*31: Death
Nakaputi ang lahat at tahimik ang paligid. Maaliwalas ang langit, ngunit mabigat ang namumutawing pakiramdam sa buong sementeryo. Nakatayo ako’t nakatitig sa kabaong habang binabasbasan ito ng pari. Pinagmamasdan ko ang dahan-dahang paglubog nito sa ilalim ng lupa, habang lumalapit ang mga tao upang maghagis ng bulaklak. Napuno ng iyakan ang buong paligid. Ngunit mas lumakas ang mga ito nang magsimulang tabunan ng lupa ang hukay; ibinabaon ang katawan ngunit hindi ang mga alaalang panghabambuhay na iingatan.
Natapos ang seremonya’t nagsimula nang mag-uwian ang ilan sa mga nakilibing. Kumuha ako ng kape saka umupo sa isang mesa sa ilalim ng tinayong tent malapit sa nitso ngunit malayo sa mga kaklase ko. Tinitigan ko’t pinakinggan ang mga umiiyak sa hindi kalayuan. At hindi ko mapigilang mag-isip. Pinanganak tayo sa mundong ito at maliit pa lamang tayo ay alam na natin kung saan magwawakas ang lahat; sa kamatayan. Ngunit sa hinaba-haba ng panahong alam na natin ang tungkol dito, bakit nga ba hindi pa rin natin naihahanda ang ating mga sarili? Bakit nasasaktan pa rin tayo tuwing namamatay ang mga mahal natin sa buhay? Bakit natatakot pa rin tayo kapag nalaman nating magwawakas na ang mga buhay natin?
Ngunit bakit nga ba tayo natatakot? Dahil ba hindi pa tayo handa, o kulang lang tayo sa kaalaman? Na maaaring hindi permanente ang tinatamasa nating buhay ngayon, ngunit may isa pang buhay ang naghihintay para sa atin; ang buhay na ‘yun ang masasabi nating permanente. Permanente at panghabambuhay. At makukuha lamang natin ito kung maniniwala tayong makukuha natin ito; at kung gagawin natin ang mga dapat nating gawin.
Ang kamatayan daw o ang katapusan, ay parang isang magnanakaw. Hindi natin alam kung kalian ito darating at kung kalian nito nanakawin ang ating buhay. Kaya’t kailangan nating maging alerto, upang sa pagdating nito’y nakahanda tayo. At hindi ba’t dapat tayong magpasalamat sa kamatayan? Dahil dito, pinahahalagahan natin ang bawat araw na kasama natin ang mga mahal natin sa buhay; hindi natin sinasayang ang bawat araw dahil alam nating may deadline. May hangganan. At lahat ng may hangganan, dapat sinusulit.
“Kanina ka pa nakatulala d’yan, ah.” Napalingon ako nang tabihan ako ni Rey. “Ano bang iniisip mo?”
Ngumiti ako. “Wala naman.” Saka ko pinindot ko ang sugat n’ya sa dibdib. “Masakit pa ba?”
Napangiwi s’ya habang tumatawa. “Masakit pa, malamang!” Tumawa rin ako. Napalingon kami kina Sydney at sa mga kapatid nitong huminto na sa pag-iyak at ngayo’y magkakayakap. Muli s’yang nagtanong. “Okay lang kaya sila?”
“Bakit naman hindi?”
“Wala naman. Siguro masyado lang natin silang hinusgahan base sa kwento ng boses. Sa sobrang pakikinig natin dito, nakalimutan nating magkakapatid pa rin sila. At the end of the day, ang isa’t isa pa rin ang takbuhan nila.” Ngumiti s’ya. “Mukhang hindi ang mismong Nanay nila ang taling nagbibigkis sa kanila. Kundi ang pagmamahal at pagmamalasakit na ipinakita nito habang nabubuhay pa ito. At ngayong wala na s’ya, ang magkakapatid na ang bubuo ng sarili nilang tali.”
Natawa ako. “Ano pa bang sasabihin ko? Nasabi mo na lahat.”
Natawa rin s’ya’t napalingon sa iniinom kong kape. “Mahilig ka rin sa kape?”
Tumango ako.
“Kape.” Ngumiti s’ya. “Hinahagod mo ang kabuuan na tila bahagi ka nito. Malayong lakbayin ang pakuluang buto.
Ngumiti rin ako. Alam ko kung anong gusto n’yang mangyari. ”Bawat higop ay dadaloy ka nang dahan-dahan, hanggang sa makilala ka nang lubusan.
“May pait na papawi sa konting tamis; may tamis na papawi sa konting pait. May kurot at kiliting sumasayaw nang pilit.”
“Mapapaso ako’t magti-tiyagang ika’y subukan ‘pagkat malapit na kitang mabakat.”
“Tatanggapin kita sa aking lalamunan kahit agad kang magbabago. Tumamis ka man sa ilalim, o pumait nang tuluyan.”
“Kahit latak mo’y sisimutin ‘pagkat ikaw ay akin nang nahinuha.”
“Tumabang ka man sa dila o kumulo sa sikmura.”
“Hindi na isusuka ‘pagkat kilala na kitang lubusan.”
Sabay kaming ngumiti at tumawa nang mahina. Wala namang nakapansin sa’min dahil halos nakauwi na ang lahat ng mga nakipaglibing at iilan na lang kaming nandito. Maya-maya’y lumapit sa’min ang iba naming kaklase. Iniwas ko ang tingin ko at ibinaling sa iniinom kong kape; hindi dahil sa ayaw ko silang kausapin. Kundi dahil nahihiya pa rin hanggang ngayon sa mga nagawa ko. Hindi ko pa kayang makipag-usap sa kanila.
“Rey, sasama ka ba sa’min?” Tanong ni Anna. “Bibisitahin namin si Olga sa ospital. Nanganak na s’ya kagabi.”
“Talaga?” Nakangiting tanong ni Rey, kasabay nang mabilis na pagtayo. “Tara!”
“E, ikaw, Dominic?” Napatingin ako kay Fatima. “Gusto mo bang sumama?”
Napalunok ako’t ibinalik ang tanong. “Bakit, gusto n’yo ba akong sumama?”
“Tatanungin ka ba namin kung ayaw namin?” Pagbibiro ni Lorraine. “Oh, edi h’wag na. H’wag ka nang sumama.”
Agad akong napatayo. “Biro lang, sasama na ‘ko!” Natawa sila kaya’t tumawa na rin ako. Saka kami nagsimulang maglakad paalis; masaya at magkakasama.
At nanatili akong nakangiti.

BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Mystery / ThrillerMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.