4. Candle and a Doll

2.1K 117 23
                                    


A Candle and a Doll

Kasalukuyang nagsusulat ng kanyang lesson plan si Blade ng pumasok sa classroom si Rane na kasama si Wilbur. Oras na ng uwian at ipinatawag niya ang huli kay Rane dahil may gusto siyang itanong.

"Sir Blade, nandito na si Wilbur." wika ni Rane.

Bahagya siyang tumango dito.

"Salamat Rane. Iwan mo muna kami ni Wilbur at mag-uusap kami ng masinsinan." wika na lang niya.

Umalis na si Rane at alanganing napatingin si Wilbur sa kanya. Isinara niya ang notebook kung saan niya ginagawa ang kanyang lesson plan. Tumingin siya sa kanyang estudiyante. Nagsenyas siya na lumapit ito pero nag-aalangan. Huminga siya ng marahas.

"Nalase, lumapit ka. Hindi naman kita pagagalitan ah? Magtatanong lang ako, huwag kang matakot." wika niya.

Dahil sa kanyang sinabi ay tuluyan nang lumapit si Wilbur sa kanyang kinaroroonan. Nakaupo siya sa kanyang desk at ito naman ay naupo sa kanyang tapat. Mariin siyang tumitig sa bata.

"Tatlong-araw kang umabsent ng sunud-sunod. Pero huwag kang mag-alala, makakapag-exam ka dahil ginawan ko ng paraan."

Napangiti ng alanganin si Wilbur sa kanyang adviser at nahihiyang tumitig sa mukha nito.

"Salamat, Sir Blade."

Huminga ng malalim si Blade at matamang napatingin sa mukha ng bata. Namayat ito at nasunog ang balat dahil sa araw at nakita niyang nagkapaltos-paltos ang mga kamay. Halatang may pinagdaanang mabigat na trabaho.

"Ngayon, gusto kong malaman kung bakit ka napa-absent ng ganoon katagal?" simple niyang tanong.

Hindi agad nagsalita si Wilbur. Natahimik ito.

"Oh, anong nangyari sa most talkative sa klase ko? Kung may award na para doon eh sa'yo ko ibibigay. Nalase, sabihin mo lang sa akin. Magkakampi tayong dalawa dito. Sige na." pilit pa niya.

Isang napakalalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Wilbur.

"Pasensiya na Sir kung umabsent ako ng matagal. Nagkasakit kasi ang Tatay ko kaya ako na muna ang kinailangang pumalit sa kanya sa construction para hindi siya mawalan ng trabaho at may makain kami. Umekstra din po ako sa pag-aani ng mais sa gabi. Kailangan ko naman po kasing tulungan ang nanay ko eh at para may pambaon ang mga kapatid ko."

Napatango-tango si Blade.

"Sige, naiintindihan ko na ang rason. Pero sana sa susunod, magsabi ka sa akin para matulungan kita. Bueno, ilan ba kasi kayong magkakapatid?"

"Pito po kaming magkakapatid pero malapit nang maging walo kasi buntis po ulit ang nanay ko. Ako po ang panganay."

Naubo si Blade sa kanyang narinig. Para siyang nabilaukan.

"Siguro madalas ang brown-out sa bahay niyo ano? Nalase!" napailing na wika ni Blade.

Bahagyang natawa si Wilbur at nahihiyang napakamot sa kanyang ulo.

"Sir naman, hindi buma-brown-out sa amin. Lumilindol, Oo!"

"Anak na lase!!..."

Dahil sa sinabi ng bata ay napabunghalit ng malakas na tawa si Blade. Masakit na ang tiyan niya ng kumalma siya. Tumayo na siya sa kanyang kinauupuan at inayos ang kanyang mga gamit.

"Bueno, tara na. Sabay na tayong umuwi at ililibre kita ng mamemeryenda. At bumili na rin tayo ng maiiulam, sa inyo ako kakain ng hapunan. Marami ba kayong bigas? Kung kaunti lang, bibili tayo. Alam mo namang masiba ako eh."

Sir Blade Book 3 Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon