#18: Olga Nala

138 6 4
                                    

Choice #18: Olga Nala

                Hindi pa rin gaanong sumi-sink in sa akin ang kwento ni Lorraine. Ngunit muli nanamang nagsalita ang boses.

                “Ngayon naman, ang ika-labing walong pangalan na s’ya ring ikalawang pamimilian sa ating munting laro.”

                Napalunok ako ng laway.

                “Olga Nala.”

                Katulad ni Lorraine, maaga ring namulat sa totoong buhay si Olga. Ngunit ibang mukha ng buhay ang kinamulatan nito. Hindi berde, hindi malaswa. Kundi isang mundong kilala sa pagiging  magulo, maingay at totoo. At tinatawag nila itong Divisoria.

                Ang katawang kinalalagyan ng pagkatao ni Olga ay maihahalintulad sa isang lumang damit na kinalakihan; na binanat nang pilit upang magkasya sa kung anong sukat ang dapat n’yang pakisamahan. Kaya’t kinailangan n’yang pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral, na bagamat hirap ay pilit n’yang kinakaya. At ang buhay, para sa kanya, ay katulad ng tiyanggeng kanyang kinagisnan; magulo, masikip at napupuno nang masasamang elementong nag-aabang: agad na susunggab kapag nakakita nang biktimang walang depensa.

                Ngunit hindi s’ya nag-iisa.  Dahil may kasabay s’ya sa paglalakad sa tiyanggeng ito, si Jayvee.

                Mahal na mahal nila ang isa’t isa at legal sila sa parehong pamilya. At ito ang mas nagpapatatag sa relasyon nilang dalawa. Hanggang isang pangyayari ang muling susubok sa katatagang ito.

                Nakaupo s’ya sa ibabaw ng kama nang araw na ‘yun, habang tinitiklop ang mga damit na bagong punpun mula sa sampayan. Malakas ang ulan sa labas kaya’t nakasara ang bintanang gawa sa kahoy. May kumatok sa pinto. Tumayo s’ya’t lumapit, saka ito binuksan upang makita kung sino ang tao sa likod nito, si Jayvee; nilalamig at basang-basa ng ulan.

                Mabilis n’ya itong pinapasok sa loob at inabutan ng masusuot mula sa mga damit na tinitiklop n’ya kanina. Tahimik ang buong kwarto, tila nakikiramdam ang kabuuan nito sa bawat pagtibok ng kanyang puso. At mas lalong bumilis ang pagtibok nang hubarin ni Jayvee ang kanyang damit. Agad namang napatalikod si Olga. Hindi ‘to pwede. Hindi n’ya maaaring  isipin ang mga bagay na matagal na n’yang iniiwasang isipin; mga bagay na matagal na n’yang iniiwasang mangyari. Pilit n’yang pinakalma ang sarili; iniisip na maya-maya’y nakabihis na rin ng damit ang lalaki, at walang masamang mangyayari.

                Ngunit may naramdaman s’yang yakap mula sa kanyang likuran. Ramdam na ramdam n’ya ang katawan nito, hubad at basang-basa, nakadikit sa kanya. Maging ang paglapit ng mga labi nito sa kanyang tainga ay ramdam na ramdam n’ya, saka ito bumulong. “Nilalamig ako.”

Pumiglas s’ya’t itinulak si Jayvee palayo.  Nagkatitigan sila, tila nag-uusap nang tahimik ang kanilang mga mata. Napaupo ang lalaki sa sahig habang napatakip ang mga palad sa mukha, nagsisisi sa kanyang ginawa. “Sorry, Olga. Hindi ko sinasadya.”

Nilapitan ito ni Olga saka niyakap upang patahanin. Maya-maya’y muli silang nagkatitigan, mata sa mata. Ngunit mas malapit ang distansya ng kanilang mga labi, at hindi nila namalayang nagdidikit na ang mga ito. Hanggang gumapang na ang mga kamay kasabay ng mga tanong na matagal na n’yang nais masagot. At habang isa-isang nabibigyang kasagutan ang kanyang mga katanungan, ay dahan-dahan nitong pinapatay ang kanyang kuryosidad. Habang sa maromansang pagtanggal ng kanilang kasuotan, ay ang brutal na pamamaalam sa kanilang kainosentehan.

Lumalakas ang mga kalabog sa bintanang kahoy dahil sa pagpupumilit na makapasok ng ulan mula sa labas. Palakas nang palakas, paingay nang paingay. Hanggang tuluyang bumukas ang bintana at pumasok ang mga patak.

Napatulala si Olga nang maisip ang mga nangyari. Hindi n’ya lubos maisip na aabot sa ganito ang lahat. Hindi n’ya maintindihan kung bakit kailangang mangyari ‘to. At kung bakit hindi n’ya nalaman nang maaga na wala sa tiyangge ang masasamang elementong nag-aabang sa kawalan n’ya ng depensa. Kundi nasa loob n’ya mismo. Ang mga tanong at kuryosidad.

At isang araw nga’y napansin n’yang hindi na s’ya dinadatnan. Hindi n’ya alam ang gagawin. Paano ang pag-aaral n’ya? Paano ang trabaho n’ya? Paano s’ya?

Kaya’t naisip n’yang gumamit ng Pregnancy Tester. Kailangan n’yang makasiguro. Pumasok s’ya sa CR ng classroom at sinundan ang proseso.

Nagulat s’ya sa resulta.

    Natapos ang kwento ngunit nanatili akong nakatulala. Masyado na ‘kong nabibigatan sa mga bagay-bagay. Kung hindi ko kinaya ang kwento ni Lorraine, mas hindi ko kinaya ang kay Olga. Mas gumugulo ang isip ko.

                “Ngayon,” natauhan ako nang magsalita ang boses. “Sino na sa palagay mo ang may-ari ng positibong pregnancy tester? Sino sa kanilang dalawa ang buntis?”

                Pumikit ako't nag-isip. Isang beses lang nakipagtalik si Olga, samantalang maraming beses naulit ‘yung kay Lorraine. Kung ganu’n, mas malaki ang posibilidad na si Lorraine ang buntis. Isa pa, madalas ko s’yang makitang balisa nitong mga nakaraang araw. Habang natutulog lang na parang walang pakialam si Olga. Ibig sabihin, si Lorraine ang buntis sa kanilang dalawa. Ewan ko. Bahala na.

                “Sa palagay ko,” Huminga ako nang malalim. Hindi ko alam kung tama ang isasagot ko, pero sana, sana talaga.  Kaya't binanggit kong agad ang pangalan. “Si Lorraine.”

                “Sigurado ka na ba?”

                Nag-isip muna ako, hindi ito madali. “Oo.”

                Tumawa ang boses. “Malalaman mo ang tamang sagot sa mga susunod na araw. “

                Nawala ang boses. Naiwan akong nakatulala sa madilim na hagdanang ito.

Ang Mga PangalanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon