Ilang beses na akong pabalik-balik sa dispatser ng bus. Palagay ko'y nakukulitan na siya sa akin. Sa pang-lima kong balik sa kanya'y hindi na ako sinagot. Bubulung-bulong akong bumalik sa pinaghihintayan din ng ibang mga pasahero.
Nang sa wakas ay buksan na ang sasakyan, isa ako sa mga nakipagtulakan para pumasok sa loob. Sinamaan ako ng tingin ng isang ale, pero hindi ko na ito pinansin. Ang mahalaga'y nakahanap ako ng magandang puwesto. Pinili ko talaga iyong malapit sa pintuan para pagdating ng bus mamaya sa Lemery ay makakalabas ako agad. Kailangan kong abutan ang kasal. Alas siyete impunto nang umaga raw iyon. Naku, nanggigigil na ako! Makita ko lang ang dalawang iyon pagtitirisin ko talaga!
May tumabi sa aking matandang babae. Tinanong niya ako kung bakit nagmamadali akong makarating sa Batangas. Nang sinabi kong may emergency at kailangan kong makarating doon bago mag-alas siyete, tinanong pa ako uli kung may nag-aagaw-buhay daw ba. Sinulyapan ko siya para malaman kung iniinis ako o ano. Mukha namang seryoso kung kaya sinagot ko rin nang tama.
"Wala po, pero may mamamatay kapag hindi ako umabot do'n bago mag-alas siyete."
Hindi na sumagot pa ang babae. Tumahimik na lang. Wala na rin akong pakialam kung ano ang gusto niyang isipin sa akin. Abala ang diwa ko sa kaiisip kung paano ko kokomprontahin si Lukas. Bwisit siya! Kaya pala text nang text ng kung anu-anong sweet nothings iyon pala'y may ginawa na namang kabulastugan. At lumevel up pa! Grrrrr!!!
Kahit groggy sa puyat dahil halos hindi na ako natulog para lang umabot sa alas tres na byahe papuntang Lemery, sinikap kong huwag maidlip sa bus. Natatakot kasi ako na baka hindi ako magising sa oras na dumaan ito sa destinasyon ko. Kapag nagkataon, mawawalan ng saysay ang lahat. Hindi ako papayag na mauwi sa kawalan ang hirap ng binyahe ko mula sa amin papunta sa terminal ng bus sa Pasay.
"Ayyy!" sigaw ko. Nauntog ang ulo ko sa gilid ng bintana. Ang buong akala ko'y nahulog ako sa bangin. Nagpigil akong makatulog, pero hindi ko rin pala nakayanan. Saglit akong naidlip. Nagising ko siguro kanina ang ale sa tabi ko dahil tinirikan niya ako ng malalaki niyang mga mata. Tumagilid pa patalikod sa akin. Mayamaya uli nang kaunti, napasigaw uli ako ng, "Ayyy!" May nagtawanan nang mga boses-bagets sa likuran namin. Umayos na ako ng upo at sinikap nang huwag makatulog.
Makaraan ang ilang oras, bumagal ang takbo ng bus hanggang sa ito'y tuluyan nang huminto. Nang i-anunsiyo ng kundoktor na nakarating na kami ng Lemery, tumayo ako agad. Ilang segundo pa nasa harap na ako ng pintuan. Pagkahinto ng bus, dali-dali akong bumaba.
Nag-abang ako ng taksi pero wala akong nakita. Kaysa magsayang ng oras sa paghihintay, pumara ako ng traysikel. Aba, siningil ba naman ako ng three hundred pesos!
"Ano'ng tingin mo sa traysikel mo, eroplano?"
"Kung ayaw n'yo ho, di huwag! Ka-suplada, e."
"Hoy Manong! Sandali lang! Saisenta na lang. Ayan, may sampong pisong tip ka na."
Hindi pa rin pumayag ang hayop. Napilitan na lang akong kumagat sa three hundred pesos na singil niya. Wala na kasing oras. Panay lang reklamo ko sa usad-pagong niyang pagmamaneho. Gusto ko na ngang agawin ang manibela at ako na ang magda-drive. Susko! Kabagal!
"Traysikel 'to Ineng, hindi Perari," pamimilosopo lang niya sa akin.
Peste! Alas siyete kinse na nang makarating kami sa harap ng simbahan. Nakita kong nandoon na ang bridal car at puno na ang parking area ng mga magagarang sasakyan ng bisita't entourage. Nanginig ako sa galit. Muntik ko nang makalimutang bayaran ang traysikel sa pagmamadaling makarating sa loob ng simbahan. Halos panawan pa ako ng urirat nang makitang nasa altar na ang bride at groom. Kaharap nila ang pari. Shit! Wala nang oras! Inipon ko ang lahat ng lakas ng loob at bigla akong sumigaw.
BINABASA MO ANG
WHEN I LOVE (ZYRA'S STORY - COMPLETED)
RomanceNORDIC SERIES #4 (ZYRA CASTILLO'S STORY) Cover from WattpadPabalatPH in collaboration with Wattpad Stars Program PH ********** Chubby at hindi kagandahan. Iyon ang laging pagsasalarawan ng mga kaanak at kaibigan ni Zyra sa kanya. Paano ba naman, min...