Kung kailan nalulungkot ako para sa best friend kong si Leigh dahil sa sinapit ng love story nila ni Nikolai, dumagdag pa itong Lukas. Hindi ko maintindihan ang drama niya ngayon. Hindi ko siya mahagilap palagi sa condo niya. Kapag tinatawagan ko, laging hindi pwedeng makausap dahil laging nagha-hiking kung saan-saan. Minsan, natutukso na akong pagbigyan si Jose. The more I think about Jose, the more I entertain the idea of giving in to him even for just one date. Mukha kasing nagiging matabang na sa akin ang anak-araw. Nakakabwisit!
"Hindi na yata nadalaw dito ang boypren mo. Baka inisip nagkaigihan na kayo ni Jose. Speaking of Jose, ang sabi ng kuya mo nakabili raw iyon ng bahay sa Molino at two-story pa. Hindi lang iyan, siya raw pala ang kumuha sa pinagbibiling palaisdaan ni Mang Totoy sa Batangas. Biruin mo, sino'ng mag-aakala na sa loob lamang ng limang taon ay makakapundar na siya ng ganoon?" bungad agad ni Mama sa akin nang naupo ako sa harap ng hapag-kainan nang umagang iyon.
Nagsalubong agad ang mga kilay ko. Ano na naman ang pinagsasabi nito?
"Sabi ko nga sa Kuya Joaquin mo, mas mabuti sigurong ituloy na niya ang pagse-seaman. Total ay isang semestre na lang sana at graduate na siya. Tigilan na niya 'ikako ang pagmo-model na iyan at wala namang nangyayari sa buhay niya. Ang kinikita niya'y sakto lang sa pantustos sa glamoroso niyang buhay na kailangan niyang panindigan. Hay! Lumalaki na ang gastusin natin sa bahay."
Nagparinig na naman. Kahapon lang ako nag-abot ng limang libo, a.
"Ang Kuya Tarquin mo, sino na naman ang babae niyan? Wala na ba sila ng doktora? Mas mabuti pa noong nobya niya ang doktora. Kada Linggo ay mayroon akong natatanggap na Goldilocks cheesecake!"
Wala na si Kuya Tarquin at ang doktora?
Hindi ko pa natitimpla ang kape ko, ang dami ko nang nasagap na balita kay Mama. Pati ang kapitbahay naming kaka-engaged lang ay naisahog pa niya sa breaking news nang umagang iyon. Pero suma total isa lang ang palagay kong pinupuntirya niya. Kung hindi malinaw ang kinabukasan ko kay Lukas, kalimutan ko na ito habang may Jose pang nanunuyo sa akin.
Nagmadali ako sa pag-aalmusal para makatakas na sa bunganga niya na walang bukambibig kundi ang mga naipundar ni Jose. Naisip kong mag-malling. Habang nagbibihis naalala ko na naman sina Leigh at Ysay. Parang kailan lang at magkakasama kaming tatlo. Lagi akong excited noon sa pagdating ng Sabado't Linggo dahil palagi kaming gumigimik sa malls. Kumusta na kaya sila? Si Leigh, saan kaya nagpunta iyon? Ni hindi siya nagre-reply sa emails ko. Si Ysay naman mukhang palaging busy. Siguro hindi na rin iyon nagche-check ng emails niya. Wala tuloy ako masabihan ng problema ko kay Lukas.
Dinampot ko ang cell phone sa ibabaw ng kama at tinext ko ang anak-araw. Naupo muna ko sa ibabaw ng kama habang hinihintay ang reply niya. One, two, three---five minutes bago ako sinagot ng damuho. Biruin mo, it took him five minutes para sa kakarampot na sagot na, "I'm OK." Naghintay ako baka sakaling magme-message pa siya. Mangumusta man lang sa akin gaya ng ginawa ko. Halos mag-iisang linggo na kaming hindi nagkikita!
Natigil ako sa pag-e-emote nang makarinig ng sunud-sunod na katok sa pinto. Mayamaya pa'y sumilip si Mama. May bisita raw ako. Biglang tumahip ang dibdib ko sa excitement. Baka gusto akong sorpresahin ng damuho kong boypren! Kaagad akong nagsuklay ng buhok, nagpulbo, at umikot-ikot sa salamin. Tiningnan ko kung okay na ang bootleg faded jeans ko at red t-shirt. Magpapalit pa ba ako? Mas gusto kasi ni Lukas naka-bestida ako. Ano kaya? Kukuha na sana ako ng pamalit sa closet nang biglang lumitaw uli sa may pintuan si Mama at minadali akong labasin na raw ang bisita.
"Hi, Zyra," bati ng walang iba kundi ni Jose. Parang lobong tinusok ng karayom ang puso ko. Ramdam ko ang panlupaypay ng buo kong katawan.
"Ikaw pala Jose."
BINABASA MO ANG
WHEN I LOVE (ZYRA'S STORY - COMPLETED)
RomanceNORDIC SERIES #4 (ZYRA CASTILLO'S STORY) Cover from WattpadPabalatPH in collaboration with Wattpad Stars Program PH ********** Chubby at hindi kagandahan. Iyon ang laging pagsasalarawan ng mga kaanak at kaibigan ni Zyra sa kanya. Paano ba naman, min...