Choice #6: Sydney Lagdullaw
“Manong, bayad po.”
Nakasakay ako sa jeep habang nakatingin sa labas ng bintana. Mabilis na nalalagpasan ng jeep ang mga taong naglalakad. At kapag wala na sila sa paningin ko, wala na; tuloy ang pag-andar. Ewan ko, pero ang lungkot sa pakiramdam. Tulad nito: kapag namatay ang isang tao, hindi hihinto ang mundo sa pag-ikot. Walang stop o pause. Magpapatuloy ang buhay ng mga taong naiwan. Parang wala lang. Ba-bye lang, konting iyak lang, tapos go ulit. Mas nahihirapan akong isipin ang mga bagay na may patungkol sa kamatayan simula nu'ng makatanggap ako ng mga tawag. Kapag may pinatay ako sa isa sa kanila, magpapatuloy ang buhay ng mga minamahal at nagmamahal sa kanila. Ganu'n naman siguro talaga.
Parang chikading; 'yung nursery rhyme.
May isang chikading, nakadapo sa sanga, dumating ang isa, dalawa na sila.
Sa buhay natin, may mga taong makikilala tayo; makakasama; makakasalamuha. Magiging parte sila sa pagbuo ng buhay at pagkatao natin. At itong mga taong 'to ang magtatanggal ng bagot sa dinadapuan nating sanga.
May dalawang chikading, nakadapo sa sanga, umalis ang isa, isa na lang s'ya.
Nguni minsan, hindi natin naiisip, o sadyang iniiwasan nating iisipin, na ang mga taong ito ay aalis din sa buhay natin. Maiiwan tayo, o tayo ang mang-iiwan. Masasaktan tayo, o tayo ang mananakit. At hindi natin 'to maiiwasan, dahil kapag minsang nabali ang sanga, lilipad ang mga ibon sa iba't ibang direksyon. Ngunit ang hindi mawawala ay ang mga bagay na nai-ambag nila sa kung sino tayo ngayon.
Naisip ko, paano kaya kung ako mamatay? May pakialam kaya ang mga taong nagmamahal sa'kin? Pero ang pinaka-tanong, meron nga bang nagmamahal sa'kin? Bakit palaging malayo ang loob sa'kin ng mga tao sa paligid ko? Kasalanan ko bang palagi akong nakakasakit ng mga tao dahil sa pagpapakatotoo ko? Hindi na ba nila ako mahal dahil ganito ako? At kung mamamatay ako, puro masasamang alaala ba ang maiiwan sa kanila? May iiyak kaya? May pupunta kaya sa libing ko? May magluluksa kaya at magsasabing “Sana ako na lang”?
Madilim na nang makuwi ako. Binaba ko ang bag ko sa gilid ng kama, saka ako pabagsak na humiga. Sobrang napapagod na ‘ko physically at mentally. Nababaliw na ‘ko dito sa kabaliwang pinagdaraanan ko. Hindi na nakakatuwa. Lima pa lang ‘yung nakikilala ko, pero gusto ko nang sumuko. Gusto ko nang matahimik.
Ngunit mukhang hindi ako patatahimikin ng mga tawag na ito.
“Kring! Kring!”
Kinuha ko ang cellphone sa kanang bulsa ng pantalon ko, saka ito sinagot. “Hello?”
“Narito na ang ika-anim.”
Napabangon ako't napa-upo sa kama.
“Sydney Lagdullaw.”
Ang pamilyang kinabibilangan ni Sydney ay isang pamilyang malayo sa pinapangarap ng kahit na sino. Madalas mag-away ang kanyang mga kapatid. Kung minsan, maging s'ya'y nagiging parte ng bangayang ito. Silang magkakapatid ay maihahalitulad sa mga walis-tingting na anumang oras ay maaaring magkawatak-watak. Ngunit dahil sa isang taling nagbibigkis sa kanila, hindi sila nawawasak. At ang taling ito ay ang kanilang ina.
Hindi n'ya gusto ang mga bangayang nangyayari sa kanilang bahay kaya't mas pinipili n'yang gugulin ang maghapon sa pag-aalaga ng kanyang inaanak sa bahay ng kaibigan n'yang si Lotlot, isang teacher.
Tuwing hapon, kapag hindi pa umuuwi si Lotlot mula sa pinagtatrabahuhan nitong paaralan, si Sydney at ang ama ng bata ang naiiwan sa bahay upang mag-alaga sa sanggol. Ganito ang naging takbo ng pang-araw-araw n'yang buhay.
Ngunit hindi nagtagal, nagbago ang pakikisama sa kanya ni Lotlot. At isang araw ay kinausap s'ya nito.
“Tapatin mo nga ako! May relasyon ba kayo ng asawa ko?!”
Nagulat s'ya. Hindi n'ya ito inasahan. “Wala! Ano bang iniisip mo?”
Matalas ang tingin ng mga mata nito. Galit na galit. “Hindi mo 'ko kilala, Syd. H'wag na h'wag mo 'kong susubukan.”
“Promise! Maniwala ka. Kahit ano gagawin ko, basta maniwala ka sa'kin.”
“H'wag ka nang babalik dito.” Madiin nitong sinabi. “kahit kailan.”
Wala nang nagawa si Sydney. Kailangan n'yang baguhin ang ruta. Kailangan n'yang lumayo sa kanyang kaibigan at sa minamahal n'yang inaanak. Ngunit hindi n'ya inasahang sa paglayo n'yang ito, hahabulin s'ya ng isang mas malaking problema.
“Hoy, Sydney!” Sigaw ng panganay n'yang kapatid. “Wala ka na bang idudulot sa pamilyang ito kundi perwisyo?!”
“Ano bang sinasabi mo?”
“H'wag ka ngang magmaang-maangan! Kalat na kalat na sa mga kapitbahay 'yang kalandian mo!”
“Wala akong alam d'yan!”
“Anong wala?! Letse ka pala, e!” Sabat ng isa pa n'yang kapatid. “Ang dami-dami mong lalandiin, asawa pa ng teacher! Alam mo namang tsismosa 'yang Lotlot na 'yan!”
“Ate, wala akong ginagawang masama!” Nagbabadya nang bumagsak ang mga luha sa kanyang mata. “Naglalaro lang kami nu'ng bata!”
“Hindi ka ba nag-iisip?! Pumupunta ka du'n ng naka-shorts lang na sobrang iksi, tapos sasabihin mong makikipaglaro ka lang?! Hindi mo ba inisip ang sasabihin ng mga kaptibahay?!”
“Tama na 'yan!” Sumigaw ang kanyang ina na naglalakad palabas ng kwarto. “Wala na kayong ibang ginawa kundi mag-away!”
“E, kasi naman 'tong anak n'yo, Nay! Pinagtsi-tsismisan na ng mga kaptibahay! Kalat na kalat na ang kalandian!”
Bumagsak na ang mga luha. “Wala nga akong ginagawang masama! Bakit ba ayaw n'yong maniwala?!”
“Tumigil na kayo!” Muling sumigaw ang ina saka napatumba sa sahig. At saka sumigaw nang sumigaw ngunit wala ng mga salita. Purong mga sigaw ng sakit at pagdurusa.
Napatigil ang lahat sa pag-aaway saka napatakbo palapit dito. Sinugod nila ito sa ospital. Walang umiimik; walang nagpapansinan. Hanggang sinabi ng doktor ang kalagayan ng ina.
Liver Malfunction.
Sa kalagayang ito, anumang oras, ay maaaring mawala ang tali; maaaring magwatak-watak ang mga tingting.
At kawawa ang pinakamahina.
BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Mystery / ThrillerMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.