PUMAPAILANLANG ang mabagal at mapang-akit na musika sa loob ng Club Notteria, isa sa mga pinaka-exclusive at pinakamisteryosong men's club sa Kamaynilaan. Wala pang isang taong nagbubukas iyon pero usap-usapan na iyon sa alta-sosyedad. Bukod sa pili lang ang kalalakihang nakakapasok doon na mga kilala at may sinasabi sa lipunan ay sinisiguro din ng club ang anonymity ng mga miyembro. Ang bawat miyembro ay may mga nakalaang cubicle para mapanatili ang privacy ng mga ayaw makilala.
Hindi basehan ang pera o kasikatan para maaprubahan ang membership ng isang miyembro. Sa katunayan, hindi pinayagan ng may-ari na maging miyembro ang Presidente ng Pilipinas at iba pang anak ng bilyonaryo. Walang nakakaalam kung paano pinipili ang mga miyembro at wala rin namang nagawa ang pagrereklamo ng mga hindi napili.
Hindi nauubos ang mga babaeng nagsasayaw sa mataas na stage. Lahat ng babae roon ay halos perpekto na sa kagandahan. Maging ang mga waitress ay magaganda rin. Walang lalaking empleyado sa club. Ultimo bouncer ay mga babaeng malalaki ang katawan at nag-training para sa trabahong iyon. Para sa mga lalaking miyembro, Club Notteria was their dream harem.
Pero hindi lang ang mga babae roon ang dahilan kung bakit parami nang parami ang mga lalaking nais makapasok sa Club Notteria kundi dahil sa may-ari ng club na isang napakagandang babae na kilala lang sa tawag na Red Butterfly.
Maraming naku-curious kung paanong ang isang babaeng gaya nito ay nagtayo ng isang men's club. Marami ang nagnanais na makilala si Red Butterfly pero hindi lahat ng miyembro ay nagkakaroon ng pagkakataong makilala nang personal ang babae. Sa dalawampung miyembro doon ay lima pa lang ang nakakita kay Red Butterfly. At ang mga lalaking iyon ang nagpakalat ng tungkol kay Miss Red Butterfly hanggang sa kumalat iyon pero nananatiling lihim ang dahilan ng pagtatayo ng Club Notteria.
Maliban sa limang babaeng personal na pinili, hinubog at pinalaki ni Red Butterfly ay wala nang nakakaalam niyon. Isa sa limang babaeng iyon si Lauradia, mas kilala sa club sa tawag na "Temptress." Si Lauradia ang unang babaeng inampon ni Red Butterfly. Siya ang tumatayong lider ng pribadong grupong itinayo ni Miss Red Butterfly na ang operasyon ay natatakpan ng karangyaan ng Club Notteria.
"Are you sure you really don't want to spend the night with me?" mapang-akit na tanong ng isang lalaking mukhang naparami na ng inom. Halos malugmok na ang mukha nito sa bar counter.
Kanina pa naiinis si Lauradia sa lalaki. Oo nga at guwapo ito at isa sa pinakamayamang miyembro ng club. Pero alam din niyang may asawa na ang lalaki. Kahit pa kilalang matapobre at maldita ang napangasawa nito ay hindi pa rin niya maiwasang mainis sa lalaki. Bakit ba maraming lalaking gaya nito na hindi nirerespeto ang kasal?
Matamis niyang nginitian ang lalaki kahit naiinis na siya. Kasama sa training ni Lauradia ang gawin iyon sa harap ng mga lalaking kliyente nila. "Hindi 'yan kasama sa trabaho ko. Ang trabaho ko lang ay sa likod ng bar counter. Kung gusto mo ng babaeng makakasama sa gabi marami kang mapagpipilian. Just ask our manager and she will give you the woman you like," malambing na sagot niya rito.
"But you're the one I like," ani lalaki. Umangat pa ang isang kamay nito at hinaplos ang braso niya.
Hindi niya pinalis ang ngiti kahit ngalingaling baliin niya ang mga daliri ng lalaki. Hinaplos ni Lauradia ang kamay nitong humahaplos sa kanya at nang-aakit na lumiyad palapit dito. Kumislap sa pagnanasa ang mga mata ng lalaki. Pinigilan niya ang sarili na umiling. Ang mga lalaki talaga, madaling maakit.
"Someday but not now," pabulong na pangako niya rito. Sinadya niyang maabot ng hininga niya ang mukha ng lalaki. "At insulto sa mga babae rito kung hindi mo sila papansinin. Go now," malambing na pagtataboy ni Lauradia rito para hindi na siya kulitin nito.
Bumuntong-hininga ang lalaki at mabilis siyang hinalikan sa mga labi bago tumayo. "That will do for me," nakangising sabi nito, saka tumalikod bago pa siya makapag-react.
Napailing si Lauradia habang nakatingin dito, pagkatapos ay tumalikod siya at mabilis na pinunasan ang mga labi niya. Napalingon siya nang may tumikhim sa bandang kanan niya. Nakita niya si Czarina o mas kilala sa tawag na "Poison Mushroom." Nakatingin sa kanya ang babae. Kung siya ang lider, si Czarina naman ang masasabing utak ng grupo nila. Ang babae ang schemer, tagagawa ng mga eksenang aakalin ng mga target nila na coincidence lang pero ang totoo, planado ang lahat. "Ang hirap din ng trabaho mo," puna ng babae.
Nagkibit-balikat si Lauradia. "Sanayan lang. Iniisip ko na lang na practice ito para sa tunay kong trabaho."
Tumango-tango si Czarina. "Speaking of trabaho, pinapatawag tayo ni Miss Red Butterfly sa itaas. Iwan mo na lang muna sa isa sa mga bartender natin ang trabaho mo diyan," imporma sa kanya ng kagrupo niya.
Agad siyang tumalima at sumunod sa babae. Hindi naman kasi talaga niya trabaho ang pagiging bartender. Ginagawa lang niya iyon para personal na maobserbahan ang mga miyembro ng club. Isa pa, walang utos si Miss Red Butterfly na hindi sinunod ni Lauradia dahil ito ang kumupkop at nagpalaki sa kanya noong akala niya ay mamamatay na siya sa gutom sa kalsada limang taon na ang nakararaan.
Maagang namatay ang mga magulang niya at wala siyang kamag-anak na nais tumulong sa kanya. Kahit noong nabubuhay pa ang mga magulang niya ay kapos na sila sa buhay. Kaya nang mamatay ang mga ito ay hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Hindi naman siya nakatapos ng high school kaya hirap siyang makahanap ng mapapasukan. Sinubukan ni Lauradia na mamasukan bilang kasambahay para may matirhan at makainan siya pero pinagtangkaan naman siyang gahasain ng amo niyang lalaki kaya lumayas siya. Ang masaklap pa, naiwan niya sa bahay ng amo niya ang mga gamit niya. Malakas pa naman ang ulan noon at gutom na gutom na siya.
Muntik na siyang mawalan ng malay sa gilid ng kalsada nang huminto ang sasakyan ni Miss Red Butterfly sa tapat niya. Pagkatapos siyang titigan nang husto ng babae ay niyaya siya nitong sumama rito. Hindi alam ni Lauradia kung mabuting tao si Miss Red Butterfly o hindi. Pero sumama pa rin siya sa babae dahil wala na siyang ibang mapagpipilian. Isa iyon sa mga desisyon niya sa buhay na hinding-hindi niya pinagsisisihan.
Binihisan siya ni Miss Red Butterfly, pinaganda, binigyan ng matitirhan, pinag-aral, at tinuruan ng napakaraming bagay. Sa loob lang ng apat na taon ay wala nang mag-aakalang isa lang siyang hamak na anak mahirap. Lauradia could look and act like anyone she needed to be. Puwede siyang kumilos na mayaman, middle class, mahinhin, magaslaw, mapang-akit, conservative. Kaya niyang maging kahit ano depende sa tawag ng trabaho. Ang maging loyal dito at dedikado sa trabaho ang tanging hiniling na kapalit ni Miss Red Butterfly sa lahat ng ginawa nito para sa kanya at iyon ang gagawin niya. Gagawin niya iyon hangga't hindi sinasabi sa kanya ng babae na hindi na siya nito kailangan.
Napakurap si Lauradia. Bumalik sa kasalukuyan ang isip niya nang huminto sila sa tapat ng pinakadulong pinto sa top floor ng Club Notteria. Kumatok muna si Czarina bago iyon binuksan. Tahimik silang pumasok. Dim ang ilaw sa loob ng silid pero agad nilang nakita ang pigura ng isang babaeng malapit sa one-way mirror at nakatunghay sa ibaba ng club. Alam nila na mula roon ay nakikita ng babae ang lahat ng nangyayari sa ibaba na siyang main hall ng club.
Tumikhim si Lauradia. "Pinatawag niyo raw ho ako?" aniya para pukawin ang atensiyon ni Miss Red Butterfly.
Lumingon sa kanila ang babae. "Yes. We have a client at the next room. Hindi siya kasama sa VIP list natin pero sa tingin ko ay hindi tayo maaaring maging mapili sa trabaho ngayon. We need every chance as possible to infiltrate the high society at magagawa natin iyon sa pamamagitan niya. I have no desire to meet him kaya kayo na ni Czarina ang bahalang makipag-usap sa kanya," sabi ni Miss Red Butterfly sa malamyos pero maawtoridad na tinig. Sa lugar na iyon, ang babae lang ang tumatawag sa kanila sa tunay nilang pangalan, lalo na kung silang tatlo lang ang nasa isang silid.
"Yes, Ma'am," magkasabay na sagot nila ni Czarina.
Tumango si Miss Red Butterfly at bahagyang iwinagayway ang kamay. "Go. I know you can do this easily, Radia," sabi pa nito sa kanya. Sa kabila ng dim na ilaw ay nakita niya ang pagguhit ng ngiti sa mga labi ng babae.
Lauradia felt a rush of pleasure. Masaya siya na hindi nagsisisi si Miss Red Butterfly na inampon siya nito at may tiwala ito sa kakayahan niya. Kaya kung ano man ang nakatakda niyang gawin ay sisiguruhin niyang magagawa niya iyon nang maayos at perpekto kung kinakailangan.
BINABASA MO ANG
THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY: Raiven And The Temptress
RomanceWalong taon na ang nakararaan ay niloko at sinaktan ni Lauradia ang damdamin ng tanging lalaking minahal niya - si Raiven Montemayor. Nang muli silang magkita ay hindi nito itinago ang galit na nararamdaman pa rin nito para sa kaniya. Lalo at nakita...