Chapter 19

9.5K 330 110
                                    

"Mama, papasok na po ako," paalam ko pagkatapos kong ubusin ang isang basong gatas, ayusin yung baon ko at isukbit ang bagpack sa balikat ko. Hindi umuuwi si Kuya Chuckie nung weekend kaya wala akong kasabay. Hindi ko nga alam kung galit pa rin sa akin o talagang marami lang ginagawa para sa thesis nila. Malapit na raw kasi ang defense nila.

"Teka, ganyan lang ang buhok mo?" takang tanong ni Mama.

Napakapa naman ako sa bumbunan ko. Maayos naman ah. "Hindi po ako pwedeng mag-cap eh," paliwanag ko kasi yun nga ang usapan namin ng Team Captain namin. Isang buwan akong bawal magsumbrero tapos may libre raw na pagkain.

"Sandali," pigil niya sa'kin at nagmadaling bumalik sa kwarto nila.

Napaisip tuloy ako. Hindi naman muna ako pwedeng kumain kapag hindi luto ni Mama. Baka pwede muna ulit magsuot ng cap?

Nung makabalik siya, may dala nang suklay tsaka headband na nagpakunot ng noo ko. "Eh, Mama..." angal ko.

"'Nak, dalaga ka na. 'Kita mo na nga, may nagkakagusto na sa'yo. Matuto ka nang mag-ayos ng sarili mo," paglilitanya niya.

Gusto ko sanang sumagot pero ngumuso na lang ako't di na nakapalag nang ayusin ni Mama ang buhok ko. Naaalala ko kasing sinabi ni Papa noon na hindi dapat ako pinipilit magbago para lang may magkagusto sa'kin. Hayaan lang daw na may magkagusto sa'kin dahil ganito ako. Eh bakit ko kailangang mag-ayos ngayon? Ang labo.

"'Wag mong tatanggalin 'yan," paalala ni Mama sa'kin na nandidilat pa ang mga mata.

"Eh, Mama... Hindi po ako sanay-"

"'Yun na nga. Hindi ka sanay dahil lagi mo akong tinatanggihan noon at kumakampi pa sa'yo si Papa mo. Kailan ka pa masasanay kung hindi mo uumpisahan ngayon? Hindi ka panghabambuhay na bata. At hindi rin sa lahat ng oras, nandito ako para ayusan ka kapag kailangan mo," sermon pa niya.

Wala sa loob akong tumango na lang. Ang aga ko namang makatanggap ng pangangaral. Parang masamang pangitain yata ito ah.

Buti na lang talaga manipis yung headband na nilagay niya sa buhok ko. Pero nakakapanibagong nakakairita. Kung di man parang iniipit yung bungo ko, madalas namang dumudulas paharap kaya maya't maya inaayos ko. Lalo na sa loob ng jeep kasi mahangin sa sobrang bilis magpatakbo nung driver.

Pagkababa ko sa tapat ng gate ng Uste, saktong nakita kong kabababa rin ni Martin galing sa kotse. Gusto ko sanang magtago pero nakita na niya ako kaya tinanguan ko na lang siya. Wala na rin akong nagawa nung sumabay siya sa aking maglakad papasok.

"Good morning," nakangiting bati niya sa'kin.

"A-Ah...gandang umaga rin sa'yo," balik ko naman.

"Bagay pala sa'yo ang naka-headband," puna niya saka ulit ako nginitian.

Natahimik ako. Kung hindi ako sanay na magsuot ng headband, mas hindi ako sanay na sinasabihan ako ng ganun. Paano ba sumagot 'pag ganun? Parang gusto ko tuloy na tanggalin yung headband ko.

HATBABE?! Season 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon