Year 2006...
SAMPUNG taon pa lamang si Alaina nang isama siya ng kaniyang ama na si Amador Argel sa Dubai. Silang dalawa na lamang kasi sa buhay dahil maagang namatay ang kaniyang ina. Kaya nang matanggap bilang assistant chef sa isang hotel sa Dubai ang kaniyang ama isinama na siya nito upang doon manirahan.
Kahit na banyaga para kay Alaina ang bansang iyon ay naging madali para sa kaniya ang makihalubilo sa mga batang ka-edad niya. Sa eskuwelahan kasi na pinasukan niya roon ay marami din namang mga batang Pilipino na ang mga magulang ay nagtatrabaho rin doon. Kaya sa sarili niyang paraan ay naging masaya siya sa banyagang bansa na iyon.
Labing anim na taong gulang siya nang isang araw ay masayang umuwi sa inuupahan nilang apartment ang papa niya. "Alaina!" sabik na tawag nito sa kaniya.
"Ano iyon, papa?" takang tanong niya na nang mga sandaling iyon ay nagre-review para sa final exams niya. Pagkatapos kasi ng exams ay tapos na ang summer term at umpisa na ng dalawang buwang bakasyon.
"Mayroon akong magandang balita. Kanina sa hotel, ako ang nagluto ng main course para sa isang super VIP guest. Half Filipino kasi siya kaya ako ang pinaghanda ng pagkain niya. Nasarapan siya sa niluto ko at pinatawag pa niya ako para purihin."
Napangiti na si Alaina at nahawa sa kasiyahan ng kaniyang ama. "That's great papa! Alam ko na masaya ka kapag napupuri ang luto mo." Lumapit siya rito at niyakap ng mahigpit ang ama.
Natatawang gumanti ng yakap ang papa niya. "Hindi pa iyon ang maganda kong balita, anak."
Gulat na kumalas siya ng yakap. "Mayroon pa? Ano?"
Ngumisi ang kaniyang ama. "Inimbitahan niya ako sa mansiyon niya sa Jumeirah Islands para maging chef doon ng dalawang buwan. Sa bahay daw nila doon kasi magbabakasyon ang anak niya habang school break. Kailangan nila ng chef."
Namilog ang mga mata ni Alaina. "Jumeirah Islands? Iyong lugar na pang sobrang yaman at puro mansiyon ang mga bahay na nakatayo sa ibabaw ng malaking man-made lake? Iyong ngayong taon lang binuksan sa mga mayayamang gusto bumili ng property doon? Inimbitahan ka na doon magtrabaho papa?"
Ilang beses na niya nakita sa mga society magazine ang tungkol sa Jumeirah Islands. Milyon-milyong dolyar diumano ang halaga ng bawat mansiyon doon. Pribado rin iyon at may mga sariling amenities sa loob katulad ng shopping malls, supermarket, coffee shops at kung anu-ano pa. It was a luxury haven for the super rich. Isa iyong lugar na sa larawan lamang posibleng makita ng mga normal na tao na gaya nila.
Sabik na tumango ang kaniyang ama. "At dahil personal akong ni-request ng Super VIP na iyon sa manager ng hotel, pinayagan nila akong ipahiram ng dalawang buwan. At ang pinakamaganda sa lahat? Puwede kitang isama!"
Umawang ang mga labi ni Alaina at halos hindi huminga habang nakatitig sa kaniyang ama. "T-talaga?"
Tumawa ang kaniyang ama at ginulo ang buhok niya. "Kapag mataas ang grades mo sa final exams. Talaga."
Napatili si Alaina at mahigpit na niyakap ang kaniyang ama. "Gagalingan ko sa finals, promise papa. Akala ko sa panaginip lang ako makakapunta sa Jumeirah Islands pero ngayon posible na dahil the best chef ka," masiglang bulalas niya.
"Pero hindi tayo pupunta doon para magbakasyon okay? Trabaho iyon at gusto kong nasa kusina ka para tumulong at mag-obserba. Hindi ba sinabi mo sa akin na gusto mo ring maging chef? Ngayon pa lang dapat maging pamilyar ka na sa kusina at sa mga luto ko," sabi ng kaniyang ama.
Matamis na ngumiti si Alaina. "Alam ko po. Huwag kayong mag-alala magiging magaling na all around assistant ako."
Gumanti ng ngiti ang papa niya at muling ginulo ang buhok niya. "Kaya lahat ng bagay kinakaya ko, kasi palagi kong nakikita ang masayahing mukha ng unica hija ko. Gusto ko palagi kang masaya at nakangiti ng ganiyan. Kapag may nagpaiyak sa iyo, lagot sa akin."
Natawa si Alaina. "Huwag ka mag-alala papa. Hindi rin naman ako papayag na may magpaiyak sa akin."
"Dapat lang. O siya, mag-aral ka na uli. Magbibihis na ako para makapagluto ng kakainin natin."
"Okay," sang-ayon ni Alaina at bumalik na sa ni-re-review niya. Subalit ilang sandali pa naglakbay na naman ang isip niya sa Jumeirah Islands. Napangiti siya sa pagkasabik. Susulitin niya ang dalawang buwang pananatili nila roon. After all, malabong maulit uli ang pagkakataong tumira sa lugar na iyon para sa isang commoner na tulad niya. Maliban na lang kung magustuhan ng anak ng VIP guest na iyon ang luto ng papa niya at imbitahan uli sila sa susunod na taon.
Sana mabait ang ipagluluto ni papa doon. Nakangiti pa ring ibinalik na ni Alaina ang buong atensiyon sa pag-aaral.
MAS makapigil hininga sa kagandahan ang Jumeirah Islands sa personal kaysa sa mga larawan. Iyon ang nasa isip ni Alaina nang halos lumuwa ang kaniyang mga mata pagdating nila ng kaniyang ama roon.
Mas malalaki ang mga mansiyon na iba-iba ang disenyo. May Islamic na tulad sa India, mayroong European na parang mga palasyo noong unang panahon at mayroon ding Mediterranean na malalaki ang mga salaming bintana at malamig sa mga mata. Parang mga bahay ng higante sa laki at garbo ang bawat mansiyon doon.
Ang tubig ng man-made lake na nakapalibot kahit saan tumingin si Alaina ay kasing asul ng kalangitan at kumikinang sa tumatamang sikat ng araw. Marami ring mga berdeng halaman sa bawat hardin ng mga mansiyon. Pakiramdam niya nasa isang tropical paradise siya. Ni hindi niya alam kung ano ang unang titingnan dahil kahit saan siya lumingon ay maganda ang nakikita niya. She felt as if she jumped inside a fairytale.
"Ang ganda dito, papa," bulong ni Alaina sa kaniyang ama habang lulan sila ng sasakyang magdadala sa kanila sa mansiyong paglilingkuran nila ng dalawang buwan. Ang driver nila ay isang mukhang nakakatakot na arabo na wala pang sampung beses na nagsasalita mula nang sunduin sila.
"Talagang maganda dahil hindi basta-basta ang mga may property dito. Lalo na ang mga Qasim na siyang ipagluluto ko. Isa sa mga pinakamaimpluwensiya at pinakamayamang tao sa mundo ang pamilya Qasim. Sila ang may-ari ng malaking Oil Company sa buong Middle East. Ultimo mga bilyonaryo sa Amerika at Europa, sinisiguro na nasa good side sila ni Abel Qasim. Isa ang pamilya nila sa kumokontrol sa ekonomiya ng mundo. Royalty ang turing sa kanila dito sa Middle East. Walang basta-basta nakakalapit sa pamilya nila. Masuwerte lang ako na nagkataong si Abel Qasim ang naipagluto ko. I wonder kung anong klase ng tao ang anak niya," usal ng papa niya.
Nakangiti si Amador Argel. Pero napansin ni Alaina na mukhang tensiyonado ang ama. Sabagay, kahit nga siya mabilis ang kabog ng dibdib. Lalo na siguro ang papa niya na siyang nakatakdang magluto para sa isa sa mga mayamang may-ari ng mansiyon doon. Paano kung unreasonable ang magiging amo nila at pahirapan ang papa niya? Paano kung isang araw pa lang paalisin na sila dahil hindi nagustuhan ang luto nito? Makakasira iyon sa reputasyon ng kaniyang ama bilang chef.
Huminga ng malalim si Alaina at ginagap ang kamay ng papa niya. Nginitian niya ito. "Tiyak na masasarapan din siya sa luto mo," aniya.
Pinisil ng kaniyang ama ang kamay niya at tumango. "Salamat, anak."
Lumiko na ang sinasakyan nila sa nakabukas na higanteng gate ng isang Mediterranean style mansion kaya napunta na roon ang atensiyon nilang mag-ama. Napalunok si Alaina sa magkahalong excitement at kaba. Makikilala na kasi nila ang magiging amo nila.
BINABASA MO ANG
REMEMBER YESTERDAY
RomanceNa kay Randall Qasim na ang lahat - A sole heir of a billion-dollar Oil Empire, with good looks that all women crave for, and every material things that money can buy. Pero sa loob ay kasing lamig at walang buhay ng isang mannequin si Randall, kumik...