Part 37

41.2K 853 44
                                    

KASASAKAY pa lang ni Raiven sa kotse niya ay tumunog na uli ang cell phone niya. Dinukot niya iyon sa bulsa ng pantalon niya at tiningnan kung sino ang tumatawag—si Riki. Mabilis niyang sinagot iyon at pinindot ang loudspeaker mode habang binubuhay ang makina ng kotse niya.

"I will explain everything later, Riki. Can you contact Jeremy for me?" agad na sabi ni Raiven.

"Okay. Pupunta na rin kami nina Choi sa bahay mo. We'll think of something to divert the reporters. Huwag mong kakalimutan ang paliwanag mo, okay?"

"Oo na." Iyon lang at pinutol na niya ang tawag. Mas gusto niyang makarating sa bahay niya sa lalong madaling panahon kaysa ang magpaliwanag kay Riki. He was about to go crazy with worry for Lauradia and their son. Marahas na namura niya ang mga reporter na walang ginawang matino kundi ang makiusyoso sa buhay niya. Mabuti sana kung siya lang ang madadamay, magagawa niyang bale-walain iyon noon. Pero hindi papayag si Raiven na maapektuhan niyon ang mag-ina niya.

Marahas siyang bumuga ng hangin nang tumunog uli ang cell phone niya. Hindi tinitingnang sinagot niya iyon.

"Raiven." Napatiim-bagang siya nang marinig ang galit na boses ng kanyang ama. "Just what the hell is this all about? Wala kang sinasabi sa amin ng mama mo at hindi namin alam kung paano ipapaliwanag sa lahat ng nagtatanong sa amin kung sino ang babaeng ibinabahay mo."

Bumuga siya ng hangin. "I'm supposed to tell you about it over our family dinner this weekend, Papa. Naunahan lang ako ng mga reporter."

"Hinintay mo pang mauna sila. Worst, you did something that makes them so hyped like this. Hindi ka pa ba nadala sa nangyari sa iyo noon at sa mga nangyari sa mga kapatid mo?"

"I know. I'll explain later."

"You should. Dahil papunta na kami ng mama mo sa bahay mo. Hindi matahimik ang mama mo hangga't hindi namin nakakausap ang babaeng iyon," maawtoridad na sabi ng papa niya.

Kumabog ang dibdib ni Raiven. "Papa—"

"Don't argue anymore, Raiven. Malaki ang tiwala ko sa iyo na alam mo ang mga ginagawa mo. Kaya ko nga ibinigay sa iyo ang posisyon mo sa kompanya kahit marami ang hindi nagustuhan ang desisyon ko noon. But I can't believe you will choose to live with a woman before introducing her to us. Magkita na lang tayo sa bahay mo." Iyon lang at nawala na sa kabilang linya ang kaniyang ama.

"Dammit!" frustrated na sabi ni Raiven.

"MAMA, ano pa ang nangyayari?"

Niyakap ni Lauradia si Lance nang marinig niya ang takot sa boses nito. Hindi pa rin kasi tumitigil sa pagpindot ng doorbell ang kung sino mang nasa labas ng bahay. Nang sumilip siya kanina sa labas ay lalong dumami ang mga reporter na naroon. Pakiramdam pa niya ay may nakakita sa pagsilip niya sa bintana dahil nagkislapan ang mga flash ng camera ng mga ito.

"Huwag kang mag-alala, anak, darating na ang papa mo. Hindi niya tayo pababayaan," pag-alo ni Lauradia sa bata kahit na maging siya ay natataranta na. "Sandali lang, anak, at lalabas lang ako, ha? Titingnan ko kung dumating na ang papa mo," paalam niya rito mayamaya. Humigpit ang yakap ni Lance pero tumango naman at bantulot na bumitiw sa kanya.

Huminga siya nang malalim at hinalikan ang anak bago siya lumabas. Nakarinig siya ng sunod-sunod na katok sa pinto. Sumikdo ang puso ni Lauradia. Si Raiven na ba iyon? Pero may susi naman ito. Bantulot siyang lumapit sa pinto at pinindot ang touch screen LCD na nakadikit sa pader para malaman kung sino ang nasa labas. Isang may-edad na lalaki at babae ang bumungad sa paningin niya. Nagliparan ang mga paruparo sa sikmura niya dahil kilalang-kilala niya ang mga ito—ang mga magulang ni Raiven.

THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY: Raiven And The TemptressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon