Part 21

33.9K 839 26
                                    

Eight years later

Naging matagumpay at maganda rin ang naging kasal nina Riki at Ailyn tulad ng kasal nina Choi at Lorie. Halos mahirap kumilos sa malawak na hardin ng isang five star hotel kung saan ginaganap ang reception dahil sa dami ng mga bisita. Nagkalat din ang mga reporter na inimbitahan para lang masabing hindi ini-snob ang mga ito. Mga reporter na kasalukuyang tinataguan ni Raiven dahil kanina pa siya ayaw tigilan ng mga ito sa kakatanong kung kailan siya susunod sa yapak ng mga kapatid niya.

Bago pa maalala ng mga reporter na minsan sa buhay niya ay muntik na rin siyang magpakasal ay tumakas na si Raiven. Matalas pa naman ang memorya ng mga reporter at ayaw niyang sirain ang reception ng kasal ng kapatid niya. Alam kasi niyang mag-iinit lang ang ulo niya kung ipipilit ng mga reporter na tanungin siya. Nakakita siya ng magandang puwesto sa isang sulok ng hotel. Mag-isa niyang inabala ang sarili sa pag-inom ng alak habang bored na bored na iginagala ang tingin sa paligid. Honeslty, he wanted to go home. Hindi niya kayang magtagal sa isang lugar na may maraming tao.

For years, he successfully avoided these people. Pero dahil nagpakasal na ang mga kapatid niya ay wala siyang pagpipilian kundi magpakita sa madla. Dumami rin ang mga social and business invitations na natatanggap ni Raiven mula nang pormal siyang ipakilala bilang presidente ng Montemayor Communications. Karamihan doon ay hindi niya pinupuntahan. Minsan, isa lang sa sampung imbitasyon ang napupuntahan niya at madalas ay sapilitan pa. He just wanted to be as far from the limelight as possible. Sa palagay niya ay sapat na ang atensiyong nakuha niya noon at ayaw na niyang maulit pa iyon. Pero kung gaano niya nais lumayo ay lalo lang siyang hinahabol ng press.

Alam ni Raiven na kahit hindi nagsasalita ang mga reporter ay hindi nakakalimutan ng mga ito ang nangyari sa kanya walong taon na ang nakararaan. Pinaghirapan niyang ayusin ang reputasyon niyang nasira dahil sa sarili niyang katangahan. No, don't go there Raiven. Not now, saway niya sa sarili. Umiling siya at sinaid ang alak na nasa baso niya para mabanlawan ang kakaibang pait na nalasahan niya sa bibig niya; a bitterness that was stronger than the taste of the finest brandy.

"Uncle."

Napakurap siya at napalingon sa pinanggalingan ng matinis na tinig na iyon. Nang yumuko si Raiven ay nakita niyang nakatingala sa kanya ang anak ni Choi na si Maja. She looked adorable in her baby pink dress. Napangiti siya at inilapag sa malapit na mesa ang basong hawak niya. "Hello there, little one. So now you know how to say uncle? Parang kailan lang hindi mo 'yan mabanggit," aniya rito. Sinenyasan niya ang bata na lumapit sa kanya. Ngumisi si Maja, saka tumatakbong lumapit sa kanya.

Mahinang tinapik niya ang ulo ng batang babae. "Are you enjoying yourself?" tanong ni Raiven rito na tinugon nito ng sunod-sunod na tango. "Good."

"Sa halip na ang anak ko ang inaasikaso mo bakit hindi ka makipag-socialize sa ibang mga bisita, Raiven? Maraming babae ang hinihintay na mapalapit sa 'yo," sabad ni Choi na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanila.

"Daddy!" tili ni Maja.

Nakangising binuhat ni Choi ang anak bago tumingin uli sa kanya. Hindi pa rin siya makapaniwalang ang dati niyang iresponsableng kapatid ay amang-ama na ang dating kay Maja. Mula nang makilala ni Choi si Lorie at dumating sa buhay nito si Maja ay malaki na ang nabago rito. Raiven used to think that he also found the one who could make a big change in him. Pero nagkamali siya. Oh, he was changed all right. In a bad way.

I said don't go there.

Ipinilig niya ang kanyang ulo at kinunutan ng noo ang kapatid. "I would rather stay with your daughter the whole night than with them."

Umangat ang mga kilay ni Choi. "You can't marry my daughter, brother," buska nito.

Tiningnan niya nang masama ang kapatid. "I don't want to get married. Kaya walang rason para paasahin ko sila," sikmat ni Raiven at dumeretso ng tayo. "I would rather go home."

"Sasama ang loob ni Mama kapag bigla kang nawala," ani Choi nang magsimula na siyang maglakad. Nagkibit-balikat siya pero hindi huminto sa paglalakad. "Raiven, it has already been years," pahabol na sabi ni Choi na may bahid ng desperasyon.

Huminto siya at huminga nang malalim. Nilingon niya ang kapatid at sinalubong ng tingin ang mga mata nito. "I know. But it doesn't mean it no longer hurt," mapait na sagot ni Raiven. Iyon lang at tumalikod na siya at dere-deretsong umalis sa reception. He might just go home after all.

"PUWEDE ka nang umuwi. Ako na ang magsasara dito."

Dumeretso ng tayo si Lauradia mula sa pag-aayos ng mga stock ng alak sa bar counter pagkatapos ay nag-inat nang sabihin iyon ng amo niya. Naramdaman niya ang paglagutok ng leeg at mga braso niya sa magdamag na paghahalo ng mga cocktail drink at pagse-serve ng alak sa mga customer ng bar and restaurant kung saan isang taon na siyang nagtatrabaho. Pang middle class lang ang lugar na iyon at hindi kalakihan ang suweldo niya pero ayos na rin.

Alam niya na sa kakayahan niya ay kaya niyang magtrabaho sa mas mamahaling bar o kaya ay club. Pero hanggang maari ay iniiwasan ni Lauradia ang mga lugar na puntahan ng mga mayayaman. Mahirap na. For eight years she avoided those places as much as she can. Duwag na kung duwag pero hanggang maaari ay ayaw niyang makita ang mga taong nakilala niya noon. Especially him.

Ipinilig niya ang kanyang ulo para palisin iyon sa isip niya. Huminga siya nang malalim bago umalis sa counter. Mabilis siyang nagtungo sa opisina nila para kunin ang bag niya. Pagkatapos ay dumaan uli si Lauradia sa bar counter para magpaalam sa amo niya bago tuluyang lumabas ng establisimyento.

Bahagya pang madilim sa labas ng bar dahil madaling-araw na pero hindi niya alintana iyon. Sa halip na magtungo siya sa direksiyon nang munti niyang apartment ay lumakad si Lauradia sa kabilang direksiyon patungo sa pinakamalapit na twenty-four hours na convenience store. Bumili siya ng mga pagkain at kape. Pagkatapos ay umupo siya sa isang tabi at hinintay na tuluyang lumiwanag habang umiinom ng kape. Nang sumikat na ang araw at ubos na niya ang iniinom niya ay tumayo siya at lumabas ng convenience store. Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa makarating siya sa ospital.

Pagdating niya roon ay agad siyang binati ng guwardiya at maging ng nurse sa reception. Sa loob ng isang linggong pagpunta niya roon ay kilala na siya ng mga ito. "Mrs. De Guzman, mabuti ho at nandito na kayo. Tatawagan ko na sana kayo. Hinahanap ho kayo ni Dok kanina pa," sabi ng nurse sa kanya.

"Misis" ang tawag ng mga tao sa ospital kay Lauradia dahil iyon ang ipinakilala niya sa mga ito nang i-confine doon ang anak niya. Iyon din ang pakilala niya sa lahat ng mga nakilala niya mula nang umalis siya sa Club Notteria para maprotektahan na rin ang sarili niya sa mga lalaking sinubukang mapalapit sa kanya.

Bigla siyang kinabahan. "M-may nangyari bang masama?" nag-aalalang tanong niya. Sa halip na sagutin siya ay bumakas ang concern sa mukha ng nurse. Tumahip ang dibdib ni Lauradia. Hindi na niya hinintay na sumagot ang nurse at halos tumakbong pumunta siya sa Pediatrics section ng ospital. Binuksan niya ang unang pinto at pumasok doon.

THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY: Raiven And The TemptressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon