*28: Manipulation

129 6 2
                                        

                                                                      *28: Manipulation

                Tahimik ako’t mag-isang naka-upo sa harap ng mesa ni Ma’am Parro. Magta-tatlong oras na ‘kong nandito sa Guidance Office at hindi pa rin n’ya ako pinapaalis. Ilang beses na n’ya akong tinanong kung anong nangyari, ilang beses ko na ring sinabi ang katotohanan, ngunit ayaw n’yang maniwala. Lumalala na ang sitwasyon. Lumalaki na ang bilog ng kaguluhang nililikha ng lalaking tumatawag sa’kin. Mas nahihirapan na akong mag-iisip at kumilos. Tiningnan ko ang orasan. Mag-aapat na oras nang nasa clinic si Rey, malamang ay hindi pa rin s’ya nagigising hanggang ngayon. Hindi ko alam kung anong meron at kung kanino galing ang sumpit na tumama sa leeg n’ya. Ang alam ko lang, sinadya ang lahat ng ‘yon; may nagmamasid sa’min.

                “Ano, sasabihin mo na ba?” Bumukas ang pinto at bumalik si Ma’am Parro sa kanyang upuan. “Handa akong makinig.”

                “Pero  Ma’am, kanina ko pa po sinasabi kung ano ang totoo.”

                “Hindi ako naniniwala.”

                “Pero Ma’am…”

                “Dominic,” tinitigan n’ya ako. “Mahirap paniwalaan ang mga kinekwento mo. Ang boses, ang pagtawag, ang utos na pagpatay, lahat! Lalo na’t dawit sa buong sitwasyon ang epekto ng droga.”

                “Hindi po ako nagda-drugs, Ma’am.”

                “Tumawag ang mga pulis. Sabi nila, pinapahanap ka ng Lola mo. Lola mo na ang nag-utos, Dominic. S’ya ang mas nakakakilala sa’yo kumpara sa’kin. And I’m sorry kung naniniwala ako sa kanya.”

                “Totoo po ang sinasabi ko, Ma’am.”

                Umiling s’ya. “Ako ang Guidance Counselor ng unibersidad na ito, Hijo. Trabaho ko ang intindihin kayo, at ipaintindi sa inyo ang hindi n’ya naiintindihaan.” Saka ngumiti. “Kung ano man ang dahilan ng paggamit mo ng bawal na gamot, handa akong makinig.”

                Nagbuntong-hininga ako. “Ilang beses ko na pong sinabi kung ano ang katotohanan, Ma’am. Hindi po tayo matatapos dito hangga’t hindi kayo naniniwala sa’kin.”

                Ngumiti lang s’ya at hindi na sumagot. Wala nang umimik. Nanatiling tahimik ang kabuuan ng silid maliban sa ugong ng pag-ihip ng nang-aasar na aircon. Biglang bumukas ang pinto. Si Rey.

                “Tuloy ka, Hijo.”

                Pumasok s’ya’t umupo sa katapat kong upuan. Nagkatinginan kami ngunit agad n’yang ibinaling ang tingin sa kaharap naming guro.

                “Pinapatawag n’yo daw po ako?”

                Tumango si Ma’am. “Gusto ko lang malaman kung ano ang pananaw mo tungkol sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.”

                Agad akong sumingit. “Pero, Ma’am, hindi nga po ako nagda-drugs!”

                “Kumalma ka, Dominic. Hinihingi ko lang ang pananaw ng kaibigan mo.”

                “Naniniwala po ako sa kanya, Ma’am.” Ibinalik ni Ma’am ang tingin kay Rey. “Wala po s’ya sa ilalim ng impluwensya ng droga, at naniniwala po akong totoo ang lahat ng sinabi n’ya sa inyo.”

Ang Mga PangalanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon