang bibliyang binigay sa’kin nu’ng lalaki sa gate noong nakaraang araw. Tinitigan ko ito nang ilang saglit. Inikot-ikot sa kamay habang tumatakbo sa aking isipan ang napakaraming katanungan. Mga katanungan ng pagdududa sa pagiging totoo ng librong hawak-hawak ko. Hinigpitan ko ang pagkakahawak ko dito nang bigla kong maisip na subukan ang kakayanan nito at nang mga salitang nakapaloob dito.
Pumikit ako habang mas hinigpitan ang kapit sa aking hinahawakan. At saka ko inisip nang mataimtim ang aking katanungan. “Kung talagang totoo ka, sabihin mo sa’kin kung ano ang dapat kong gawin. Sabihin mo kung paano matitigil ang lahat ng ito.”
Binuklat ko ito; umaasang ang pinakaunang verse na mababasa ko ay ang mismong kasagutan sa itinanong ko.
“Marcos 15:21 Nakasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid. Si Simon na taga-Cirene, ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus.”
Sinubukan kong ngumiti habang umiiling. Napipikon na ako sa kalokohang pinaggagagawa ko. Napipikon na ‘ko sa paraan ng pagtakbo ng buhay ko. Napapagod na ‘ko pero hindi ko magawang magpahinga. Nagsasawa na ‘ko pero hindi ko magawang bumitiw.
Nag-ring ang bell, kailangan ko nang maglakad papunta sa susunod na klase. Inilapag ko ang bibliya sa kinauupuan ko, saka ko isinara ang zipper ng bag. Napalingon ako sa kaliwa nang may narinig akong naglalakad. Napatingin din s’ya sa’kin saka s’ya ngumiti. Si Rey. Ngunit bago pa man s’ya makapagsalita, mabilis kong inalis ang tingin ko saka ako naglakad paalis; palayo kay Rey at sa bibliyang iniwan ko sa upuan; dalawang bagay na pareho kong pinagdududahan.
Naglalakad na ako pababa ng hagdan nang biglang mag-ring ang telepono. Agad ko naman itong sinagot.
“Ang mundo ay binabalot ng bilyun-bilyong problema’t kasamaan na nagpapahirap sa buhay ng tao.” Panimula ng boses. “At hindi tayo ang pipili kung anong problema ang aataake sa’tin.”
Naguluhan ako sa sinabi n'ya. Hindi ko alam kung sadya itong magulo o magulo lang talaga ang pag-iisip ko hanggang ngayon. “Ano’ng ibig mong sabihin? Na ginawa lang ang tao para maging pulutan ng mga problema’t kasamaan? Na nabubuhay lang tayo sa mundong ‘to para magdusa?”
“Ano sa tingin mo?”
“Hindi ko alam.”
“Tatanungin kita.” Seryoso ang pananalita ng boses. “Kung magluluto ka ng ampalaya, ano ba ang mas marami mong ilalagay? Ampalaya mismo o ang mga sahog nito?”
“Ampalaya.” Bahagya akong napahinto. Mukhang unti-unti nang pumapasok sa kokote ko kung anong gustong ipaintindi ng boses. Paano nga kaya kung tama ang boses? Paano kung ang totoong putahe ay ang mga problema? Paano kung ang mga tao ay sahog lang pala sa mismong putahe? Paano kung hindi naman pala talaga sa tao umiikot ang buhay; kundi sa mga espiritong nagdudulot ng paghihirap ng bawat isa? Paano kung hindi naman pala talaga mahalaga kung nahihirapan na tayo? At paano kung ang mahalaga lang naman talaga ay maging masaya ang mga espirito? “Tama ba ang iniisip ko?”

BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Mystery / ThrillerMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.