Choice #16: Herman Rustanato
Matamlay akong umupo sa pinakadulong bahagi ng bus, dahil bukod sa walang gaanong tao, ay mas tahimik dito. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Mas gumugulo na ang lahat. Habang parami nang parami ang mga nalalaman kong pangalang kasali sa mga pamimilian, ay mas nagiging komplikado ang mga bagay-bagay. Iniiwasan ko mang isipin, ngunit patuloy na sumasagi sa aking isip kung sino nga ba ang pipiliin ko sa kanila; sino ang papatayin ko? At kung sino nga ba talaga ang boses na nagtatago sa kabilang linya?
Si Rey nga ba talaga s’ya? O pinagbibintangan ko lang s’ya dahil matagal na talaga akong may galit sa kanya?
Bumalik ako sa katinuan nang mag-ring ang telepono.
“Kring! Kring!”
At isa lang ang paraan para mabigyan ng kasagutan ang aking mga katanungan.
“Umamin ka na, Rey.” Bungad ko pagkasagot ng telepono. “Ano ba’ng problema mo sa’kin?”
Tumawa s’ya. “Ano ba’ng nag-udyok sa’yo para isiping ako si Rey?”
“Pwede ba? Huling-huli na kita, kaya umamin ka na!”
“Pinapatawa mo ‘ko, Dominic. Iniisip mo talagang ako si Rey?” Tumawa ulit ang boses.
“Alam kong gusto mo lang guluhin ang buhay ko! Alam kong ginugulo mo lang ang isip ko!”
“Minsan ko lang sasabihin sa’yo ‘to.” Naging seryoso ang boses. “Hindi ako si Rey! Hindi na mahalaga kung sino ako. At h’wag ka nang magtangkang alamin pa. Dahil sa oras na malaman mo, tapos na ang laro. Isang buhay ang magpapaalam.”
Napalunok ako. Hindi ako agad nakapagsalita. Muling bumalik sa isip ko ang dahilan kung bakit ako napapayag sa larong ito. Upang protektahan ang pamilya ko. Marami-rami na rin ang mga pangalang nalaman ko, huli na para huminto.
“Sa tingin ko nama’y nagkakaintindihan na tayo.” Tumawang muli ang boses. “Hindi ka ba nasasabik na malaman kung sino ang susunod na pamimilian?”
“Sino?”
“Si Hello Kitty.”
Napakunot ang noo ko. “Ha?”
Tumawa s’ya. At nang banggitin n’ya ang totoo at buong pangalan ng susunod ay saka ko lang naintindihan ang lahat.
“Herman Rustanato.”
Kung tutukuyin kung sino sa loob ng kanilang klase ang may pinakamagulong pag-iisip at pagkatao, malamang ay si Herman ang mangingibabaw. Walang nakakaalam sa kung ano ang susunod n’yang gagawin; walang nakakabasa sa blanko n’yang reaksyon. Ni walang nakakaalam sa tunay n’yang nararamdaman. Kung minsa’y papasok s’ya nang tahimik; saka uupo sa isang tabi habang may nakapasak na earphones sa magkabilang tainga. At kung minsan nama’y nangungulit sa mga kaklase, na bagamat halatang pilit lamang ay wala s’yang pakialam.
Mas madalas na makikitang seryoso si Herman, ngunit kabaligtaran ito ng nag-iisa n’yang hilig: ang pangongolekta ng kahit anong bagay na may Hello Kitty o kulay pink. Walang nakakaalam kung bakit. Kung bakit si Hello Kitty; kung bakit pink. At dahil dito, madalas s’yang mapagkamalang kabilang sa ikatlong kasarian. Kung meron man nito.
Sa kabila ng kanyang magulong pagkatao sa paningin ng iba, aktibo s’ya sa kanyang buhay-espiritwal. At dito s’ya humuhugot ng lakas upang kayanin ang mga negatibong bagay sa kanyang paligid; lahat-lahat ng mga bagay na laban sa kanya.
Isa na dito ang kanyang panganay na kapatid.
Maliliit pa lamang sila ay mainit na ang dugo nito sa kanya. Hindi dahil sa puro Hello Kitty at kulay pink n’yang gamit, kundi dahil mas madalas s’yang mapansin nang ibang tao at madalas maikumpara sa nakatatandang kapatid.
Hanggang makahanap ito ng tiyempo para makabawi man lang; Nakahanap ito ng isang maliit na bagay na maaaring palakihin upang mapagsimulan ng away.
Walang ibang tao noon sa bahay maliban sa kanilang dalawa, ito na ang tiyempo. Ito na ang pagkakataon. Napuno ng mga sipa, ng mga tadyak at ng mga suntok ang bawat paggalaw ng kamay ng orasan; tumatama sa bawat bahagi ng katawan ni Herman. Sumisigaw ang hangin nang ‘lumaban ka.’ Ngunit bingi s’ya. O nagbibingi-bingihan. Na para bang nakapasak pa rin sa kanyang mga tainga ang earphones na palagi n’yang suot.
“Lumaban ka!” Sinigaw na rin ito ng kanyang kapatid, ngunit sa tonong nanghahamon.
Hindi s’ya umimik. Ayaw n’ya.
“Lumaban ka, sabi!” Hinila s’ya nito sa unahang kwelyo. “Bakla ka ba? Ha?! Bakla ka ba?!”
Ayaw n’ya pa ring lumaban, dahil may ibang tumatakbo sa kanyang isipan. Ano nga bang mapapala n’ya kapag lumaban s’ya?
Sinuntok s’ya nito sa mukha na naging dahilan ng kanyang pagkakadapa. “Tama na, Kuya.”
“Ano? Duwag ka pala, e! Sumuntok ka!”
“Ayoko.” Tiningnan n’ya ito sa mga mata. “Kuya pa rin kita.”
“Ang dami mong arteng bading ka! Naduduwag ka lang!” Hiniklas nitong muli ang kanyang unahang kwelyo saka nagtangkang muli s’yang suntukin. Ngunit agad itong napahinto.
“Anong nangyayari dito?!” Pumasok ang ina sa pinto, walang sumagot. Ngunit kung nakapagsasalita ang mga pader at mga kisame, ay kanina pa nagsumbong ang mga ito.
Binitiwan s’ya ng kapatid, tinitigan s’ya at muling nagsalita. “Hindi pa tayo tapos.” Saka naglakad paalis.
“Hoy! Bumalik ka rito!” Sigaw ng ina. “Ano’ng ginawa mo sa kapatid mo!” Sinundan nito ang panganay habang naiwang nakaupo sa isang sulok si Herman. Bugbog-sarado, sugatan, nakakaawa.
Ngunit ito ang pinili n’ya, ito ang mas ginusto n’ya: ang magpabugbog at hindi lumaban. Dahil naisip n’ya kung ano ang tama, at kung ano ang gusto nang nanunuod sa itaas.
Madalas isipin ng lahat na magulo s’yang mag-isip. Ngunit kung ganitong pag-iisip ang tinatawag nating magulo, sino ang tatawagin nating matino?
“Tama pa ba ‘yun?” Tanong ko matapos n’yang magkwento. Naglalakad na ‘ko papunta sa gate papasok ng school.
“Ang alin?”
“Ang magpaapi kahit alam mo namang nasa tama ka.”
“Nasa tama ka, dahil mas pinipili mong magpaapi kesa makipagpagalingan.”
“Wala namang masama kung tatapatan mo ‘yung kahambugan n’ya, ah?”
“Masama ang pakikipagmataasan. Mateo 5:10 :Mapapalad ang mga pinaguusig dahil sa katuwiran: sapagka't kanila ang kaharian ng langit.” Tumawa ang boses. “Nakahawak ka na ba ng bibliya?”
Napaisip ako. “Oo. Pero matagal na.”
“Bakit?”
“E, nasa probinsya ‘yung mga bibliya namin, e.”
Tumawa ulit ang boses. “H’wag kang mag-alala. Magkakaro’n ka rin.”
“Ha?” Nagtataka kong tanong. Pumasok ako ng gate saka ako hinarang ng isang lalaki.
“Sir,” Nakangiti s’ya. “Libreng bible po.”

BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Mystery / ThrillerMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.