CHAPTER TWENTY-TWO

12.9K 514 31
                                    

"Leigh, nakikinig ka ba sa akin?" naiinis kong tanong.

Tila napamulagat si Leigh. Hindi nga nakikinig. Mukhang wala sa kasalukuyan ang isipan niya. Magagalit na sana ako dahil kanina pa ako todo-emote tapos sa hangin lang pala ako nakikipag-usap nang mapansin kong parang may kung anong bumabagabag sa kanya. Sinalat-salat ko ang noo niya't leeg. "Okay ka lang?"

"Ano ba?" Tinabig niya ang kamay ko. "Ba't naman ako hindi magiging okay? Medyo naingayan lang ako sa iyo. Kanina ka pa talak nang talak kasi. Pakinggan mo nga muna ang nobyo mo. For sure naman may paliwanag iyon."

Napahinga ako nang malalim. Lahat na lang sila ganoon ang sinasabi. Hindi ba nila nakikita at nauunawaan ang damdamin ng isang babaeng pinagtaksilan? Biruin mo, dalawa pala kami ni Hilde ang kinakalantari niya noong mga panahong iyon? Nag-deny to death pa!

"Sige, mauuna na ako. May lakad pa kasi ako, e. Text na lang ako later kapag nasa bahay na ako nang makapagtsika tayo sa telepono."

Dali-daling tumayo si Leigh at walang lingon-likod na lumabas na ng Jollibee. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa tuluyan na siyang mawala sa paningin ko. Ba't ganoon ang babaeng iyon? Nakakapanibago. Parang laging nagmamadali. Naisip ko na naman tuloy ang sinabi sa akin ni Kuya Tarquin tungkol do'n sa pagbisita niya sa ob-gyne.

Tumayo na rin ako at lumabas. Wala na ako sa mood mamasyal sa loob ng mall. Hindi pa ako nakalalayo sa Glorietta ay may lalaking blonde akong nahagip ng tingin rom the corner of my eye. Awtomatikong sumikdo ang puso ko. Si Lukas. Nakatingin siya sa akin with a sad look on his face. May kasama siyang blonde din. Siguro isa sa mga bagong Norwegian engineer na dumating kamakailan.

Tingin ko lalapit sana siya pero biglang dumating si Mr. Petersen at nagyaya na itong pumasok na sila sa loob. Lumingon pa siya saglit sa akin. Nalungkot din ako. Naisip ko ang sinabi ni Leigh at ni Kuya Tarquin. Pero pinataksilan niya ako! Who knows kung ano pa ang pwede niyang gawin. Baka uulitin niya uli. Sabi nga nila, once a cheater, always a cheater.

Mayamaya pa, tumunog ang cell phone ko. Nag-text siya. Ang sabi ko, kakalimutan ko na siya nang tuluyan pero hindi ko rin natiis na basahin ang mensahe niya.

"You look gorgeous in that dress."

Napatingin ako bigla sa suut-suot kong kulay kremang bestida. Maikli ang manggas nito't halos hindi umabot ng tuhod ang hemline. Makipot ito sa bandang dibdib na nagbigay emphasis sa malusog kong hinaharap at maluwang naman mula balakang hanggang sa pinakadulo. Akala ko nga kanina nagmukha akong manang sa damit na ito. Nakantiyawan kasi ako kanina ng mga kuya ko na parang dadalong ninang daw sa kasal.

Kahit galit ako sa ungas, nakaramdam ako ng kasiyahan sa text niya. Natukso tuloy akong replayan siya. Ise-send ko na sana ang sagot kong "TY" nang maalala na hindi ko pa nga pala siya kinakausap.

Ilang minuto pa ang lumipas, nag-text na naman ang mokong.

"I'm bored here. Please come save me." May kasama iyong tatlong emoticons na may heart sa magkabilang mata sa dulo ng text.

Hindi ko pa rin siya sinagot.

"I love you." Text niya ulit. Nawindang na ako. Shit! Hindi ko na kaya. Sa kabila ng ginawa ng hudas kinikilig pa rin ako nang todo. Hindi ko nga napigilan ang pagsilay ng mga ngiti sa labi habang naglalakad. Nagtatakang tinitigan ako ng nakasalubong kong lola. Nginitian ko siya. Napangiti na rin nang alanganin ang ale at napailing-iling.

Nang nag-aabang na ako ng dyip pauwi, inulan niya ako ng texts. Nag-I love you siya nang nag-I love you. Bwisit! Tingin ko may nakapagsabi sa kanya kung paano suyuin ang isang Pinay. Ang corny ng hudas at malamang nambobola lang but it made me really happy.

WHEN I LOVE (ZYRA'S STORY - COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon