Naglakad ako papunta sa salamin para suklayin ang buhok ko. Napahinto ako sa pagkuha ng suklay na nasa tabi ko nang makita kong may sulat na nakaipit dito.
"Anak, dahil may boyfriend ka na at ubod pa ng gwapo, may iniwanan akong damit na pang-tao d'yan sa higaan mo. Subukan mo, anak. Wala namang magbabago," halatang si Mama ang nag-dikit nito. Napabuntong-hininga na lang ako at napangiti. Ibinaba ko ang sulat at nilapitan ang damit na nasa kama ko. Ibinulatlat ko ito at masinsinang tinitigan isa-isa. Masyadong maikli at mukhang hindi ako magiging komportable kapag sinuot ko ito. Kung subukan ko kaya? Pero huwag na lang, masyadong maninibago ako panigurado. Binuksan ko ang cabinet ko at as usual, kinuha ko nanaman ang damit ko na pinandidirihan ng lahat ng tao. Isinuot ko ito at inayos ang sarili ko tsaka lumabas ng bahay.
Nakatingin ako sa ibaba ng kalsada tulad nang dati kong ginagawa. Ito rin kasi ang isa mga bagay na ginagawa ko para hindi ko makita 'yung mga sumusunod na tingin sa akin ng mga tao. Hawak-hawak ko ang shoulder bag ko at dahan-dahan na naglalakad papunta sa eskwelahan. Malayo pa ang lalakarin ko pero maaga naman akong nagising kaya ok lang kahit bagalan ko ang paglalakad ko.
May paulit-ulit na busina akong naririnig sa likuran ko pero hindi ko pa rin ito pinapansin. Nasa gilid naman kasi ako ng kalsada kaya sigurado akong hindi ako 'yon. Simula nang nasanay na ako sa panlalait ng mga tao, hindi ko na inaabala ang sarili ko sa pag-tingin sa mga sitsit o tawag nila.
"Lourdes!"sigaw ng isang lalaki sa likuran ko. Tinapik niya ang kanang balikat ko at umakbay sa akin. Si Justin na nakangiti na bati sa akin. Nakaakbay siya sa akin at hindi ko naman iyon inalis. Ganun na ata talaga kapag kaibigan mo, hindi ka na maiilang kung ano ang gawin nila sa iyo. Ngumiti ako sa kanya pabalik at tinanong siya kung saan siya galing. Malapit lang pala siya sa bahay namin at dahil iisa ang daanan papunta sa university namin kaya niya ako nahagilap dito sa lugar na ito. Tumunog ang cellphone niya at hinugot niya ito mula sa bulsa niya. Nang makita niya ang pangalan nang tumatawag sa kanya e biglang nagbago ang timpla ng mukha niya. Tinignan ko ang nasa cellphone niya at Mama ang nakalagay na caller. Nginitian ko siya at sinabi kong sagutin na niya iyon baka magalit pa ang Mama niya. Nag-buntong hininga siya at matamlay na sinagot ang tawag. Matabang ang unang bati niya kay Mama niya. Kahit hindi naka-loudspeaker ang phone niya, malakas pa rin ito para marinig ko nang malinaw.
"Umuwi ka nang umaga! Wala ka namang natututunan d'yan sa pag-aaral mo nagaaksaya ka lang ng pera!"narinig kong bulyaw sa kanya ng Mama niya. Nanlaki ang mata ko at dahan-dahan na napatingin sa kanya. Nakikita kong naging problemado ang timpla ng mukha ni Justin.
"Ma, gagabihin po ako. May group review pa kami ngayong araw na ito," sagot ni Justin sa isang mahina at walang gana na boses. Parang gusto kong takpan ang taenga ko at ayaw kong marinig ang mga salita na sasabihin ng Mama ni Justin. Parang sobrang sakit at tumatagos lahat sa buto ang mga sinasabi ng Mama niya.
"Ano?! Review ka nang review e ang bobo mo naman! Walang papasok sa utak mo at hindi ka naman talaga marunong umintindi! Dito pa nga lang sa bahay simpleng utos hindi mo na maintindihan e 'yang pag-aAccountancy mo pa kaya?! Wala kang mararating tandaan mo 'yan!" halos mabitawan ko na ang hawak-hawak kong bag nang marinig ko ule ang ibinulyaw sa kanya ng Nanay niya. Parang kapag ako ang nasa sitwasyon niya e hindi ko kaya 'yung mamaliitin ako ng sarili kong pamilya. Tinignan ko si Justin at medyo nahihiya na siya sa akin, pansin din niya ang pagiging apektado ko sa mga naririnig ko. Kahit ano naman kasing gawin niyang pagtatago sa sinasabi ng Mama niya e maririnig at maririnig ko. Kaibigan ko naman siya at alam kong alam niya na sa amin lang itong mga narinig ko.
BINABASA MO ANG
Let Love Do The Magic [COMPLETED]
Novela Juvenil[FIVE INDIVIDUALS, ONE ISLAND BOOK 2] FANTASY/TEENFICTION/ MYSTERY Is it possible for two strangers to become lovers like how they used to be before? Is love strong enough to finally unite two people who have accidentally forgotten each other just...
![Let Love Do The Magic [COMPLETED]](https://img.wattpad.com/cover/19281865-64-k27482.jpg)