Ikadalawampu't Walong Kabanata: Bangka

195 8 4
                                        


Nanginginig ang tuhod ko. Naghuhuramentado ang buong pagkatao ko. Pilit sinasabi ng puso at isipan ko na huwag siyang tignan habang kausap niya sa telepono ang isang babae na hanggang ngayon ay 'di ko kilala. Sino siya? Ano ba siya? Kailangan bang talikuran ako para lang kausapin siya? Ganun ba siya kaimportante? Mas importante pa ba siya kaysa sa akin? Maraming tanong ang naglaro sa isip ko; lahat ng ito ay puro pagdududa tungkol sa aming dalawa.




Sinusulyapan ko siya. Nakikita kong hindi siya masaya sa kausap niya. Gusto kong marinig at malaman kung ano nga ba yung usapan nila pero tingin ko hindi ko pa kaya harapin kung ano man yung bagay na malalaman ko. Masyado ng masakit 'yung palitan ng salita namin ni Forbe ngayon gabi. Parang kahit isang konting sundot na lang ng anumang salita sa akin e biglang sasabog na lang ako. 



Pilit kong pinipigilan tumulo yung luha na patuloy at mabilis na nalalaglag sa pisngi ko. Kahit sa sobrang daming luha na ang nailabas ko, tila hindi siya nauubos ; tila malalim ang pinanggagalingan. Inayos ko ang buhok na kanina pa dumadampi sa buong mukha ko. Tulad ng dati, 'yung Lourdes na sanay itago ang mukha dahil kahit anong gawin niya ay pakiramdam niya hindi siya kabilang sa komunidad na ginagalawan niya. Alam ko itong pakiramdam na ito. Naramdaman ko na ito. Pero bakit mas masakit maramdaman na 'yung sakit ay galing mismo sa taong mahal mo?



Lumapit si Forbe sa akin. Pinatay niya ang kanyang telepono. Tumingin siya sa aking mga mata. Nararamdaman ko na 'yung awra sa pagitan naming dalawa na tila ay mayroong isang bagay na hindi magandang mangyayare. Namumugto ang mata niya habang pilit kong pinipigilan na tumulo ang luha sa aking mga mata. Malalim ang titig niya sa akin, tila may mga salita siyang gustong iparating ngunit hindi niya alam kung paano magsisimula. 



"Lourdes..." mahina na pagsambit niya sa pangalan ko. Hindi pa rin niya inaalis ang malagkit na tingin niya sa aking mga mata. Hinihintay namin pareho kung kaninong mata ang unang luluha. Hinihintay namin pareho kung kaninong bibig ang unang bubuka. Hindi ko inalis ang titig ko sa kanyang mata at paulit-ulit ko pa ring nilalabanan ang tukso na yakapin at halikan siya.



Hinila niya ang kamay ko. Dahan-dahan kaming tumungo sa isang madilim na lugar na parte ng dagat. Sa harapan ko ay isang bangka, sinabi niya sa aking sumakay ako kahit wala akong ideya kung saan ako dadalhin nito. Sumakay ako at sumakay rin siya. Hindi ako kumikibo, hindi nagbabago ang ekspresyon ng aking mukha. Samantalang siya, hawak niya ang aking kamay nang sobrang higpit na tila ayaw na niya akong pakawalan. Inagos ang bangka namin hanggang sa tuluyan na wala na kaming ingay na marinig. Tanging agos na lamang ng dagat at ihip ng sariwang hangin ang dumadampi sa aking balat. Agos na humahampas sa bangka na sinasakyan namin at ang bawat pag-hinga na ginagawa namin ang tangi naming naririnig. Kinain na kami ng katahimikan dahil hanggang ngayon hindi namin alam kung saan at paano kami magsisimula.



"Lourdes...." nanginginig na boses niya ang aking naririnig at ang kanyang malamig na kamay na nakapalupot sa aking dalawang palad.



"Sabihin mo na ang gusto mong sabihin. Handa na ako," matapang na sambit ko sa kanya. Kahit sa sandaling ito, pilit ko pa ring pinapatapang ang sarili ko kahit ubos na ubos na ako.

Let Love Do The Magic [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon