1.22.17 AMACon4 - Day 21 : Tagalog FF - Sa Huling Sandali
Princess Nicomaine [of the Sun Kingdom]
(fr. The Ice Prince and the Sun Princess universe)
Mabilis ang mga hakbang na tinungo ni Nicomaine ang kanyang silid. Napatingin pa siya sa pasilyong katabi nito at nakita nga na walang pinto roon. Patunay na walang ibang silid na katabi.
Pero batid niya na may lihim na silid na nakadugtong ng sa kanya, kung saan pala natutulog ang kanyang asawang prinsipe simula ng iwasan siya nito matapos ang una nilang gabi bilang mag-asawa.
"Mahal na prinsesa, malapit na po ang hapunan" bati ng isa sa mga tauhan sa palasyo.
"Magpapahinga lang ako saglit" nasabi na lang ni Nicomaine bago pumasok sa silid at sinarado iyon.
Nasaan ang lihim na pintuan papasok sa kabilang silid? Pinalibot niya ang tingin sa yelong silid, maliban sa gintong kama niya. Nagtaas siya ng kilay nang di pa rin makita ang lihim na pintuan.
"Kung ayaw niyang ipaalam ang daan, ako ang gagawa ng sarili kong pinto" turan niya bago lumapit sa yelong dingding sa tabi ng kama. Inilapat niya ang mga kamay doon at pumikit. Inisip niya ang unang gabi nilang mag-asawa, batid niyang pinamumulahan siya ng mukha pero iyon lang ang naisip niya na mabilis magpapainit ng kanyang palad ng higit sa normal. Ilang saglit pa ay natunaw ang isang bahagi ng yelong dingding kahit matigas pa rin ang kabuuan niyon. Nakabuo siya ng eksaktong butas para makapunta sa kabilang silid.
Pumasok siya roon. Gawa rin sa yelo ang buong kwarto, kristal na yelo, maging ang malaking kama sa gitna. Lumapit siya. Huminto sa tabi ng kama ng makitang nakahiga roon ang kanyang asawa, si Prinsipe Richard. Natutulog ito, nababalot ng makapal na puting kumot. Maputla ngunit gwapo pa rin. Napahinga siya ng malalim. "Richard"
Marahang nagmulat ng mga mata ang kanyang asawa. "Nicomaine, paano kang nakapasok?"
Hindi niya ito sinagot. Bumaling ito sa butas na dingding, napaubo at tumingin sa kanya. "Nalaman mo na ba ang huling utos ko?"
Nagtaas siya ng kilay, "Huli? Iyong sinabi ng duke na pinababalik mo na ako sa kaharian ng araw? Iyon ba yun?"
Tumango ito habang marahan na bumangon at sumandal sa kama. "Iyon nga, alam mo na ang gagawin mo, hindi ba?"
Umiling siya. Nagtangkang lumapit ngunit sinenyasan siya nitong huwag lumapit. Pero tapos na ang mga araw na susundin niya ang mga nais nito. Umupo siya sa gilid ng kama at tinitigan ang asawa. "May sakit ka? Kaya ba pagkatapos ng unang gabi natin ay lumipat ka na dito?" diretso niyang tanong. Tapos na siyang maghintay na magpaliwanag ito.
Mataman siyang tiningnan ni Richard bago bumaling sa kabilang panig at bumuntong-hininga. Pumikit ito at napahawak sa sentido bago nagsalita. "Tama ka. May sakit nga ako. Ilang saglit na lang ang itatagal ko sa mundong ito"
"Hindi ako naniniwala. Kung may sakit ka, bakit ginusto mo pang makasal tayo? Bakit ka pumayag? Dahil ba sa kasunduan ng kaharian natin? Dahil lang ba doon?" tanong niya. Gusto niyang marinig mismo sa mga labi nito ang sagot. Pagkatapos ay saka siya magpapasya sa susunod na gagawin.
"Pinakasalan kita para masiguradong magiging maayos ang Kaharian ng Yelo sakaling mawala na ako sa mundo," sabi ni Richard na di pa rin tumitingin sa kanya.
Kinusot niya ang kamay sa kumot ng kama. "Hindi iyan ang nalaman ko. Hindi iyan ang naramdaman ko mula sa iyo. Kahit anong layo mo pa sa akin, iba ang sinasabi ng mga mamamayan ng kaharian at maging ng mga gawi mo...noong unang gabi natin"
Hinawakan niya ang panga nito at pinaharap sa kanya ang mukha ng kabiyak. "Sabihin mo nga, mahal mo ba ako, Richard? Iyon ang dahilan kung bakit ka pumayag sa kasal natin, tama ba? Iyon ang dahilan kung bakit hinayaan mong may mangyari sa atin ng unang gabi na iyon. Ang dahilan kung bakit kahit isang buwan mo na akong iniiwasan ay ngayon mo lang ako pinababalik sa aming kaharian"
Naghintay siya ng sagot, sinalubong ang tingin ni Richard. Madaming nais ipahiwatig ang mga mata nitong nakatitig sa kanya. Malamig man ang balat nito ngunit nakikita niya sa mga mata nito ang damdaming tinatago nito at pinipigilang sabihin sa kanya. Napangiti siya. Sa wakas!
"Paano kung sabihin kong, oo? Oo, mahal kita. Oo, ginawa ko lahat ng bagay na iyon dahil mahal kita! Pinakasalan kita dahil di ko na kayang isipin na di ka magiging akin. Lumayo ako dahil noon ko lang naunawaan na ang mahalin ka ay hindi makakabuti sa iyo o sa akin" tinangka nitong ilayo ang mukha sa mga kamay niya ngunit patuloy niyang hinawakan ang panga nito. Dahil din doon ay unti-unting nagkakakulay ang pisngi nito. Tiyak niyang nabawasan na rin ang malamig na temperatura ng katawan nito. "Naiintindihan mo ba, Nicomaine. Mahal kita. Maha na mahal kita na kahit alam kong nabibilang na lang ang mga oras ko sa mundo, ginusto ko pa rin na gawing asawa ka at makasama sa mga huling sandali ng buhay ko" sabi nito na garalgal ang tinig at pinipilit pigilan ang nagbabadyang mga luha.
Marahan siyang tumango. "Sa wakas sinabi mo rin, pero Richard, mali ka" binitiwan niya ang mukha nito at hinawakan ang kamay nitong nakapatong sa kumot, bago sinabi, "Mali ka na isipin na hahayaan ko na lang na umalis ako na di nalalaman ang mga sinabi mo. Pumayag akong magpakasal. Lahat ng nangyari ay may pahintulot ko. Ako ang nagdesisyon nun. Para sa buhay ko. Kaya ngayon,ako rin ang magdedesisyon..." huminga siya ng malalim saka sinabi, "napagdesisyunan ko na, di kita iiwan. Na kahit anong mangyari asawa mo ako, hanggang sa huling sandali" niyakap niya ang kabiyak. Pinatong ang ulo sa dibdib nito. "Kaya itigil mo na ang pagpapalayo sa akin dahil tapos na akong sumunod na parang mabait na prinsesa." Nagulat siya ng marinig ang tawa ni Richard.
"Mabait ka pa pala nun ah. Dapat pala akong mag-ingat. Baka di ko mamalayan matunaw mo na ang buong kastilyo" sabi ng asawa niya habang yakap rin siya.
Napangiti siya sa mga bisig nito. "Dapat lang, kapag ako ininis mo na naman, makikita mo paano magalit si Prinsesa Nicomaine ng Kaharian ng Araw"
"Hhmmm... parang gusto kong makita yun"
Lumayo siya saglit upang salubungin ang tingin ng kabiyak. "Ha! Ngayon gusto mong makita?"
Isang malakas lang na tawa ang sinagot ni Prinsipe Richard. Niyakap na lang niya uli ang asawa. Pagkuwa'y bumulong siya. "Talaga bang mamamatay ka? Wala na bang lunas ang sakit mo?"
Naramdaman niyang natigilan ang kabiyak at humigpit ang yakap sa kanya. "Patawad, mahal ko, pero wala na"
Sa kaunting kataga na iyon, naramdaman ni Nicomaine ang pagkahati ng puso niya. Ang puso niya na di niya namalayang nakuha na ng kanyang asawa sa kabila ng lahat ng nangyari. Pumatak ang isang butil ng kanyang luha sa balikat ni Richard at nagliwanag ang lahat.
_ _ _
A/N: Thank you for reading!
BINABASA MO ANG
Moments
FanfictionIn the midst of his and her busy schedule, sometimes the simplest moment is what makes a treasured memory. [A Compilation of One-Shots]