LUMIPAS ang isang buwan na hindi natagpuan ni Raiven si Lauradia. Hindi pa man din tuluyang nawawala ang eskandalo ng pag-atras niya sa kasal ay nagkaroon na naman ng bagong dahilan ang mga reporter para guluhin siya nang bigla na lang i-announce ni Julia Lagdameo ang pagpapakasal nito sa isang lalaking nagngangalang JM Aurellio. Ayon sa mga balita ay kasintahan daw ng babae si JM bago siya. Nagkaroon ng napakaraming espekulasyon tungkol sa drama ng relasyon nilang tatlo at lumabas na siya pa ang kontrabida sa pag-iibigan diumano ng dalawa.
Dahil doon ay kinulit na naman siya ng mga reporter para hingin ang panig niya. Pero wala siyang balak na ipagtanggol ang sarili. Bahala ang kampo ni Julia na gawin ang gustong gawin ng mga ito kahit pa lumabas na masama siya sa mga mata ng ibang tao. After all, that was the least he could do for Julia. Hindi rin apektado si Raiven kahit na nagpakasal ang babae sa ibang lalaki. Until he noticed how her new husband looked like.
Naglalakad silang magkakapatid sa lobby ng televison network na under ng Montemayor Communications nang mapatingin siya sa malaking screen kung saan ipinapalabas ang special report tungkol sa kasal ni Julia. Napahinto si Raiven sa paglalakad at napakunot-noo nang makita ang kuha ng isang camera sa magkapareha. Tinitigan niya ang lalaking napangasawa ni Julia.
"Raiven, lalo kang matsitsismis kung tititigan mo ang special report ng kasal ng ex-fiancée mo," bulong sa kanya ni Choi. Alam niya na nakatingin sa kanila ang mga tao sa paligid pero wala siyang pakialam.
"I think I've seen that man once," ani Raiven.
"Where?" tanong ni Riki.
Inalis niya ang tingin sa screen at bumaling sa mga kapatid niya. "Hindi ako puwedeng magkamali. Nakita ko ang lalaking iyon na kasama ni Lauradia sa party kung saan ko siya unang nakita. Sandali ko lang silang nakitang magkasama at nakatalikod pa siya pero sigurado akong siya iyon."
Nagkatinginan sina Riki at Choi, bago tumingin uli sa kanya. "Baka may alam siya kung saan natin makikita si Lauradia," ani Riki.
"Exactly," sagot niya. Mabilis niyang kinuha ang cell phone sa bulsa ng kanyang pantalon at tinawagan ang private investigator na kinontak niya para hanapin si Lauradia. Nang sagutin ng imbestigador ang tawag niya ay nagpatuloy na sa paglalakad si Raiven. "Gusto kong malaman kung saan ko maaaring makita si JM Aurellio sa lalong madaling panahon."
"People will think that you want to see him because of Julia, you know. Lalo kang guguluhin ng mga reporter," puna ni Choi.
Huminga siya nang malalim at isinuksok uli ang cell phone sa bulsa niya. "Right now, I don't give a damn."
HUMIGPIT ang pagkakahawak ni Raiven sa manibela ng kotse niya nang lumabas ang sasakyan ni JM Aurellio sa parking lot ng hotel kung saan naka-check in ang lalaki kasama si Julia. Mabilis na binuhay niya ang makina at sinundan ang kotse nito. Ayon sa report ng investigator niya ay nakatakdang lumipad sina JM at Julia patungo sa Amerika mamayang gabi para sa honeymoon ng mag-asawa. Ang balak ni Raiven ay puntahan ang lalaki sa hotel suite nito pero bago pa man siya makababa ng kotse niya ay nakita na niya itong nagtungo sa sasakyan nito. Hindi niya alam kung bakit umalis si JM, pero may kutob siya na kung saan man pupunta ang lalaki ay makakatulong iyon sa paghahanap niya kay Lauradia. Kaya nagdesisyon siyang sundan ito.
Labinlimang minuto lang ay nakita na ni Raiven na huminto si JM sa gilid ng isang may kalakihang gusali. He parked his car on the opposite side of the street. Nakakunot-noong tiningnan niya ang gusali. Walang nakalagay na signage kung ano iyon maliban sa isang malaking billboard ng paruparong tila may bitbit na manipis na espada. Pula at itim lang ang kulay niyon.
Hindi pa siya tapos pag-aralan ang larawan nang mapansin ni Raiven na bumaba ng kotse nito si JM. Pero sa halip na pumasok sa entrada ng gusali ang lalaki ay lumiko ito sa gilid niyon at pumasok sa isang makitid na daan. Mabilis na lumabas din siya ng kotse niya at tumawid. Nagpalinga-linga si Raiven at nang walang mapansing tao ay pumasok din siya sa makitid na daang pinasukan ni JM. Sa dulo niyon ay may nakapinid na pinto.
Huminga muna siya nang malalim at tinitigan iyon. Bago pa man niya hawakan ang seradura ay bumukas na ang pinto. Isang babaeng malaki ang katawan ang bumungad sa kanya. "Ano ang kailangan mo?" malamig na tanong ng babae.
"Kasama ako ng lalaking kakapasok lang dito," sagot ni Raiven sa maawtoridad na tinig kahit na nalilito siya sa mga nangyayari.
Tinaasan siya ng isang kilay ng bouncer. "Sinong lalaki?"
Napatiim-bagang siya. "Do I have to tell you his name?" balik-tanong ni Raiven.
Ilang sandaling tinitigan lang siya nito. "Bagong kliyente ka ba?" Tumango na lang siya. Pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa ng bouncer bago marahang tumango at pinapasok siya. "Pumasok ka na lang sa silid na iyon. Nandoon ang kasama mo at kasalukuyang kinakausap si Temptress. Bilisan mo na kung kasama ka nila sa meeting," utos nito.
Kumabog ang dibdib ni Raiven sa sinabi ng lady bouncer. Temptress. Bago pa magduda ang babae sa kanya ay lumapit na siya sa pinto na hindi masyadong nakapinid. Bubuksan na sana niya iyon nang mapahinto siya dahil narinig niya ang pamilyar na tinig ng isang babae. Tila may biglang sumuntok sa sikmura ni Raiven.
"You don't have to come here to report about your wedding, JM. Napanood ko naman sa tv," narinig niyang sabi ni Lauradia.
"Alam ko pero ito na ang huling beses na magkikita tayo. Kahit na ginawa mo lang naman ang trabaho mo, gusto ko pa ring magpasalamat sa 'yo. Dahil sa 'yo kaya nabawi ko si Julia sa lalaking iyon. I know if it's not for your efforts to seduce him, he will not break off their engagement. Hindi sana kami magkakabalikan ni Julia. With that, thank you, Temptress."
Raiven felt his whole body tense. Gusto niyang isipin na nagkamali siya ng dinig. Pero kahit na mahina lamang ang mga tinig ng dalawa ay hindi niya maipagkakamali ang mga narinig niya. Sa katunayan ay tila nagpaulit-ulit pa iyon sa kanyang isip. Dread started to creep through his chest, making a hole of emptiness and hatred. God, no. Don't let this be real, desperadong hiling niya sa kanyang isip. But then he heard Lauradia's voice again.
"Ginagawa ko lang ang trabaho ko. Hindi ba sinabi ko na sa 'yo na magaling kami? You asked us to separate them so I did."
Tila iyon malamig na tubig na biglang ibinuhos sa katawan niya. No, worst than that. It was like a bomb that she suddenly threw in front of him. Napatiim-bagang si Raiven at nang magawa na niyang kumilos ay mabilis niyang itinulak pabukas ang pinto. Napaigtad ang dalawang taong naroon at sabay na lumingon sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang naging reaksiyon ni JM dahil ang buong atensiyon niya ay nakatutok lang sa mukha ni Lauradia na isang buwan na niyang hinahanap. Nabigla ang dalaga pero agad din iyong napalitan ng takot. Namutla si Lauradia na para bang nakakita ito ng multo. Her reaction only made his hatred worse.
BINABASA MO ANG
THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY: Raiven And The Temptress
RomanceWalong taon na ang nakararaan ay niloko at sinaktan ni Lauradia ang damdamin ng tanging lalaking minahal niya - si Raiven Montemayor. Nang muli silang magkita ay hindi nito itinago ang galit na nararamdaman pa rin nito para sa kaniya. Lalo at nakita...