Part 31

35.8K 895 21
                                    

NATUWA si Czarina nang pagpunta niya sa Club Notteria ay iniabot na niya sa babae ang testamento. Agad na nitong kinontak ang kliyente nila. Habang hinihintay nilang dumating ang kliyente ay nagpunta naman si Lauradia sa opisina ni Miss Red Butterfly. Inabutan siya ng tseke ng babae. "Here is the payment. Gamitin mo 'yan para sa anak mo."

Kinuha niya iyon at huminga nang malalim, bago ngumiti. "Salamat po."

Tumango si Miss Red Butterfly. "You worked hard for it. Kapag kailangan mo pa ng trabaho sabihin mo lang sa akin. I will give you easier jobs if that's the least I could do for you."

Lumambong ang ngiti ni Lauradia. "Hindi na ho kailangan. Nakahanap na ako ng ibang trabaho," aniyang hindi napigilan ang pait sa tinig. Alam niyang iyon lang naman talaga ang in-offer sa kanya ni Raiven. Nais siya nitong makasama pero wala iyong emotional attachment. Kailangan niyang isipin na trabaho lang iyon para hindi siya masaktan nang husto.

Mukhang napansin iyon ni Miss Red Butterfly dahil umangat ang isang kilay nito. "Indeed?"

Tumango siya. Ayaw na niyang maging abala pa para dito. "Last na ho talaga ito. Alam ko ho na ang kailangan ninyo ay mga taong labis ang magiging dedikasyon sa inyo at hindi ko na ho kayang ibigay 'yon sa inyo. Ayoko hong abusuhin ang kabaitan ninyo lalo pa at alam ko naman ang ipinaglalaban ninyo. Pero kung dumating man ang araw na kakailanganin ninyo ako sa kahit anong paraan, gusto ko pong malaman ninyo na isang tawag ninyo lang sa 'kin ay darating ako. Hindi ko po nakakalimutan na utang ko sa inyo ang buhay ko," mahabang sabi ni Lauradaia.

Umamo ang mukha ng babae at tumango. "I understand. Be careful, Radia. I know you are strong but if you ever need me, I'll just be here."

Ngumiti siya bago nagpaalam at lumabas ng opisina nito at palabas ng Club Notteria.

SA ospital sumunod na nagpunta si Lauradia para bisitahin ang anak niya. Nawala ang lahat ng paghihirap sa puso niya nang makita niya ang ngiti ni Lance. Mas maganda na ang kalagayan nito kaysa nang mga nakaraang araw. Ayon sa doktor ng bata ay mas maganda raw na gawin na ang operasyon sa susunod na araw habang maganda pa ang pakiramdam ni Lance. Pumayag siya agad dahil may pambayad na siya para sa operasyon.

Sa piling ng anak niya nagpalipas ng maghapon si Lauradia. Mag-aalas-sais na ng hapon nang maalala niyang kailangan na niyang bumalik sa bahay ni Raiven. Bago iyon ay kailangan pa niyang dumaan sa apartment niya para kumukha ng mga damit niya.

"Mama, may problema ba?" tanong sa kanya ni Lance.

Napakurap siya at tiningnan ang batang lalaki. "Wala naman. Bakit, anak?" malambing na tanong ni Lauradia.

"Bigla ka kasing tumahimik. Kailangan mo na bang magpunta sa trabaho?" tanong ni Lance.

Pinigilan niyang mapangiwi nang maalalang kailangan nga rin pala niyang magpaalam sa bar and restaurant na pinagtatrabahuhan niya. Hinalikan ni Lauradia sa pisngi ang anak niya at ngumiti. "Oo, eh. Pero huwag kang mag-alala babalik ako bukas na bukas ng umaga. Pasensiya ka na, anak, hindi kita nababantayan palagi, ha? Wala rin akong mahanap na maaaring magbantay sa 'yo maliban sa mga nurse dito," aniya rito. May bumara sa lalamunan niya dahil pakiramdam niya nagkukulang pa siya sa anak niya.

"Okay lang iyon, Mama. Alam ko naman na tayong dalawa na lang ang magkasama at kailangan mong magtrabaho. Huwag kang mag-alala, kapag gumaling na ako, ako naman ang mag-aalaga sa 'yo," inosenteng sagot ng batang lalaki.

Napangiti siya at hinalikan uli ito. Maingat na niyakap ni Lauradia ang anak niya. Kung may isang bagay man siyang ipinagpapasalamat sa lahat ng nangyari sa buhay niya ay si Lance iyon. Kaya para sa anak niya ay gagawin niya ang lahat para tuluyang maayos ang relasyon nila ni Raiven. Hindi na niya inaasahang magiging sila rin sa huli dahil malabo iyong mangyari. Gusto lang ni Lauradia na kahit paano ay mapatawad siya ni Raiven at mawala na ang bigat ng kalooban niya. Pagkatapos ay magpapakalayo na lang siya kasama ang anak niya at mabubuhay nang tahimik. Dapat ay makuntento na siya sa ganoon.

NAPANGIWI si Lauradia nang halos alas-otso na siya nakabalik sa bahay ni Raiven. Dumaan pa kasi siya sa apartment niya at sa dati niyang trabaho. Bitbit ang maliit niyang bag ay akmang pipindutin na niya ang doorbell nang biglang bumukas ang pinto. Bahagya pa siyang napaatras nang makita ang madilim na mukha ni Raiven. Tila nagulat pa ang binata nang makita siya bago nagsalubong ang mga kilay nito. "Saan ka galing? Didn't I tell you that I want to find you here when I get back?"

Umawang ang mga labi niya nang makita ang pagkataranta sa mukha ni Raiven. "Kumuha ako ng gamit sa apartment ko at nagpaalam ako sa isa ko pang trabaho kaya na-late ako ng balik," paliwanag ni Lauradia.

Hindi pa rin nagbago ang ekspresyon sa mukha ng binata at bigla siyang hinawakan sa braso at hinatak papasok. Marahas na isinara ni Raiven ang pinto at pinakatitigan siya. "I thought you left me again." Nabigla siya sa sinabi nito at mukhang ganoon din ang binata dahil bahagyang nanlaki ang mga mata nito. Pagkatapos ay marahas itong bumuga ng hangin at isinubsob ang mukha sa leeg niya.

Tumahip ang dibdib ni Lauradia nang mapagtanto kung gaano katindi ang naging epekto rito nang biglang pagkawala niya noon. Nag-init ang mga mata niya at niyakap si Raiven. "Hindi na ako mawawala. Hanggang gusto mo pa akong manatili sa tabi mo hindi ako aalis," mahinang sabi niya rito. Pigil niya ang pagbalong ng mga luha niya.

Hindi nagsalita si Raiven, lalo pang humigpit ang yakap nito. Humugot siya ng hangin. Diyos ko, mahal na mahal ko ang lalaking ito. At nasaktan ko siya nang husto. Will it be too much if I ask you to make him forgive me and love me again?

THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY: Raiven And The TemptressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon