Part 5

11K 315 11
                                    


PUMUNTA si Frei sa costume birthday party ni Jerry Genares—ang presidente ng student council ng College of Engineering ng SCU—na naka-costume a la Tarzan. Nakabahag siya na yari sa plastic na mga dahon. Nagsuot din siya ng wig na buhaghag at kinky para magmukha talaga siyang taong-gubat.

Tuwang-tuwa sa kanya ang mga schoolmate niya na dumalo sa party. Lalo na ang mga girls. Halos hubad kasi siya. Ilang linggo rin siyang naglamay sa gym para mas maging prominente ang kanyang six-pack abs. Malayo pa lang, pinaghandaan na niya ang pagtitipong iyon.

Ginanap ang pagtitipon sa Genares residence. Napakalawak ng hardin ng mansiyon kaya talagang puwedeng maging commercial venue sa mga parties.

"Sino ka? Si Adan, si Malakas, o si Barok?" pang-aasar sa kanya ni Jacob.

"'Na mo, pare, ako Tarzan," aniya na ginaya pa ang pananalita ng local version ni Tarzan na si Istarzan. "Ikaw, sino? Elvis?" Mahaba kasi ang patilya ni Jacob at may bangs na a la Elvis. Pero ang suot nito ay fit na black shirt at pants.

"Sira! Ako si Danny Zuko from Grease. Nasaan si Jane mo?"

"Nagdaraan sa bilog buwan. Nakasakay broomstick," nakangising sagot niya.

Tumawa si Jacob. Nahulaan agad ng kaibigan kung sino ang kanyang tinutukoy. Dahil hindi pumayag si Vee na maging Jane niya, wala tuloy siyang date ngayon. May ilang nagprisintang maging Jane niya pero wala siyang pinili isa man sa mga ito. Mas okay ang walang partner sa party. He could flirt and dance with anybody.

Nasa party rin sina Owen at Gemme na ang ipino-portray ay ang mga bida sa classic movie na Gone With The Wind. The party was awesome. Kahit medyo luma ang mga music na mula sa sound track ng mga popular old Hollywood movies ay totoong nag-enjoy siya. Parang glue kung dumikit sa kanya ang mga babae.

Nakikipagharutan si Frei sa mga babae nang bigla siyang mapatingala sa malaking verandah na malapit sa kanyang kinatatayuan. Natigil siya sa pagtawa nang makita ang isang babaeng may mahaba at tuwid na tuwid na buhok. Nakasuot ito ng itim na long nightgown habang nakadungaw sa verandah. She looked familiar.

Si Vee! Kinusot pa niya ang mga mata para siguruhing hindi siya namamalikmata lang.

Ano ang ginagawa nito roon? Um-attend din ba ito sa party? But she was antisocial. At saka bakit nasa itaas ito ng bahay ng mga Genares? Sa pagkakaalam niya, hanggang sa bakuran lang ang mga dumalo sa party.

"Frei, let's dance," yaya ng isang babaeng kaakbay niya. Tiningnan niya ito.

"No, Frei. Ako ang isayaw mo," sabad ng isa pang babae.

Mayamaya, pinag-agawan na siya ng mga ito. Hindi niya pinansin kahit nilalamutak na siya ng mga ito dahil muli siyang tumingala sa verandah. Napakunot-noo siya. Wala na si Vee roon. Nasaan na ito?

Ibinaling ni Frei ang atensiyon sa dalawang babae. "Wait lang. Huwag n'yo akong lamutakin," awat niya sa dalawa na parang balak hatiin ang kanyang katawan. "I need to go to the CR. Nadyi-jingle ako."

Nang makawala sa mga ito ay pumunta siya sa CR. Pagkagaling doon ay hindi muna siya bumalik sa party. Pumasok siya sa loob ng mansiyon at maingat na inakyat ang grand staircase para pumunta sa verandah.


VEE, The Pretty Witch [COMPLETED] (St. Catherine University Series Book #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon