Malayo-layo na rin siguro ang natakbo ko patungo sa isang hardin na hindi ko alam kung ano ang tawag. Sa hardin na ito ay mas nakikita ko lalo ang ganda ng Taal. Sinipa ko muna ang mga bato sa aking uupuan at umupo sa hangganan ng bangin upang mas lalo ko pang makita ang ganda ng tanawin. Hindi masyadong mainit dahil natatakpan ng puno ang sinag ng araw. Tinanggal ko ang kulay abong necktie sa aking leeg at inilapag iyon sa aking kanan. Huminga nang malalim at ngumiti kahit na alam kong may gumuguhit pa rin sa aking lalamunan. Muli akong huminga upang wakasan ang bagay na bumabara sa aking dibdib. Tinanggal ko ang aking itim na coat at isinandal iyon sa puno na nasa aking kanan.
"Bakit?" isang boses ang nagtanong.
Sa aking likuran ay nakatayo ang bride's maid sa kasal na iyon.
"Oh, Uhmm...ehem." Pinilit kong magsalita ngunit may bara pa pala sa aking lalamunan.
"Jen? Bakit ka na'ndito?" tanong ko sa kanya. Suot pa niya ang pinaghalong pula at puting gown - ang motif ng kasal.
"Bakit ka tumakbo?" tanong niya rin. Ngumiti lang ako at muling sinilayan ang ganda ng Taal. Nakakalungkot isipin na sa ganito kagandang lugar kung saan namin plinano noon na kami ay ikakasal, tatakbuhan ko lang pala. Sayang ang lahat, ang mga taon...ang mga pakiramdam na kumakawala...noon. Noon 'yon, noong umiikot pa sa isipan ko ang mga maling akala.
Umupo siya sa aking tabi, sinilayan din ang ganda ng tanawin. Umihip ang hangin. Dinala pa ng hangin na iyon ang aking necktie. Pinanood ko lang ang kulay abong tie na iyon habang sumasayaw sa hangin patungo sa bangin.
"Bakit?" malungkot niyang sambit.
"H-hindi ko alam Jen..." sambit ko.
Muling nangibabaw ang katahimikan. Siguro wala na rin siyang maitanong. Malinaw rin naman siguro sa kanya kung bakit ako umalis. Marahil ay pumunta lang siya dito para samahan ako, para kalmahin ang pakiramdam ko.
"Kung may mali, sana hindi na lang natuloy ang kasal," sambit niya.
"I don't know, Jen. Lahat naman siguro mali," sambit ko.
Nanahimik din siya nang ilang segundo. Pinulupot niya ang kanyang mga braso sa kanyang tuhod. Napapaluha na lamang at sabay iwas ng tingin sa malayo.
"Alam ko rin naman. Nakakatawa lang din kasi." Pilit niyang tinakpan ang kanyang pagluha sa pamamagitan ng simpleng tawa. Ngumiti na lang din ako ulit at napalunok.
"Saka ko lang din kasi naisip noong tumakbo ka kanina. Ang tanga-tanga ni bes. Bakit niya pinili yung ganitong set up?"
"Mas tanga ako, Jen. Pero hindi ko alam kung tanga nga ba ako dahil mas pinili kong maging masaya siya?" sagot ko sa kanya. Natawa na lang din ako nang kaunti at yumuko.
"No. Nagmahal ka lang. Pero sa araw pa ng kasal mismo, Ian. Bakit?"
"Wala lang. Late ko lang na-realize. Habang naglalakad siya sa gitna, sa mga talulot ng mga pulang rosas na 'yon habang inaalalayan ng magulang niya, inisip ko. Magiging masaya nga ba ako? Habambuhay akong hihinga sa kasinungalingan. Nagbubulag-bulagan lang ako na akala mo...ang saya-saya ko. Ikakasal siya sa isang lalaki na alam kong mahal talaga niya, aalagaan, protektahan. Magkakapamilya, magkakaroon ng mga anak...magiging masaya. Napakadaling sabihin, pero kung babalikan mo lahat...parang napaka-imposible. Lahat ng 'yon na-realize ko habang naglalakad siya papunta sa altar," sabi ko. Muli akong suminghot at napalunok. Ipinatong ko na lang ang braso ko sa aking tuhod at muling huminga nang malalim.
Tiningnan lamang ako ni Jen sabay pahid sa kanyang tumutulo nang luha.
"Sabi mo nga kanina. Alam mo rin naman kung bakit. Bestfriend mo siya, marami na rin kayong pinagdaanan. At alam mo rin siguro na kung lalaki ka lang at ganoon ang sitwasyon...baka ginawa mo rin ang ginawa ko ngayon," wika ko sabay ngiti.
BINABASA MO ANG
The Runaway Groom
RomanceLumuhod siya sa kanyang harapan, inilabas ang isang maliit at pulang kahon. Naroon ako, ngiting aso. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanilang dalawa. Maraming tao ang nanood, mga taong naghihintay at tila sabik na sabik sa susunod na mangyayari. K...