DINALA ni Vee si Frei sa magiging silid nito sa bahay. She had fun seeing his jaws drop. Maliit lang ang silid, pati na ang double-deck bed. Halatang hindi kasya roon ang binata. May isang bentilador at cabinet doon. Maliban doon ay wala nang ibang gamit. Doon namamalantsa ang kanyang dating maid kaya kahit hindi natutulugan ay malinis ang kuwartong iyon.
"Dito ako matutulog?" hindi makapaniwalang tanong ni Frei.
"Oo."
"Servant's quarter ito, eh. Hindi ba puwedeng sa guest room mo ako patulugin?"
"Bakit naman kita sa guest room patutulugin? Guest ba kita? Servant kita, 'di ba? Kaya dapat lang na dito ka matulog."
Napansin ni Vee ang pagtatagis ng mga bagang ni Frei na iglap ding nawala nang tingnan niya ang binata. She knew he was afraid of her. Takot lang nito na gawin niyang palaka ito. Kaya alam niyang walang gagawing masama ito sa kanya habang naroon ito. Ayaw sana niyang patirahin si Frei sa kanyang bahay pero nakiusap ito. Gusto sana niya na sa iba na lang ito tumira tulad ng kanyang dating maid. Kaya lang, nakiusap ito dahil malayo ang hotel sa lugar niya. Mahihirapan itong magpabalik-balik.
"Sabi ko nga, eh. Baka pagsuotin mo rin ako ng uniform ng maid?" sarkastikong tanong nito.
She imagined him wearing a maid's uniform. Pinigilan niya ang matawa sa nabuong imahen nito sa kanyang isip. "Puwede rin, kung gusto mo."
"No freaking way!"
"Hindi naman ako ganoon kalupit. Hindi kita pipiliting magsuot ng maid's uniform. Ilagay mo na ang mga gamit mo diyan pagkatapos, lumabas ka at maglinis ka sa sala. Pagkatapos sa sala, linisin mo ang kusina. Then, magluto ka ng lunch. Pagkatapos, mag-serve ka ng pagkain sa kuwarto ko. After that, puwede ka na ring kumain. Pagkatapos mong kumain, linisin mo ang mga banyo. Then clean the backyard. After that, cook dinner. Iyon lang muna ang mga gagawin mo. Bukas, maglalaba at mamamalantsa ka."
Manghang-mangha ang hitsura ni Frei habang nakatitig sa kanya.
"Bakit? May reklamo ka ba o gagawin kitang bulate?"
Umiling-iling ang binata. "Wala! Sabi ko nga, sobrang dali ng mga trabaho. Kayang-kaya ko ang mga iyon ng isang araw lang at walang pahinga." Mariin ang pagkakabanggit nito ng mga salitang "sobrang dali" at "isang araw lang at walang pahinga."
"Good. Kapag nasiyahan ako sa trabaho mo at natapos mo ang one week na serbisyo mo sa akin, babawiin ko na ang sumpa ko sa iyo. Pero kapag ininis mo ako at hindi mo natapos ang one week na pinag-usapan natin, pasensiyahan na lang tayo pero hindi ko babawiin ang sumpa. Nagkakaintindihan ba tayo?"
"Yes, Vee."
"Don't call me by my name. Hindi tayo close. Call me 'Ma'am.'"
"Ma'am..." Ngumiti si Frei pero nagtatagis naman ang mga ngipin.
"Okay. Then it's settled." Lalabas na sana siya sa silid nang may maalala siyang sabihin. "By the way, gusto lang kitang balaan na huwag na huwag kang magkakamali na maglagay ng lason sa pagkain ko. Dahil kapag namatay ako, hindi na maaalis ang sumpa sa iyo at dadalawin pa kita gabi-gabi. Guguluhin kita hanggang sa mag-suicide ka na lang."
Mukhang nahintakutan ito. "Hindi ko gagawin iyon. Nandito ako para makipag-areglo, hindi para gumawa ng masama."
"Good. Mabuti na iyong nagkakaintindihan tayo. At saka isang bagay pa, huwag na huwag kang papasok sa kuwarto ko."
BINABASA MO ANG
VEE, The Pretty Witch [COMPLETED] (St. Catherine University Series Book #2)
RomanceVee was fascinated about witchcraft kaya inakala ng iba na isa siyang mangkukulam. Nobody had the nerve to mess up with her. Except her naughty, playful schoolmate Frei. *This novel and the rest of the SCU series are already available in print...