Author: WymasCarreon
Critic: charmdiatz
Target Reader: 17+A. OPENING
Prologo
Maganda 'yong huling bahagi nito. Nakuha ang atensyon ko at talaga namang napaisip ako. Sayang nga lang dahil kung 'yong reader nito ay hindi matiyaga, baka hindi na siya umabot sa dulo. Umpisang talata pa lang kasi ay mahirap na itong intindihin. Mukhang hindi rin akma 'yong mga katagang ginamit at may problema pa sa:
a) pagkasunod-sunod ng mga salita sa loob ng pangungusap
b) pagkasunod-sunod ng ayos ng pangungusap sa loob ng talata
c) pagbalangkas ng talata
Tanong:
1) Ano ang koneksyon ng kapitolyo sa mga susunod na pangungusap? Ang kapitolyo (capitol) ay isang gusali kung saan nagtitipon-tipon ang mga mambabatas. Maaari din itong tumutukoy sa gusaling pinapasukan ng mga namumuno ng isang lugar. Baka ang ibig mong sabihin ay kabisera (capital)?
2) Ang pinapatay na tunog ng alaala ang siya bang naglalandas sa daan? O, ang alaala ng kahapon ang siyang pumapatay sa tunog? Akma ba ang katagang pinapatay?
3) Anong ibig sabihin ng pariralang pag-iyak na nilingkis? Sa pagkakaalam ko, ang kahulugan ng lingkis ay pumulupot.
Compare it with this:
Matinding pagdadalamhati ang bumabalot sa kabisera ng Mutiara. Sinusupil ng alaala ng kahapon ang ano mang ingay na naglalandas mula sa maalikabok na daan ng Tanawa tungo sa madidilim na kalsada ng Calare. Walang taong mangahas na lumabas o hayop na magtangkang kumawala. Matapos ang gabi ng pagkasawi, katahimikan ang naghahari sa bawat tahanang naroon. Ngunit isang matinis na boses ang sumuway rito.
Sa kaloob-loobang bahagi ng Calare ay ang Casa ng mga mangangalakal na Cuore. Pag-iyak ang maririnig mula sa isang maliit na kuwarto sa Casa. Umaalingawngaw iyon hanggang sa hardin. Tila naman nagbibigay simpatiya ang paligid sa umiiyak. Tuyot ang mga dahon sa sanga ng naghihingalong puno. Ang dating mga luntiang halaman ay bakas na lang ng kahapon.