Ann Basa and Basti CuervaPaano mo nga ba talaga malalaman pag siya na talaga ang the one? Sabi ng nanay ko, kapag daw nakita mo siya at parang may sparks, ayun na daw. Sabi naman ng tatay ko, mararamdaman mo naman agad yun. Kapag daw nakita mo siya at hindi mo na maalis ang tingin mo sa kanya kasabay ng paglakas ng tibok ng puso mo, ayun na daw. Pero diba love at first sight yun? Sabi nilang dalawa, oo maari daw, pero iba pa rin naman daw yung pakiramdam pag alam mo na siya na yung the one. Sabi naman ng best friend ko, malalaman mo daw na siya na ang the one kapag naramdaman mo na lang bigla at nasabi mo na sa sarili mo na, "ay eto na yun, sigurado na ako."
Kaya lang ang tanong, sigurado ka nga ba talaga?
Madaling sabihing oo, pero bakit hindi ko magawa? Dalawang letra at isang salita lamang ang kailangan pero bakit hindi ko masabi? Walang lumalabas sa bibig ko. Gusto kong magsalita pero alam kong masasaktan ko lang siya. Ngunit mas masasaktan lamang siya kung patatagalin ko pa.
"Uhm.. Annmarie?"
"H-ha?"
"Will you marry me?" Pag-uulit niya pero wala akong nararamdamang sparks, walang kakaibang pakiramdam, walang paglakas ng tibok ng puso, at lalong lalong walang kasiguraduhan. Walang epekto.
"I-I'm sorry, Vince..." Ang mga katagang kanina ko pa gustong sabihin ay lumabas na rin sa wakas. Pero bago pa man siya makapagsalita ay tuluyan na akong tumakbo. Tumakbo papunta sa lugar na kung saan ako dadalhin ng aking mga paa. Ngunit dinala ako ng mga ito sa lugar kung saan ko siya unang nakilala.
Akala ko noon, sigurado na ako. Pero ngayon, masasabi kong hindi pa talaga... Ni hindi ko nga nasagot ng maayos ang tanong niya. Gustuhin ko man siyang sagutin, puso ko na mismo ang humindi. Sabi nila, sundin ang puso ngunit huwag kalimutang gamitin ang utak. Sinunod ko naman ang aking puso, pero tila nakiayon yata ang utak ko? Siguro nga, hindi pa talaga siya ang the one.
"Miss oh, towel." Sabi ng isang lalaki sabay abot ng towel sakin. Kahit na naguguluhan ako kinuha ko pa rin ito ngunit tinitigan ko lamang.
"Kung nagtataka ka kung bakit towel, wala kasi akong panyo o kaya tissue. At tsaka yan lang yung nandito eh hehe." Sabi niya sabay turo sa bag niya. "Titigan mo na lang ba yung towel? Huwag kang mag-alala, malinis yan."
Tumango na lang ako at nagpatuloy sa pagtitig dito. Hindi ko pa rin alam ang gagawin ko ngunit nagulat na lang ako dahil bigla niyang hinablot ito sakin at siya na mismo ang nagpunas sa aking mga luha.
"U-uy.. ako na!" Nahihiya kong sabi pero pinagpatuloy niya lang ang ginagawa niya. Sinubukan kong hablutin ang towel pero sa hindi sinasadyang pagkakataon, nahawakan ko ang mga kamay niya.
Teka, bakit may sparks?
Heto na naman ba tayo, Annmarie?
"Ako na." Seryosong sabi niya at tinuloy ang pagpupunas sa aking mga luha.
Bigla namang lumakas ang tibok ng puso ko.
"Miss, ano nga palang pangalan mo?" Bigla niyang tanong.
"A-ah.. Ann, Ann Basa." Sagot ko.
"Basti, Basti Cuerva." Sagot niya at inilahad ang kanyang kamay. Kinuha ko naman ito at nakipaghandshake.
Heto na naman ang sparks..
Pero teka, bakit pakiramdam ko sa pagkakataong ito, sigurado na talaga ako?