27. Hollows II

1.6K 104 22
                                    


                       Hollows II

Napakislot si Cassiel nang hilahin ng batang si Sarah ang laylayan ng kanyang damit. Tumingin siya dito.

"Bakit?" ang malambing niyang tanong sa bata.

"Ang mga Daddy ko, magiging okay lang po ba sila? Ano po ba ang ginagawa nila?" ang inosente nitong tanong.

Ngumiti si Cassiel sa bata at saka siya bahagyang yumukod upang tingnan ang mukha nito. Pasimple niyang hinaplos ang maganda nitong buhok na kulay-itim.

"Huwag kang mag-alala, magiging okay lang ang mga Daddy mo. Malalakas naman sila at kasalukuyan lang sila ngayong nakikipagbakbakan sa mga masasamang nilalang ng kadiliman. Kayang-kaya namann nila ang mga iyon." ang wika niya.

"Talaga po?"

"Uhum..."

Hindi naman nakatiis si Rane, sinapo niya ang kanyang noo.

"Mawalang-galang na po, pero hindi ba dapat... Hindi mo sinasabi ang mga ganyan kay Sarah?" ang hindi niya nakatiis na tanong.

Ngumiti si Cassiel sa kanya at inulan siya ng sangkatutak na feromones.

"Masama kasi ang magsinungaling eh. Mabuti nang alam niya ang pagkatao ng mga Daddy niya habang maaga pa."

Hindi nakaimik si Rane. Lumapit naman si Cassiel sa bench kung saan nakaupo ang dalagita at kinuha sa supot ang isang bunga ng mabolo. Naaamoy niya ang mabango nitong aroma, tamang-tama lang ang pagkahinog ng prutas.

"Huwag na kayong masyadong mag-isip at mag-alala sa mga iyon. Kayang-kaya nilang resolbahin ang problema. Ang mabuti pa ay kumain na lang tayo ng mga velvet apple. Saan nga pala kinuha ni Blade ang mga ito? Hindi ba ito galing sa kung saan...?" medyo may duda ang huling tanong ni Cassiel.

Napangiti naman si Rane, naniniguro ang archangel.

"Huwag kang mag-alala, Kuya Cassiel. Sa school kinuha ni Sir Blade ang mga iyan. Safe iyan, wala iyang halo na kakaibang sustansiya."

Dahil sa narinig ay nakahinga ng maluwang si Cassiel... Mabuti nang makasiguro at baka mabiktima siya.

"Kung ganoon, kumain na nga tayo." ang napangiti niyang wika.

Gumamit siya ng mahinang magic at kusang natanggal ang maliliit na balahibo sa balat ng prutas na hawak niya. Lumitaw ang kulay pula na may pagkamaroon noong kulay. Kasunod noon ay tuluyan na niyang inalis ang balat at nakuha ang maputi noong laman. Nauna siyang tumikim at napatango siya dahil ang tamis noon. Malutong-lutong pa. Magaling mamitas si Blade ng prutas, palibhasa, hassler mangdekwat sa puno ng may bakuran... Binigyan din niya ang mga kasama niya at muli siyang napatingin sa lugar ng labanan. Hindi nakikita ng mga tao ang totoong nangyayari dahil sa barrier. Sa paningin ng mga ito, normal lang ang lahat.

Samantala... Mabilis na tumatakbo si Zech papunta sa kinaroroonan ng napakalaking pentagram. Medyo natagalan siya dahil kinailangan muna niyang buuin ang spell para maisara niya ang portal na siyang nagpapalabas ng mga hollows. Ramdam niya ang salpukan ng napakaraming aura. Nang malapit na siya sa kinaroroonan ng mga ito ay kaagad siyang tumalon papunta sa tuktok ng isang gusali at mabilis na lumipad papunta sa higanteng pentagram. Pabulusok siyang nagpunta sa may gitna ng pentagram kung saan naroon si Trade at abala sa pagpatay ng mga hollows doon. May kanya-kanya namang kalaban ang mga kasama niya kaya abala din ang mga ito. Pagkadating niya ay kaagad siyang nagpaulan ng petals sa mga hollows at sumabog ang mga iyon. Napatigil sa pag-atake si Trade dahil sumabog na ang mga target niya. Napatingin siya sa may kagagawan noon at nakita niya si Zech. Napangiti siya, nakalabas ang mapuputing pares ng pakpak nito.

Sir Blade Book 3 Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon