Choice #9: Mae Calinao
Alas-sais y media na nang gabi pero nandito pa rin ako sa school hanggang ngayon dahil sobrang lakas at hindi tumitigil ang ulan. Ilang minuto na lang at magsasara na ‘yung gate. Halos wala na ring tao dito maliban sa mga gwardya at mga nagsisiuwiang mga Propesor. Naglakad ako papunta sa dulo ng College of Architecture and Fine Arts dahil malapit ‘yun sa gate kung saan ako lalabas. Ngunit nang palabas na ‘ko, nakita ko s’yang nakatayo malapit sa pinepwestohan ng mga gwardya. Nakatayo habang sinasalo ng kanang kamay ang mga malalaking patak ng ulan.
Si Rey.
Katulad ko, wala rin s’yang payong at naghihintay din s’yang tumila ang ulan. Pero ayokong magpakita sa kanya. Mas gugustuhin ko pang maglakad mag-isa kesa mabingi sa mga kwento n’yang hindi naman ako interesado. Kaya nanatili akong nakatago sa anino ng pader.
Sa halos ilang minuto naming paghihintay, natanaw ko sa malayo si Sir Murcia; naglalakad patungo sa direksyon namin. May dala s’yang payong, binati ko s’ya.
“Good evening, Sir.”
Ngumiti naman s’ya saka nagpatuloy sa paglalakad. Binati din s’ya ni Rey.
“Good evening, Sir.”
Huminto s’ya.
“Wala kang payong?”
Umiling s’ya habang nakangiti.
“Taga-sa’n ka ba?”
“Santa Mesa po. Malapit lang po, Sir.”
“Dadaan ka sa SM?” Tumango si Rey. “Sumabay ka na sa’kin.”
Dinig na dinig ko ang usapan nila mula sa kinatatayuan ko. At alam kong papayag si Rey na makisabay kay Sir, para makapagpapansin nanaman s’ya. O makapagsipsip. Si Sir Murcia ang Propesor namin sa Automotive, at ayon sa pagkakakilala ko kay Rey, gagawin n’ya ang lahat para mapansin ng mga Propesor.
Pero mukhang mali ako.
“Salamat po, Sir. Pero may hinihintay po kasi ako, e.”
Tumango si Sir; emotionless. At naglakad paalis. Tinapik n’ya ‘yung guard at tinuro si Rey. Tumango naman ‘yung guard. Saka s’ya tuluyang lumabas ng gate.
Naiwan si Rey. At ako. At ang ulan.
Bumwelo na ‘ko para tumakbo at sumugod sa ulan, pero napahinto ako dahil napansin kong namatay ‘yung ilaw sa library. May tao pa pala du’n nang ganitong oras. Saka may lumabas na babaeng nakapayong. Oo nga naman. ‘Yung librarian.
Naglakad din s’ya patungo sa direksyon namin. Wala kaming pansinan. Syempre, hindi ko naman kilala ‘yun. At ngayon ko lang nakita ang hitsura ng University Librarian.
Nilagpasan n’ya ‘ko, pero tulad ng ginawa ni Sir Murcia, huminto rin s’ya sa harap ni Rey, na nakangiti.
“Wala kang payong?” Malumanay ang boses n’ya, pero rinig kahit malakas ang ulan.
“Wala po, e.”
“Dadaan ka sa SM?” Tumango si Rey. “Sumabay ka na sa’kin.”
“Salamat po.” Saka s’ya sumukob sa payong at nagsimulang maglakad.
Habang pinapanuod ko silang naglalakad palayo, hindi ko maiwasang makaramdam ng butas. Ganito na ba kamiserable ang pagkatao ko? Na kahit ang mga tao sa paligid ko, natatakot madamay sa miserable kong buhay? Kapag sumugod ba ‘ko sa ulan, iiwasan din ba ako ng mga patak nito? O pupunan nito ang mga butas na nararamdaman ko?
I find this so unfair. Palaging pinipili ng mga tao ang mga masayahin; mas gusto nilang lapitan ang mga taong palaging nakangiti. At para sa’kin, hindi ito tama. Dahil mas kailangan ng pansin ng mga taong malulungkot. Mas kailangan nila ng kausap. Mas kailangan nila ng karamay.
BINABASA MO ANG
Ang Mga Pangalan
Mistério / SuspenseMay isang tumatawag. May isang tinatawagan. May isang mamamatay sa bente-unong pangalan.