Hiningi ko kila Mama 'yung address nina Hiro. Ilang beses ko pa silang kinulit kasi ayaw talaga nilang ibigay. Baka raw manggulo ako sa bahay nila lalo na't ako nga raw 'yung nagturo sa kanyang magDOTA at napagalitan tuloy si Hiro ng tatay niya.
Eh hindi nga ako 'yon! Siya nga 'yung nag-aaya eh. Hmp!
Kung 'di ko pa sinabing ako ang tinatanong nung mga professor namin kung nasa'n si Hiro kasi nag-aalala sila, 'di pa talaga sasabihin nila Papa. Tas pinagalitan ba naman ako nung sinabi ko rin na gusto ng mga kaklase kong dumalaw kay Hiro. Kung pupuntahan ko raw si Hiro, 'wag na raw akong magsama ng iba para hindi raw magulo at hindi nakakahiya kila Tita Adeline. Ako na lang daw mag-isa at siguraduhin ko lang daw na hindi ako magtatagal doon. At 'wag na 'wag ko raw babanggitin ang pangalan ni bespren dun.
Bakit ba sila nag-aalala? Eh sigurado namang malaki ang bahay nina Hiro at kasya kaming lahat ng mga classmates namin. Pero baka nga magalit na naman si Tatay niya. Nakakatakot kaya. Parang mangangain ng bata si Mr. Kwok. Pinaglihi siguro sa sama ng loob 'yon.
Kaya ayon, nisabi ko sa mga kaklase ko na bawal raw talaga ang ibang tao. At dahil sobrang naawa sila kay Hiro, gusto nilang bilhan siya ng maraming pagkain at kung anu-ano para raw mas mabilis siyang gumaling. Dumiretso nga kami sa SM San Lazaro para mamili eh.
"Hansel Mocha Sandwich. Bigger and Better. Ingredients: wheat fla...flo..." Kumunot ang noo ko habang binabasa yung likod ng biskwit at nag-uusap sila Chelsea kung anu-ano ang bibilhin. Sinabi na sa'kin 'to ni kuya Chad eh. Bukod sa 'flar' may isa pang bigkas dun. Eh ano? "Flo...wer?"
"Ano ba yang mga pinagkukukuha mo, Charlie! Hindi naman 'yan ang kinakain ng may sakit eh," natatawang puna ni Martin.
Ngumuso ako sa kanya. "Hindi ko naman nilalagay sa basket ah, binabasa ko lang naman," depensa ko. 'Yun kasi yung pinapagawa sakin ni kuya ko. Basahin ko raw lahat ng makita kong English kahit saan ako magpunta.
"Oishi. Party size. Enriched with Vitamin A. Pillows. Choco-filled crackers." O, eto pala, maraming Vitamin A! Diba pampalinaw ng paningin 'yon? Pede 'to kay Hiro! Nilagay ko na sa basket 'yung malaking tetra pack.
At napansin naman 'yun ni Martin. "'Yung totoo. Para kay Hiro ba ang binibili mo o para sa'yo?'
"Kahit kanino. Sabi kasi dito marami raw Vitamin A eh. Baka makatulong sa paggaling niya," sagot ko naman.
Pinanliitan ako ng mata ni Martin. "'Wag ka ngang nagpapaniwala sa mga nakasulat sa mga 'yan. Junk food pa rin 'yan-"
"Aray ko!" angil ni Harvey kasi nasagi ko siya ng basket na hawak ko.
"Ano ba kasing ginagawa mo?" sita ni Martin.
Agad kaming pinatahimik ni Harvey bago kami binulungan. "Naririnig kong nag-uusap sila Chelsea. Nililigawan na pala siya ni Hiro."
"Talaga?" di-makapaniwalang sambit ni Martin tas halos itapal ni Harvey 'yung kamay niya sa bibig ni Martin. "Ano namang masasabi mo, Charlie?" mahinang tanong niya sa'kin.
"Okay naman. Maganda naman si Chelsea. Bagay naman sila," tumatango-tango kong sagot. Kaso napag-isip-isip ko, 'pag naging sila... edi pagtutulungan na nila ako! Parang Team Rocket lang sa Pokemon! Nuuuu!
Pagtapos ng thirty minutes naming pag-iikot sa Supermarket, pumila na kami sa cashier. Puro biskwit at kung anu-anong cup noodles na hindi ko naman maintindihan 'yung nakasulat. Sa imported kasi sila bumili. Ang mahal tuloy ng binayaran. Di bale, kasya naman 'yung inambag ng buong klase.
BINABASA MO ANG
HATBABE?! Season 2
Teen Fiction*This story is a work of fiction. Although many locations and events are based on actual places and real experiences, the characters are purely figments of my imagination. Any similarities to a living person are purely coincidental. by hunnydew N...