#19: Monica Jacinto

171 10 10
                                    

Choice #19: Monica Jacinto

                Hindi ako nakatulog nang maayos kagabi. Gulong-gulo na ang utak ko at hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Pinipilit kong isipin na tama ang naging sagot ko, pero hindi ko pa rin maiwasang maisip na malaki pa rin ang posibilidad na mali ako. Oo nga’t walang mangyayari kapag mali ang sagot na ibinigay ko; magpapatuloy lang ang pagbibigay ng mga pangalan. Pero pagkakataon ko na ‘to. Pagkakataon ko nang malaman kung sino talaga ang tumatawag sa’kin, at kung bakit ako ang napili n’yang paglaruan nang ganito.

                Nakapatong ang ulo ko sa mesa ng classroom habang hinihintay ang pagdating ni Sir Maricatol. Naramdaman ko ang pagkangalay ng aking leeg sa pagkakailing nito sa kaliwa, kaya’t nilipat ko ito pakanan. Napaharap ako sa kabilang mesa kung saan umiiyak si Olga kasama ang mga malalapit n’yang kaibigan. Napaayos ako sa aking pagkakaupo saka sila pinagmasdan nang mabuti. Bakit s’ya umiiyak?

                Tumayo ako’t dahan-dahang naglakad papalapit sa kanila. Hindi maaaring mangyari ang naiisip ko.

                Humugot ako nang lakas ng loob para makisabat sa usapan. “Bakit ka umiiyak?”

                Napatingin sila sa’kin. Matagal. Malamang ay nagtataka sila kung anong nakain ko. Ngayon lang ako lumapit at naki-isyuso sa usapan ng mga kaklase ko, at mukhang hindi sila sanay na nakikisabat ako. Nararamdaman ko ang pamumuo ng mga malilit ngunit malalamig na butil ng pawis sa aking noo. Aalis na sana ako nang biglang sumagot si Olga.

                “Buntis ako.”

                Natulala ako. Gusto kong mahimatay; gusto kong maglupasay sa sahig. Nagkamali ako ng hula. S’ya ang buntis at hindi si Lorraine. Pinakawalan ko ang pagkakataong mahinto ang kalokohang ‘to. Wala na. Wala na ‘kong magagawa.

                Napatingin ako sa pintuan nang may narinig akong pumapasok. Si Lorraine, masayang naglalakad. Walang bakas ng pagkabalisa tulad ng pinapakita n’ya noon.

                Biglang nag-ring ang telepono. Sinagot ko ito saka ako pumunta sa kabilang kwartong bakante.

                “Oh, ano, Dominic?” Nang-iinsulto ang boses. “Alam mo na ba kung ano ang tamang sagot?”

                “Hindi ‘to pwede! Dinaya mo 'ko! Natutulog lang na parang walang pakialam si Olga nitong mga nakaraang araw, samantalang si Lorraine itong balisang-balisa! Paano nangyaring si Olga ang buntis at hindi si Lorraine?”

                “Hindi mo ba talaga naiintindihan?” Tumawa ang boses. “Nabalisa si Lorraine, dahil iniwan s’ya ni Steve. Ang totoo n’yan, bahagya s’yang umaasang buntis s’ya, nang sa ganu’n, ay may panghahawakan s’ya. Iniisip n’yang babalikan s’ya ni Steve kapag nalaman nitong buntis s’ya. At dahil walang bata, walang balikang magaganap.”

                “E, si Olga? Bakit wala man lang s’yang pinakitang senyales nang pagiging buntis?”

                “Meron.” Tumawa nanaman ang boses. “Kelan ba huling umulan?”

                Nag-isip ako. “Noong nakaraang buwan pa. Bakit?”

                “Umuulan nang mangyari ang kwento ni Olga. Ibig sabihin, isa sa mga mauulang araw na ‘yun, du’n nila ginawa ang mga nangyari sa kwento. Ilang linggo ang lumipas at saka s’ya nagsimulang makaramdam ng mga senyales tulad ng pagkahilo at pagduduwal. Nang malaman mo kung anong pinagdadaanan n’ya, tsaka ka lang naging aware sa mga kinikilos n’ya. Ngunit iba na ang naabutan mo. Napansin mong madalas s’yang natutulog na parang walang pakialam. Natural ito sa mga nagdadalang-tao; ang pagiging antukin.”

Ang Mga PangalanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon