*23: Blastocyst
Ilang araw nang kapansin-pansin ang pagiging tahimik at matamlay ni Rey. Hindi na s’ya tulad noon na palaging maingay at nagpapatawa; hindi na s’ya nagtataas ng kamay tuwing recitation, hindi na s’ya masyadong ngumingiti, at madalas na rin s’yang late kung pumasok. Malamang ay dahil ito sa pagpaparinig ng iba naming kaklase. Bawat kilos at galaw na gagawin n’ya ay napapansin ng mga ito. Kaya’t pinipili n’yang tumahimik na lang.
Nag-ring ang telepono. Nakaupo ako sa hagdan ng College of Liberal Arts. Wala pa si Ma’am Agudon, propesor namin sa History, kaya nagpapahangin muna ako dito. Sinagot ko ang tawag.
“Magaling.” Pagbati ng boses.
“Magaling? Alin? Sino?”
“Ikaw. Magaling ang ginawa mo kay Rey.” Tumawa ang boses. “Masaya ka ba?”
“Oo naman. Nakakaawa s’ya minsan pero kasalanan naman n’ya ‘yun. Kung kinilala lang sana n’ya kung sinong binabangga n’ya, edi sana hindi sa kanya nangyayari ‘to.”
“Bilib na ‘ko sa’yo. Kakaiba ka talaga.” Naramdaman kong ngumiti s’ya. “Hindi ako nagkamali sa pagpili sa’yo.”
Kumunot ang noo ko. “Teka, ano’ng ibig mong sabihin?”
“Kalimutan mo na.” Muli s’yang tumawa. “Magdiwang ka na lang muna sa pagtatagumpay ng plano mong paghihiganti.”
Napangiti ako. “Yang Rey na ‘yan kasi, akala mo kung sinong matapang. Napakahina naman pala.”
“Hindi ba’t gusto mong malaman ang kahinaan n’ya?”
Nakaramdam ako ng pananabik. “Oo. Bakit?”
“Makinig ka.”
Second year High School noon si Rey nang ipatupad sa eskwelahang kanyang pinapasukaan ang isang Experimental Curriculum na tinatawag nilang Special Section. Sa seksyong ito iniipon ang lahat ng mga estudyanteng aktibo sa iba’t ibang uri ng performing arts. At dahil nagmula s’ya sa Science Class, ay hindi s’ya malapit sa mga bago n’yang kaklase. Mayayabang at matataray ang mga ito, tulad ng inaasahan.
Nang mga unang araw ay maayos ang lahat; kwentuhan, kilalanan, batian. Ngunit habang tumatagal ay nagbago ang mga eksena. Unti-unting lumabas ang tunay na kulay ng mga estudyanteng kailangan n’yang pakisamahan. At tumakas ang mga imaheng inakala n’yang totoo.
May iba-ibang pakulo sa bawat araw.
Miyerkules noon. Araw ng PE. Naka-jogging pants s’ya at PE Shirt. Break time.Iniwan n’ya ang mga gamit n’ya sa room saka bumili nang makakain sa canteen, isang bote ng tubig at isang biskwit. Naglalakad na s’ya pabalik nang harangin s’ya ni Patricio.
“Magkano ‘to?” Sambit nito sabay kuha sa hawak n’yang biskwit.
“Sais.” Nararamdaman n’yang may kakaibang mangyayari.
“Ang mahal!” Ibinato nito ang biskwit sa lupa.
Gustuhin mang lumaban ni Rey ngunit hindi n’ya ginawa, dahil wala s’yang mapapala. Yumuko s’ya upang kunin ang biskwit, nang bigla nitong hilahin pababa ang kanyang jogging pants mula sa likuran. Marami ang nakakita; marami ang nagulat. Ngunit mas marami ang natawa. Alam nilang lahat kung ano ang kulay ng kanyang salawal, ngunit hindi kung ano ang kanyang nararamdaman.

BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Mystery / ThrillerMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.