Kanina pa kami sa labas ng bahay at tahimik na pinagmamasdan ang mag-ama ko. Natutuwa ako at agad silang nagkapalagayan ng loob.
Kinalabit naman ako ni Raf. "Mars, ano na plano mo? Hindi mo ba sasabihin kay Kiefer yang sakit mo?" Tanong sa akin ni Raf na nakapamewang.
"Huwag na Mars, okay na akong makita na masaya silang dalawa. Ayaw ko na munang gawing komplikado mga bagay." Maikli kong sagot.
"Hay nako Alyssa, basta sinasabi ko sa'yo ha. Kailangan pa rin nilang malaman parehas. Ano na papasok ba tayo o ano? Gutom na yung dragon ko oh." Reklamo ni Raf sa akin sabay himas sa tiyan niya.
"O tara na nga mag grand entrance na tayo." Sabi ko at hinila siya papasok ng bahay.
Lalapit na sana ako kay Kiefer nang maunahan ni Karys na lapitan ako at hilahin patungo sa kusina.
Nang nasa kusina na kami ay niyakap niya ako ng mahigpit sa bewang kaya yumuko ako upang pumantay kami.
"Thank you so much Mum, I'm really happy to meet Daddy. He is the best gift ever you gave me." Sabi ni Karys at hinalikan ako sa magkabilang pisngi.
"You're welcome anak. Mommy is as happy as you are."
"Ehem. Sali naman ako diyan." Singit ni Raf kaya nakiyakap na rin siya sa amin.
Simula noong araw na iyon ay walang mintis si Kiefer na bumawi hindi lang kay Karys kundi ay maging sa akin.
Sa munting panahon na iyon ay naging buo at isang pamilya kami. Iyon na nga yata ang pinakamagandang pasko at bagong taon namin.
Ngunit hindi nga talaga lahat ay permanente sa mundong ibabaw.
Kung gaano naging matulin ang paglipas ng panahon ay siyang bilis rin ng progeso ng sakit ko. Walang araw na hindi ako nakaramdam ng mga sintomas. Ngunit lahat ay kailangan ko harapin at labanan, kung minsan pa nga ay kailangan kong magpanggap na parang wala lang lalo na sa harap ni Kiefer o ni Karys.
Hindi ko man sadya ay naging dahilan ito ng pagkakaroon namin ng mga pagtatalo ni Kiefer. Maging si Karys ay nasaktan rin gawa ng karamdaman ko. Iyon na nga ang nagpamulat sa akin na dapat ay hindi sila nadadamay at lalong hindi nasasaktan dahil sa akin. Kaya mas pinili kong ako na ang masaktan at magparaya.
"Ly, magusap naman tayo ng maayos please." Wika ni Kiefer nang nagusap kami noong araw na nagdesisyon ako na tapusin na ang lahat.
"Kief, sinabi ko naman na di ba? Ayoko na. Tama na. Itigil na natin to. Hindi ka pa nagsasawa na lagi na lang tayong nagbabangayan?" Pagmamatigas kong sabi kay Kiefer.
"Ly, hindi na kita kilala. Bigla ka na lang nagbago. Laging mainit ulo mo. Konting kibot lang galit ka na kaagad. Parang walang pwedeng idaan sa maayos na paguusap. Naging makakalimutin ka na rin. Naiintindihan ko naman na pagod ka rin sa trabaho kaya nga sabi ko sa'yo di ba hindi mo na kailangan pa magtrabaho, ako bubuhay sa inyo ni Karys."
"Ano tingin mo sa akin inbalido? Inutil? Magtatrabaho ako hangga't sa gusto ko!"
Masakit man sa akin ay kailangan ko ng pakawalan si Kiefer.
"Hindi naman ganoon ang ibig kong sabihin, Ly. Marami lang kasi talaga nagbago sa'yo. Ni hindi ka na nga malambing sa akin, sa tuwing sinusuyo naman kita ay tinutulak mo ako palayo."
Pinilit kong hindi na magsalita. Natatakot akong baka bawiin ko rin ang desisyon ko at ipagpatuloy ang relasyon namin.
"Pero sana lang Ly, mas isipin mo yung anak natin. Hindi mo na siya nabibigyan ng panahon, ang masama pa riyan ay lagi mong nababali ang mga pinapangako mo sa kanya." Sumbat niya sa akin.
Hinayaan ko lang na magsalita si Kiefer. Wala akong pagpipilian kundi ang pakawalan siya. Ayaw ko naman itigil niya ang mundo niya dahil lang sa sakit ko. Nasaksihan ko kung gaano niya kamahal si Karys, na laging ang anak namin ang inuuna niya kahit gaano pa siya kaabala at kapagod sa trabaho. At pag nalaman niya ang tungkol sa sakit ko ay magiging pasanin lang ako.
"Nung March hindi ba't nangako ka na pupunta ka sa recognition day at sasabitan siya ng medalya? Pero wala ka Ly. Nung summer camp niya, ilang beses ka ba nangako na sasamahan mo siya? Na hahabol ka noong culminating activity? Na dadalo ka sa family day? Wala ka Ly. Ilang beses ba umiyak si Karys sa akin dahil nasisigawan mo siya ng madalas? Na kaunting pagkakamali ay pinapagalitan mo siya agad? Alam mo ba Ly kung ano madalas sabihin sa akin ng bata?" Tanong niya na agad kong inilingan.
"I missed the old Mommy that I have Dad.Iyan ang laging bukambibig ng anak natin Ly. Lahat ng pupwede kong irason ay sinasabi ko sa kanya dahil ayaw kong mabawasan ang pagmamahal niya sa'yo. Kung ako kaya mo akong tiisin at ipagtulakan, huwag naman ang anak natin Ly. Baka dumating ang araw marealize mo nalang na pati siya ay wala na sa tabi mo."
Doon na nagsimula umagos ang mga luha ko. Hindi ko kayang isipin ang mga bagay na iyon lalo na pagdating sa anak ko. Lahat ng isinumbat ni Kiefer ay hindi ko sinadyang mangyari. Kung hindi dahil sa sumusumpong ang sakit ng ulo ko ay sadyang naging makakalimutin na ako.
"Kung yan talaga ang gusto mo Ly, hindi ko na ipagsisiksikan ang sarili ko. Sana lang hayaan mo pa rin ako na malayang makita at makasama si Karys." Malungkot na sabi ni Kiefer at agad naman akong umiling.
"You're free to be with her. Ayusin na lang siguro natin ang schedule." Sagot ko sa kanya at agad niya naman akong nilapitan.
"Salamat sa walong masayang buwan na pinagsaluhan natin. I hope you really want this, I want you to be happy Ly, even if it means without me on the formula." Iyon ang huling mga salita ni Kiefer at saka ako hinalikan sa noo.
Pinagmasdan ko siyang lumakad palayo hanggang sa hindi na siya natanaw ng aking paningin.
Hanggang dito na lang ang tayo, Kief.
xxxxxxxxxx
BINABASA MO ANG
IMPULSE [KiefLy]
Fanfictionwhere will your decisions out of impulse take you? 110317-120317