Hanggang "ikaw" at "ako" lang

7 0 0
                                        


Ilang minuto nang naghihintay

Sa tabi ng isang kilalang kainan sa bayan

Napakainit ng araw na iyon

Sa pagkainip ay lumingon lingon sa paligid

Wari'y nagmamasid sa mga sasakyang batid ang kanilang destinasyon

Ng paglingon sa kaliwa ay biglang natagpuan

Ang magpapatunay na nangyayari nga pala sa totoong buhay

Ang noo'y akala na kathang isip lamang

Akala ay sa imahinasyon lamang ng mga magagaling na manunulat

Pero sa puntong iyon ay napatunayan nga

May mga taong magpapatigil nga ng saglit ng ating paghinga

Wari'y sinasabi na maniwala ka sa tadhana

Wari'y sinasampal sayo ang katotohanan

Katotohanang posible nga palang bumagal ang takbo ng oras

Posible nga palang tumigil ng bahagya ang pagtibok ng puso

Posible nga palang nasa kanya lamang ang iyong buong atensyon

Posible nga palang matulala ng dahil lang sa isang ngiti

Posible nga pala ang mga bagay na akala ay hindi totoo

Mga posibilidad na hinding hindi makakalimutan

Kailanman may hindi mabubura sa isipan

Ang unang ngiti na nagpakislap sa mga mata

Ang pakiramdam ng mahawakan ng saglit ang nanlalamig na kamay

Ang pagkakatabi sa upuan sa tricycle

Ang mga mumunting paguusap habang nasa byahe

Ang mga matang kay sarap titigan

Ang ngiting nakakahawa at nakakatulala

Ang mga munting bagay na napapansin habang nagnanakaw ng sulyap

Mga maliliit na bagay ngunit sobrang nakakaapekto

Nakakaapekto sa pusong waring gustong kumawala

Noong kaarawan ay biglang bumisita

Kaunaunahan na naman sa listahan

Kaunaunahang lalaki na nagpunta sa tahanan

Kaunaunahang lalaki na humiga sa mga hita

Kaunaunahang tinitigan mata sa mata

Kaunaunahang hinaplos ng may paghanga ang buhok na kailangan ng pagupitan

Kaunaunahan sa mga listahan

Listahan ng mga bagay na sana'y una at huling maranasan sa taong mamahalin

Listahan na nagbigay ng munting pagasa

Pagasang pagkalipas ng mga panahon ay sikretong itinanim sa puso

Sa katunayan ay patuloy na bumibilis ang pintig ng puso

Sa bawat minutong nakaw na sandali ay naipon sa isang kahon

Kahon ng mga alaala at pagasa na pilit itinatago

Kaya't hindi nawala sa puso at isipan makalipas ang anim na taon

Patuloy na humahanga

Patuloy na itinatangi

Patuloy na inililihim ang malakas na pagtibok ng puso

Patuloy na iniinda ang sakit ng katotohanang hinding hindi makakamtan

Patuloy na binabaliwala ang pusong isinisigaw ang apat na letra ng pangalan

Apat na letra na sanay katumbas ng pagibig

Ngunit may mga bagay na kailangan ng wakasan

May mga pagasang kailangan ng itigil

Mayroon pala talagang pinagtatagpo lamang ngunit hindi para sa isa't isa

Mayroon pala talagang hindi nakatadhana kahit gaano pa kalalim ang koneksyon

Mayroon pala talagang hindi pa nahahawakan ay kumakawala na

Mayroon pala talagang kailangang hayaan upang maging masaya

Kailangang palayain kahit hindi naging sa iyo

Kailangang hayaang maging masaya kahit hindi ikaw ang dahilan

Mga bagay na kailangang gawin upang matutong tanggapin

Tanggapin na wala naman talagang istorya ng kayo

Isang kwento na may noong unang panahon ngunit masaklap na pagtatapos

Dahil sa kwento ng pagibig ay hindi naman talaga palaging masaya

Hindi ka palaging panalo

Pero yung kwentong nabuo ay sapat na upang maging masaya

Masaya sa alaala ng minsan

Minsan ay naranasan ang isang uri ng pagibig

Minsan ay may magpapaniwala sayo na totoo ang mga nailathala ukol sa pagibig

At magpapaniwala muli sayo

Na hanggang sa "ako" at "ikaw" lamang

At isasampal sa harapan mo

Na ang salitang "tayo"

Ay hindi nakalaan sa inyo.



-Micky :)

LihamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon