56. Parting Time

1.4K 95 28
                                    

                       Parting Time

"Pambihira! Magluluto ka na nga sa trabaho pati ba naman pag-uwi sa bahay magluluto ako?!" ang mahinang reklamo ni Hunter.

Ang buong akala niya ay madadatnan niya sa bahay ang mga kasama ngunit siya lang pala ang dumating. Marahan na siyang napailing habang naghihiwa ng mga sangkap para sa lulutuin. Tinola ang balak niya dahil maaga pa naman. Nakarinig siya ng pagbubukas ng pinto, sandali niyang iniwan ang ginagawa at tiningnan kung sino ang dumating. Si Trade! Dala nito ang malaking bag kung saan nakalagay ang gitara, naka-sling bag at may bibit na supot.

"Oh nandito ka na pala?" ang untag niya.

Ibinaba ni Trade sa tabi ang hawak niyang bag na may lamang gitara at saka iniabot kay Hunter ang bitbit niyang supot.

"Maagang natapos ng gig namin ni Bebang. Huwag ka nang magluto ng ulam kasi bumili na ako ng lechon manok. Saka ang init-init, maliligo lang ako."

Kinuha ni Hunter ang supot na iniaabot ni Trade. Pawis na pawis ito at halatang iritable dahil sa alinsangan ng panahon. Sanay pa naman ang bampirang ito sa malamig na klima ng Europe.

"Mas maigi na magpahinga ka muna bago maligo. Pagod ka eh, baka magkasakit ka kapag naligo ka agad." ang payo niya.

Nagpaypay sa hangin si Trade.

"Naku, walang epekto sa akin iyan! Saka baka asarin lang ako ni Blade na hindi naliligo. Buti nga wala pa dito."

Natawa ng mahina si Hunter sa tinuran ni Trade.

"Wala pa sila ni Drake eh pero baka mamaya nandito na."

Napatango-tango na lang si Trade at saka na siya dumiretso sa kanyang kuwarto para kumuha ng pamalit na damit dahil gustung-gusto na niya talagang maligo.

Samantala... Pabagsak na inihiga ni Denise ang sarili sa kama habang kagat-kagat ang hawak na potato chips. Napagod siya sa paglalakad kanina dahil sinubukan nilang i-meet up ang mga taong ka-chat ni Legion sa messenger. Pero ni isa sa mga taong iyon ay hindi man lang nakatulong. Karamihan nga ay mga babae na nais lang magpa-cute sa reaper. Kung alam lang sana nila ang totoo nitong pagkatao, ewan lang niya kung magpa-cute pa sila. Ngayon lang siya nakadama ng pagod ng katawan dahil ngayon lang siya ulit nagkaroon ng katawang-lupa. Alam niyang labag sa rules ng isang reaper ang ginawa ni Legion. Tuluyan na niyang inubos ang kinakaing potato chips.

Nakarinig siya ng pag-ingit ng pinto, nakita niya si Legion na pumasok at naupo sa tapat ng mesa kung saan nakalagay ang aparato na tinatawag na laptop. Hindi na siya masyadong ignorante sa facebook at messenger pero mas nalilibang nga lang siya sa website ng youtube dahil marami siyang nakakatuwang napapanood. Iyon nga lang nagsawa din naman siya dahil masakit sa mata kapag nababad. Pasimple siyang napatingin kay Legion na nakatalikod sa kanya.

"Ahm, Legion..." ang untag niya.

"Bakit?"

Ni hindi man lang ito lumingon sa kanya kaya napasimangot siya. Napabuntung-hininga siya ng malalim.

"Anong mangyayari sayo kapag nalaman ni Kamatayan na lumabag ka sa rules? Binigyan mo ako ng katawang-lupa. Kahit na panandalian lang, bawal iyon di ba?" ang tanong niya.

Napangiti si Legion sa sinabi ng dalaga dahil natatawa siya sa pagbanggit nito ng salitang 'Kamatayan'. Kung naririnig lang sana ni Azrael.

"Huwag mong isipin ang tungkol sa parusa. Mas maigi na maghanda ka na lang dahil malapit ko nang mahanap ang pamilya mo. Matatahimik ka na rin."

Dahil sa sinabi ni Legion ay nahulog sa malalim na pag-iisip si Denise. Wala siyang ginawa kundi ang mapatitig sa kisame habang nakahiga. Hindi nagtagal ay marahan siyang bumangon at napatingin sa kasama niyang reaper. Nananatili itong nakatalikod sa kanya dahil abala sa kung anong ginagawa sa laptop, tumitipa ito ng keys.

Sir Blade Book 3 Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon