HINDI makapaniwala si Frei sa ginawa ni Vee sa kanya. Hindi niya na-imagine kahit kailan na may babaeng mananapal ng spaghetti sa kanyang mukha kaya hindi niya nagawang kumilos hanggang sa makaalis si Vee. Dinilaan niya ang sauce sa kanyang labi. In all fairness, masarap ang spaghetti. Ngayon lang niya nalaman na masarap pala ang spaghetti sa school cafeteria nila.
Luminga sa paligid si Frei. Nakita niyang lahat ng taong naroon ay nakatingin sa kanya. Kahit si Ryu na walang pakialam sa paligid ay nakatingin sa kanya habang ngumunguya ng sandwich. Iniumang pa nito sa kanya ang sandwich na hawak nito na parang inaalok siya.
"No, thanks, pare. I prefer the food in my face," sabi niya kay Ryu.
Ngumisi lang ito at inalis na ang tingin sa kanya.
Tumayo si Frei. Nalaglag ang pasta sa kanyang kandungan. "'See, everyone?" nakalahad ang mga kamay na sabi niya. "Hindi totoong mangkukulam si Vee. Dahil kung totoong mangkukulam siya, hindi sana ganito ang ginawa niya sa akin. Sana ginawa niya akong kuneho."
"Hindi na niya kailangang gawin 'yon dahil kuneho ka na talaga," pang-aasar ni Jacob na lumapit sa kanya. Hindi niya alam na naroon din pala ito sa cafeteria. Kasama nito sina Owen at Gemme. Lumapit si Gemme sa kanya at inabutan siya ng tissue paper.
"Hinahayaan lang niya na magkaroon siya ng ganoong image dahil snob siya. Para katakutan siya, nang sa gayon, pangilagan siyang lapitan. Kanina, kahit mahaba ang pila sa counter, pinauna siya ng mga nakapila. Isa iyon sa advantages niya bilang isang alleged witch. Daig pa niya ang mga campus bullies."
"Siguro kaya hindi ka niya ginawan ng magic kasi maraming tao. Maraming makakakita kapag ginawa ka niyang kuneho," pangangatwiran ni Owen.
"Oo nga," segunda ni Gemme.
Mukhang nagsiayon din ang mga tao sa cafeteria. Umiling-iling si Frei. "Hindi totoong may mangkukulam, okay? Tinatakot n'yo lang ang mga sarili n'yo." Umupo uli siya at pinunasan ang mukha gamit ang mga tissue na ibinigay ni Gemme. Bumalik na rin sa pagkain at pagkukuwentuhan ang mga tao sa cafeteria. Umupo rin sina Jacob, Owen, at Gemme sa tapat niya.
"Binantaan ka niya, pare. Kapag hindi mo siya tinigilan, kukulamin ka na talaga niya," paalala ni Jacob.
He snorted. "Naniwala naman kayo roon. Nananakot lang 'yon."
"Tigilan mo na si Vee. Pikon na pikon na sa iyo 'yon," ani Owen.
"Seriously, gusto ko naman talaga siyang maging kaibigan, eh. Puwede ring friendship na may malisya, kung gusto niya," nakangising sabi niya.
Tumawa ang tatlo.
"Nag-iisip ka pa ng malisya, eh, mukhang gusto ka nang patayin kanina," ani Jacob.
"Hindi ako titigil hangga't hindi ko siya napapaamo," determinadong sabi ni Frei.
"Mali naman 'yong diskarte mo, eh. Kung balak mo pala siyang paamuin, hindi mo dapat siya inaasar," ani Gemme.
"So, ano ba sa tingin mo ang dapat kong gawin para mapaamo siya?" tanong niya kay Gemme.
"Wala kang dapat gawin. Stop what you're doing, Frei. Tantanan mo na si Vee," sabad ni Owen.
Pagkatapos niyang tapalan ng spaghetti ang mukha ko? No way! Hindi niya tatantanan si Vee. Nag-e-enjoy siya nang husto sa pangungulit sa dalaga.
BINABASA MO ANG
VEE, The Pretty Witch [COMPLETED] (St. Catherine University Series Book #2)
RomanceVee was fascinated about witchcraft kaya inakala ng iba na isa siyang mangkukulam. Nobody had the nerve to mess up with her. Except her naughty, playful schoolmate Frei. *This novel and the rest of the SCU series are already available in print...