Choice #15: Nadine Del Gabriel
Nakaupo ako sa atrium ng College of Industrial Education habang naghihintay sa iba kong kaklase. Nakasara pa rin ang classroom ni Sir Noni kaya hindi ako makapasok. Maya-maya’y dumating na si Nadine at naupo sa hindi kalayuan. Kapansin-pansin ang pagiging matamlay n’ya ngayon at pagiging bagsak ng kanyang mga mata. Hindi naman s’ya ganito. Isa s’ya sa mga maiingay na tao sa klase. Tumayo ako at lumapit sa kanya.
“May problema ba?” Tanong ko.
Umiling lang s’ya habang nakangiti na halata namang peke.
“Alam ko, meron.” Pagpupumilit ko. “Ano ‘yun?”
“Wala nga.”
“Sige.” Tumango na lang ako. Ayos lang kung ayaw n’yang i-kwento. Malalaman at malalaman ko din naman ‘yun. “Alis muna ako.”
Tumango s’ya, saka ako naglakad paalis. At s’ya namang pag-ring ng telepono.
“Kring! Kring!”
Tumungo ako sa madilim na hagdanan ng building na ito, saka umupo sa isang bahagdan.
“Handa ka na bang malaman kung sino ang ika-labing lima?”
“May pakiramdam ako kung sino s’ya, pero hindi ako sigurado.”
“Sino?”
“Ayoko nang magpangalan. Sabihin mo na.”
At agad n’ya namang sinabi.
“Nadine Del Gabriel.”
Masayang namumuhay sina Nadine kasama ang kanyang mga magulang at dalawang nakatatandang kapatid na babae. Ang kanyang ina, na kahit may edad na, ay hindi nakalilimutang gampanan ang kanyang gampanin bilang ilaw ng tahanan. Ang kanyang ama, na bagamat may problema ang mga paa at hindi makapaglakad nang maayos, ay napakabuti at napaka-maalalahanin. At ang kanyang mga kapatid, na sa kabila ng mga pansariling pangangailangan, ay hindi nagdadalawang-isip na tumulong sa mga gastusin. Ito ang pamilyang meron s’ya. Ito ang pamilyang wala na s’yang mahihiling pa.
Hanggang sa magpakasal ang pangalawa n’yang kapatid.
Sa mga unang araw, ang pagsasamahan nilang lahat sa loob ng iisang bahay ay tahimik at maayos. Walang problema; walang kaguluhan. Ngunit nagbago ang lahat sa mga sumunod pang araw. Lumabas ang tunay na ugali ng lalaking pinakasalan ng kanyang kapatid. Naging mainitin ang ulo nito at naging agresibo. Hindi nila nakita ang pagkataong ito noon. Parang isang panibagong tauhan; hindi matukoy kung kakampi o kalaban. Gabi-gabing napupuno ng mga sigawan at bulyawan ang kwarto ng mag-asawa. Ngunit wala silang magawa. At ayaw na rin nilang mangialam sa pag-aakalang normal lang ito. Ika nga, away mag-asawa.
Ngunit isang gabi, lumabas ang mga sigawan at bulyawan mula sa kwarto, hanggang napuno na rin nito ang buong bahay.
Nagsisigawan sa salas ang mag-asawa habang walang magawang nakatingin lang ang iba. Hanggang mapuno si Nadine at hindi na kinaya ang mga nangyayari.
“Ano ba?!” Napatingin sa kanya ang dalawa. “Para kayong mga bata!”
“H’wag kang mangialam!” Sigaw ng lalaki. “Buhay namin ‘to!“
BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Mystery / ThrillerMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.