2. This is my Moment!

2.2K 125 47
                                    

                      "This is my Moment!"


Naudlot ang pagsugod ni Hydrian kay Beelzebub at napalingon sa gusaling pinanggalingan ng boses. Nanlaki ang kanyang mga mata sa labis na pagkagulat.

"Alexa..?!" bulalas niya.

Sinamantala naman ni Beelzebub ang pagkakataon, binalutan niya ng malakas na apoy ang kanyang sarili at saka sinunog ang mga demon na nakapalibot sa kanya. Kasunod noon ay nag-aapoy siyang sumugod ng malakas na suntok sa mukha kay Hydrian. Sapol na sapol niya ito. Tumilapon si Hydrian at maraming beses na lumusot sa mga gusaling nasa likuran nito. Hindi pa siya nakuntento kaya nagpalabas siya ng isang malaking bolang apoy at saka niya iyon itinapon sa direksyong tinapunan ni Hydrian. Nasapo naman ni Alexa ang kanyang bibig. Hindi siya makapaniwala. Napalunok siya ng katakot-takot at pasimple niyang sinapo ang kanyang tiyan.

"Ngayon, ano ang masasabi mo sa napakagandang kuwento na ito. Ikaw at si Hydrian, kasama ng mga villains... Pangpelikulang eksena di ba? Parang gusto ko tuloy kumanta pero wala akong maisip na theme song..."

Natauhan si Alexa nang marinig niya ang boses ng lalaki. Tumitig siya sa mukha nito. Medyo pamilyar ito sa kanya kasi parang nakita na niya ito dati pa. Hindi nga lang niya matandaan kung saan at kailan.

"Sino ka bang talaga?" lakas-loob na lang niyang tanong.

Hinila siya ng lalaki palayo sa may gilid ng gusali. Napamulsa ito sa pantalon at saka pasimpleng humarap sa kanya ng patagilid. Isang makahulugang ngiti ang namutawi sa labi nito.

"Naniniwala ka ba sa mga anghel, Miss...? Iyong masama at mabuti...?"

Kumunot ang noo ni Alexa at naguguluhang napatingin sa lalaki.

"Ano ba talaga ang gusto mong sabihin sa akin? Bakit hindi mo na lang ako deretsahin?"

Napataas ng kilay si Legion at saka pasimpleng napakamot sa kanan niyang pisngi.

"Prangka ka pala. Kaya pala magkasundo kayo ni Hydrian."

Umatras siya ng ilang hakbang.

"Sabagay, oras na para malaman mo ang totoong pagkatao ni Hydrian."

Napalunok si Alexa sa kanyang narinig.

"T-Totoo niyang pagkatao?"

"Uhum... Ako at si Hydrian, mga rebeldeng anghel kami na nanggaling sa langit. Medyo sinuwerte nga lang kami kumpara sa ibang mga rebeldeng anghel dahil hindi kami napasama na makulong sa hell. Mga fallen angels kami na nasa gitna ng langit at impiyerno. Nakikipagtulungan kami sa Seven Prince of Hell para makuha ang mundong ito. Para maging amin, dahil sa ngayon... Walang tamang lugar para sa mga katulad naming itinakwil na ng langit."

Hindi makapagsalita sa si Alexa. Muling naglakad si Legion papalapit sa kanya at saka pumuwesto sa kanyang likuran. Bahagya itong tumagilid at saka hinawakan ang punong-baba niya.

"Ngayong alam mo na ang lahat tungkol kay Hydrian... Masasabi mo pa ba sa sarili mo na mahal mo pa rin siya, ha? Hindi siya mabuti kagaya ng iniisip mo. Ang mga kamay niya, nababahiran ng napakaraming dugo..."

Napasinghap si Alexa. Mariin siyang napapikit, kasabay noon ang mariing pagkuyom ng kanyang mga kamay. Huminga siya ng malalim, maraming beses. Muli siyang nagmulat ng kanyang mga mata na nangingilid na ang luha. Nakipagtitigan siya sa kanyang kausap. Hindi siya nagpapatinag dito.

"Hindi ako naniniwala na masama talaga si Hydrian. Alam kong mabuti siya. Kung ano man ang mga nagawa niyang pagkakamali noon, alam kong pipilitin niyang bayaran iyon... Kung hindi man, hahanapan niya ng kapatawaran."

Sir Blade Book 3 Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon