Simula nung nagkita kami ulit ni Seth, madalas na siya sa school para bisitahin si Chelsea. Pero dahil ayaw siyang harapin ni Chelsea, ako ang pinapakausap niya.
"May boyfriend na ba siya?" malungkot na tanong sakin ni Seth nung minsang dumalaw ulit siya. May dala pa nga siyang mamahaling sokoleyt pero pinabalik lang ni Chelsea kaya hiningi ko na lang. Pero sabi niya hati na lang daw kami para matikman din daw niya yung binili niya.
Nilunok ko muna yung Lindt chocolate bago ako sumagot. "Ang alam ko wala pero sabi niya dati, nililigawan siya ni Hiro."
Kumuha rin ng isang sokoleyt si Seth. "Sino naman yun?"
"Wala. Isang malaking epal. Buti nga hindi na dito nag-aaral eh," labas sa ilong kong kwento bago ulit kumuha ng isa pa. Ang sarap eh. Lasang imported, hehe.
"Ah, ganito na lang. Dahil ikaw naman ang dahilan kung bakit mas lumabo pa yata ang pag-asa ko kay Chelsea, tulungan mo na lang ako."
"Hah?"
"Ikaw na lang ang bridge ko!" eksaytme--excited niyang sabi.
"AYOKO NGA!" agad ko namang tanggi. "Diba bridge ang laging nakakatuluyan nung isa. Mamaya kami pa ni Chelsea ang magkatuluyan. Ayoko!" Ayos lang pag sina Dennis ang tinutulungan ko kasi magkakaklase naman kami. Tsaka nagpapakipot lang naman sina Patty eh kaya madaling i-build up. Samantalang itong si Seth, bukod sa di na nga nag-aaral dito, hindi pa siya gusto ni Chelsea! Edi parang ako ang nanligaw non!
Sumimangot naman si Seth nung sinabi ko 'yon. "Di ka ba naaawa sa'kin?"
Nagbuntong-hininga ako at naalala ang mga pangaral nina Papa noon. "Diba mas nakaka-proud kapag pinaghirapan mong makuha ang gusto mo? 'Ta mo ah... Parang sa computer games lang 'yan eh. Mas masaya kung ikaw mismo ang nakatalo sa boss kesa yung nagpatulong ka lang."
Tumango-tango naman siya habang nginunguya yung sokoleyt. "Sabagay."
"Kailan mo ba siya sinimulang ligawan?" usisa ko. Kasi nakakapagtaka naman. Bakit sina Harvey, wala pang dalawang buwan, sila na ni Bea. Ganun din sina Dennis at Abby.
"Hindi ko na maalala kung kailan. Pero unang beses ko pa lang siyang makita, alam kong mahal ko na siya."
Nabulunan talaga ako nung sinabi niya yon! Buti nga lagi akong may dalang tumbler kaya nakainom ako agad. "Kaya ka pala di sinasagot eh. Ang korni mo, bahahaha!"
"Ang sama mo naman."
Inakbayan ko siya para sabihin ang sikreto ni Kuya Mac-Mac. "Alam mo kasi, yang mga tulad niyo ni Kuya Chuckie... Madalang na lang umubra yan. Ayaw na ng girls yung laging nakabuntot, laging tumatawag, halata kasing deds na deds ka eh."
"So? Anong gagawin ko?"
"Sabi ni Kuya Mac-Mac, sa panahon ngayon...mas gusto raw ng mga babae ang mga joker...o kaya yung maginoo pero medyo bastos...tsaka pala yung mga pasuplado. Yung kabaliktaran ng mga pakipot na babae." Tinapik-tapik ko siya sa balikat nung tinanggal ko ang pagkakaakbay ko. "Pili ka na lang don."
BINABASA MO ANG
HATBABE?! Season 2
Teen Fiction*This story is a work of fiction. Although many locations and events are based on actual places and real experiences, the characters are purely figments of my imagination. Any similarities to a living person are purely coincidental. by hunnydew N...