#14: Norlyn Rodrigo

170 9 4
                                    

Choice #14: Norlyn Rodrigo

                Binuksan ko ang pinto saka ako pumasok sa classroom. Inasahan kong pagtitinginan nila ako dahil inakala kong kwinento ni Rey sa kanila ang nangyari kahapon. Ngunit mukhang mali ako. Normal lang ang lahat. Wala rin namang bumabanggit. Mukhang walang ibang nakakaalam.

                Naupo ako sa pinakalikurang bahagi ng silid; nilapag ko ang bag sa bakanteng upuan sa tabi ko, saka ipinatong ang ulo sa mesa ng aking arm chair. Narinig ko ang muling pagbukas ng pinto kaya’t muli kong inangat ang aking ulo upang makita kung sino ang pumasok. Si Elizabeth, malungkot at maga ang mga mata; kasama si Norlyn, na mula umpisa ay tutol sa namamagitan kay Elizabeth at kay Helena. Umupo sila sa bandang gitna. Agad na isinubsob ni Elizabeth ang mukha sa mesa ng arm chair, habang hinahagod naman ni Norlyn ang likod nito.

                Wala pa rin si Sir Farley hanggang ngayon. Dalawang oras pa naman kami sa kanya, pero parang hindi na s’ya darating.

                Biglang nag-ring ang telepono.

                “Kring! Kring!”

Lumingon ako sa likod upang tingnan kung nakabukas ang pinto ng maliit na balkonahe. Nakabukas nga ito. Tumayo ako’t pumunta roon; isinara ang pinto saka ko sinagot ang tawag. Natatanaw ko ang buong field.

“Pinapayuhan natin ang mga tao base sa kung ano ang tama sa ating paningin.” Panimula ng boses. “Ngunit hindi natin malalaman kung ano ang totoong tama hangga’t hindi nkakatayo sa kinatatayuan nila.”

Mabilis kong naintindihan ang kanyang mga salita. Sinilip ko ang maliit na bintana sa bandang gitnang-itaas ng pinto; tiningnan ko si Norlyn; kinakausap n’ya si Elizabeth.

“Bakit nga ba napakdaling magbigay ng payo sa iba? Ngunit napakihirap payuhan ng ating mga sarili?”

Hindi na ‘ko nag-aksaya pa ng oras. “Si Norlyn ba ang susunod?”

“Oo.” Tumawa s’ya. “Norlyn Rodrigo.”

Isang simple at matatag na babae si Norlyn. Masiyahin, magaling makisalamuha, at palakaibigan. Ngunit sinong mag-aakala na ang mga positibong bagay na ito, ay s’ya mismong magtutulak sa kanya sa pinakamalalim n’yang bangin?

At nagsimula ang lahat nang makilala n’ya si Charrie.

                Nagkakilala sila sa isang Online Game na pareho nilang paboitong laruin. Hanggang naging magkaibigan sila sa personal at naging malapit. Madalas silang magkita pagkatapos ng klase, bagamat magkaiba sila ng eskwelahang pinapasukan; magkasamang naglalaro ng laro kung saan sila nagkakilala; sabay kumain, tumawa, umuwi; kung minsan nga’y nakikitulog pa sa bahay ng isa’t isa. Ngunit wala lamang ito. Dahil magkaibigan lamang sila.

                Ngunit malapit na s’ya sa bangin.

                “Paano kaya kung maging tayo?” Tanong ni Charrie, isang gabi nang sa bahay nila makikitulog si Norlyn.

                Tumawa lang si Norlyn at nagpatuloy sa pagluluto ng hapunan. Ngunit matapos ang hapunan, nang naghuhugas na sila ng pinagkainan, ay muli itong nagtanong.

                “Oy,” Napalingon s’ya. “Paano nga kung maging tayo?”

                Pinilit n’yang muling tumawa at umiwas. Ayaw n’ya sa mga ganitong usapan. Hindi n’ya alam kung saan nanggaling ang ganitong mga tanong ni Charrie. Ni hindi man lang sumagi sa kanyang isipan ang pumatol sa kapwa n’ya babae.

                Nabago ang usapan; nawala na ang tanong. Ngunit muli nanamang nagbalik nang pumasok sila sa CR upang sabay na maghilamos.

                At hindi na s’ya makakatakas.

                “Ano na, ‘Lyn?” Nakatingin sila sa replesyon ng isa’t isa sa salamin. “Paano kaya kung maging tayo?”

                Muli s’yang umiwas at sinubukang lumabas ng pinto. Ngunit hinila s’ya nito at dinikit sa pader, saka nito inilapit ang mukha sa kanya. “Sagutin mo ‘yung tanong ko.”

                Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Pabilis nang pabilis hanggang hindi na n’ya mahabol. Hindi n’ya alam ang gagawin, hindi n’ya ito inasahan. Wala s’yang inaasahan sa mga nangyayari.

                Dahan-dahang mas nilapit ni Charrie ang kanyang mga labi sa mga labi ni Norlyn, hanggang maglapat ang mga ito. Hindi n’ya ito gusto ngunit ayaw n’yang umalis. Hindi na n’ya maintindihan ang mga nangyayari, maging ang dinidikta ng kanyang kalooban. Alam n’yang mali ito ngunit nakalimutan na n’ya sa mga sandaling ‘yun. Hanggang ang mga ayaw ay unti-unting naging gusto. Wala na s’yang maggawa…

                …Kundi ang pumikit.

                At tuluyan na s’yang nahulog.

                 “Tayo na.”

                Mahigpit ang kapit ko sa telepono.

“Ibig sabihin…” Naiintindihan ko ang lahat ngunit gusto ko lang ng kumpirmasyon kung tama nga ba ang naiintindihan ko.

“Oo.” Mabilis na sagot ng boses. “Pinapayuhan n’ya ang iba ngunit hindi n’ya kayang payuhan ang kanyang sarili.” Dagdag pa n’ya. “Sinasabi n’ya kay Elizabeth na pabayaan na si Helena, ngunit hindi n’ya kayang pabayaan si Charrie.”

“Teka, teka.” Ito na ang hindi ko naiintindihan. “Bakit n’ya nga ba ginagawa ‘yun?”

                “Hindi pa ba malinaw?” Tanong ng boses. “Nililigtas n’ya si Elizabeth sa bangin. Dahil s’ya mismo ay tuluyan nang nahulog. At alam n’yang mahirap makaalis.”

Unti-unting lumulubog sa aking anit ang mensahe.

Nagpatuloy ang boses. “Pinapayo n’ya sa iba ang mga bagay na hindi n’ya kayang gawin. Dahil minsan, bagamat alam natin ang tama, hindi natin ito ginagawa. Dahil natatakot tayo na baka hindi tayo maging masaya sa kung ano ang tama kahit alam naman nating mali ang ganitong pag-iisip. Dahil lahat ng tama ay nagdudulot ng saya. At lahat ng mali, ay nagiging masakit. Kaya palagi tayong nasasaktan.”

Naputol ang linya. Muli kong sinilip ang maliit na bintana, at nakitang nag-uusap pa rin ang magkaibigan. Umupo ako sa sahig at tumingin sa malayo, saka umulit sa aking utak ang mga kataga.

                Palagi tayong nasasaktan, dahil ang mali ang palagi nating ginagawa.

Ang Mga PangalanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon