NAABUTAN ni Raiven na nagtatawanan sina Don Jaime Montemayor at Diosdado Lagdameo. Mukhang nagkakatuwaan ang mga may-edad na lalaki. Tumikhim siya para kunin ang atensiyon ng dalawa.
"Ah, there you are, Raiven. Come," nakangiting sabi ni Diosdado. Tumalima siya at umupo sa tabi ng papa niya.
"Pinatawag ninyo raw ako."
Hindi nawala ang ngiti ni Diosdado. "Pinag-uusapan lang namin ng papa mo ang tungkol sa inyo ni Julia kaya bigla kong naisip na kausapin ka. Tell me, Raiven, do you plan to marry my only daughter?" prangkang tanong nito.
Napatitig siya rito, pagkatapos ay sa kanyang ama na matamang nakatingin din sa kanya. Oo nga at nasa plano niya iyon pero hindi niya inaasahang direktang itatanong iyon ng ama ni Julia sa kanya.
"Well?" untag ng may-edad na lalaki.
I did. "I don't want to comment because whatever my decision is, gusto ko sanang si Julia ang unang makaalam niyon," sa halip ay sagot ni Raiven.
Kumislap sa amusement ang mga mata ni Diosdado. "I see. But your father and I will surely be happy kung mauwi nga kayo ni Julia sa kasalan. Dahil kung pakakasalan mo siya, willing akong i-merge ang Lagdameo Telecom sa Montemayor Communications. Afterall, ang kompanya ko ay magiging pag-aari ni Julia sa hinaharap at kung ikaw ang mapapangasawa niya ay mapapanatag akong ipagkatiwala iyon sa 'yo."
Hindi na niya itinago ang pagkabigla. Matagal nang sinabi sa kanya ng ama na gusto nitong makuha ang Lagdameo Telecom. Iyon na lang kasi ang cellular company na matinding kalaban ng kompanya nila. Kapag nakuha nila iyon, sila na ang magiging sole owner ng mga cellular network sa buong bansa. Alam iyon ni Raiven pero hindi iyon ang dahilan kung bakit siya nakipagrelasyon kay Julia. Well, siguro ay sumasagi sa isip niya iyon paminsan-minsan pero hanggang doon lang iyon. Or was it the reason why he chose to date her but he just didn't want to admit it?
"Don't look shocked, Raiven. I don't mind. Just treat it as a dowry," sabi pa ni Diosdado. Tumayo na ito at bumaling sa ama niya. "Mauna na ako, kumpadre."
Sabay silang tumayong mag-ama at nakipagkamay rito. Lumabas na ng opisina ang ama ni Julia pagkatapos nitong magpaalam.
Ilang segundong katahimikan ang namagitan sa kanila ng kanyang ama nang silang dalawa na lang ang naroon.
"So what will you do?" tanong ni Don Jaime mayamaya.
Sinalubong ni Raiven ang tingin ng ama. "Ano ba ang dapat kong gawin?"
Nagkibit-balikat si Don Jaime at ngumiti. "Son, I want you to know that all your mother and I want is for the three of you, our sons, to be happy. Magdesisyon ka na hindi iniisip ang tungkol sa kompanya. Of course we will be happy to have Julia as your wife. Mabait siyang babae at alam naming magiging mabuting maybahay siya sa iyo. Kasundo rin siya ng mama mo. Pero kung pakakasalan mo siya gusto ko dahil iyon ang gusto mo. Nagkakaintindihan ba tayo?" malumanay na sabi ng kanyang ama.
Tumango si Raiven. Pero ilang segundo pa lang ay nakapagdesisyon na siya. "I'm going to ask Julia to marry me, Papa," determinadong sabi niya. After all, iyon naman talaga ang plano niya. Wala na siyang makikitang babaeng kasimperpekto ni Julia. Wala rin siyang makitang rason para hindi pakasalan ang dalaga. The merger was just an added bonus.
Ngumisi ang papa niya. "Akala ko ba siya ang gusto mong unang makaalam?"
Gumanti siya ng ngiti. "It's okay, you are my father after all."
"MAY problema tayo."
Napalingon si Lauradia nang humahangos na pumasok sa bahay nila si Czarina. Sa iisang bahay lang sila nakatira at ang tatlo pang babaeng inampon ni Miss Red Butterfly na mas bata sa kanila ni Czarina.
"Ano 'yon?" tanong niya.
Umupo sa tabi niya ang babae at saglit na hinabol ang hininga bago nagsalita. "Nakatakdang mag-propose si Raiven Montemayor kay Julia Lagdameo mamayang gabi."
Napaatras siya sa pagkabigla. May kung anong dumagan sa dibdib ni Lauradia na mas pinili niyang huwag pansinin. "Paano mo nalaman?"
"Sinabi ng isang source ko. Sa isang restaurant daw magpo-propose si Raiven kay Julia. Tumawag daw doon si Raiven para ipa-reserve ang buong restaurant at paayusan nang maganda. Ang sabi, plano daw niyang mag-propose ng kasal sa girlfriend niya. This is bad, Lau. Kailangan natin gumawa ng paraan para hindi matuloy ang proposal niya. Sinisira niya ang plano natin. Bakit ba siya nagmamadaling magpakasal?" natatarantang sabi ni Czarina.
Oo nga. Bakit? Huminga nang malalim si Lauradia dahil bigla siyang nanlamig. Idinahilan niya sa sarili na ayaw lang niyang masira ang plano nila kaya naramdaman niya iyon. Pinagana niya ang kanyang isip kung ano ang dapat nilang gawin. Pero naalala lang niya ang gabing nagkausap sila ni Raiven. The feel of his strong and hard body, that lost expression in his eyes, the scent of his perfume, and the taste of his lips. Nagliparan ang mga paruparo sa sikmura niya at lalong sumidhi ang kagustuhan niyang paghiwalayin ang binata at si Julia. Alam niyang hindi lang dahil trabaho niya iyon kundi may iba pang dahilan na hindi niya maipaliwanag.
Nakapagdesisyon na siya. Tumayo si Lauradia at determinadong tumingin kay Czarina. "Alam mo ba kung nasaan siya ngayon?"
Tumango ang babae. "Nasa tv station nila."
Napaisip siya. "Masyadong maraming tao roon. But never mind. Magpapakita ako sa kanya. Magbibihis lang ako," aniya, saka naglakad patungo sa kuwarto niya.
"Pero ano'ng gagawin mo? Hindi natin naplano ito." Huminto siya sa paglalakad at tumingin kay Czarina.
Hindi ko rin alam. "Saka na natin isipin habang nasa daan. Ipagda-drive mo ako, hindi ba?"
"Oo naman," mabilis na sagot ni Czarina.
Tumango siya at tuluyan nang pumasok sa silid niya. Huminga siya nang malalim. Hindi niya alam kung paano haharapin uli si Raiven. Paano kung itaboy siya ng lalaki? Don't come near me again. Iyon ang marahas na sinabi nito sa kanya nang gabing iyon.
"Sorry, Raiven, pero hindi ko puwedeng gawin 'yon," aniya sa kawalan. Pagkatapos ay mabilis siyang nagbihis.
BINABASA MO ANG
THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY: Raiven And The Temptress
RomansWalong taon na ang nakararaan ay niloko at sinaktan ni Lauradia ang damdamin ng tanging lalaking minahal niya - si Raiven Montemayor. Nang muli silang magkita ay hindi nito itinago ang galit na nararamdaman pa rin nito para sa kaniya. Lalo at nakita...