A/N: First Upload---July 27, 2017
Iyang lalaki sa picture, iyan po ang image ni Lukas Borsett, ang bidang lalaki dito sa kuwento ni Zyra. :)
Today, July 31 2017, WIL reached 1K reads! Thank you for your support.
Today, September 16, 2017, WIL reached 10K reads! Thank you for your support.
**********
Alas dos pa lang ng umaga gising na ako. At bandang alas dos y medya ay nag-aabang na ako ng taxi papunta sa terminal ng bus na maghahatid sa akin sa Batangas. Alas siyete raw ang kasal at hindi ako dapat mahuli. Naku, lintek lang talaga ang walang ganti! Makikita ng lalaking iyon!
Eksaktong alas dos beinte singko nakarating ako sa Cubao station. Kakaunti pa lang ang tao. Ni hindi pa nga binuksan ang bus na magdadala sa amin sa Lemery.
"Manong, ano'ng oras ang first trip?"
"Alas tres pa."
"Hindi ba pwedeng agahan? Marami na kami."
Napangisi ang dispatser pero hindi niya ako sinagot. Nakipaghuntahan ito sa unahan sa mga kasamahan niya. Nanggigil ako sa inis. Mayamaya uli, pagbalik ng dispatser sa harapan ko tinanong ko na naman ito.
"Miss, alas tres talaga ang skedyul."
"Suplado!" naiinis kong pakli rito. "Akala mo naman kaguwapuhan," bulong ko pa. Napatingin sa akin ang ibang naghihintay din doon. May napangisi. Mayroon namang nagtaas lang ng kilay. May nang-dedma.
Nang sa wakas binuksan na ang bus ako ang kauna-unahang pumanhik sa loob. May tumabi sa aking matandang babae. Tinanong niya ako kung bakit nagmamadali akong makarating ng Batangas.
"May emergency po, e. Kailangan kong makarating do'n bago mag-alas siyete."
"May nag-aagaw-buhay ba?"
Napatingin ako sa matanda. Inaalam kung totoo sa loob ang tanong o baka sarkastiko lang. Mukha namang walang bahid ng sarcasm sa mukha ng ale.
"Wala po pero may mamamatay kapag hindi ako umabot do'n bago mag-alas siyete."
Nangunot ang noo ng katabi ko. Pero hindi na ito nang-urirat pa.
Pagdating ng sinasakyang bus sa Lemery tumakbo agad ako pababa. Nag-abang sana ako ng taksi pero wala akong nakuha agad. Kaysa naman magsayang ako ng oras sa pag-aantay nag-para na lang ako ng traysikel. Siguro nakita ng mama ang desperasyon kong makarating agad ng San Antonio church kung kaya tinaga niya ako. Siningil niya ako ng three hundred pesos imbes na mga singkuwenta pesos lang sana ang pamasahe papunta ro'n.
"Ano'ng tingin mo sa traysikel mo, eroplano?"
"Kung ayaw n'yo ho, di huwag! Ka-suplada, e."
"Hoy Manong! Sandali lang."
Hindi na ako nagreklamo pa. Wala na akong oras. Sumakay na ako sa traysikel.
"Manong, bilisan n'yo! Mabilis pa sa inyo ang pagong, e."
"Traysikel 'to Ineng, hindi Perari."
Alas siyete kinse na nang makarating ako sa harap ng simbahan. Puno na ang parking area ng magagarang sasakyan. Nakahimpil na rin sa pinakaharap ang kotseng sinakyan ng bride. Pagkakita ko roon halos pumutok ang dibdib ko sa galit. Dali-dali akong bumaba ng traysikel at pumasok na sa loob ng simbahan.
"Itigil ang kasal!" sigaw ko agad. Umalingawngaw ang aking tinig. Halos sabay-sabay na napalingon sa akin ang lahat. Gulat na gulat ako nang makitang hindi ang nobyo ang nakatayo katabi ng bride kundi isa sa mga kasamahan nito. At parang kakaumpisa lang ng wedding rites.
Oh my God! Oh my...what did I do?
Galit na humarap sa akin ang bride. Inagaw nito sa pari ang mikropono at buong tapang na nagtanong kung sino ako. No'n ko naman nakita sa hanay ng groom's men si Lukas. Nakatingin na rin ito sa akin. Nangungunot ang noo.
I'm going to kill you, Mina! I'm going to kill you!
"P-Pasensya na. F-False alarm!" At tumakbo na ako palabas ng simbahan. Hiyang-hiya.
BINABASA MO ANG
WHEN I LOVE (ZYRA'S STORY - COMPLETED)
RomanceNORDIC SERIES #4 (ZYRA CASTILLO'S STORY) Cover from WattpadPabalatPH in collaboration with Wattpad Stars Program PH ********** Chubby at hindi kagandahan. Iyon ang laging pagsasalarawan ng mga kaanak at kaibigan ni Zyra sa kanya. Paano ba naman, min...