NALULUNOD siya. At kahit anong gawin niya hindi siya makaahon. Ni hindi niya sinusubukan lumangoy. Nagpapadala lamang siya sa hampas ng alon. Na para bang tanggap na niya ang kahahantungan niya. Sa nanlalabo niyang paningin ay may nakita siyang bulto ng kung sino sa tubig. But her attention was focused to the outstretched hand on top of her. Na para bang nais nitong abutin niya iyon. Sinubukan niya igalaw ang kamay, sinubukan niyang iangat patungo sa kamay na iyon ang braso niya. Malapit na, ilang pulgada na lamang ay magkakadikit na ang dulo ng mga daliri nila....
Napadilat si Alaina at ang una niyang napagtanto ay nakataas ang mga kamay niya na tila may inaabot sa kisame ng kuwarto niya. Ilang sandaling hindi siya kumilos dahil disoriented pa siya. "Napanaginipan ko na naman," usal niya sa sarili. Subalit sa pagkakataong iyon ay may nadagdag. Wala ang kamay na umaabot sa kaniya sa panaginip niya noon.
Dahan-dahan niyang ibinaba ang braso at bumangon paupo. Napatingin siya sa bedside clock niya. Wala pang alas singko ng umaga. Mula pa noon, kahit nasa ospital siya at nagpapagaling, hindi niya kailangan ng alarm clock dahil kusa siyang nagigising bago mag alas singko ng umaga. Hindi niya alam kung bakit at kahit ang papa niya ay walang paliwanag doon.
Tumayo siya at lumapit sa bintana ng kuwarto niya upang hawiin ang kurtina. Napangiti si Alaina nang makitang papasikat na ang araw. Kita kasi ang sunrise sa bahaging iyon ng kuwarto niya sa ikalawang palapag ng bahay nila. Noong una siyang dalhin doon ng papa niya pagkalabas niya ng ospital at pinapili siya nito ng silid, pinili niya iyon dahil sa sunrise.
Umupo siya sa divan na nasa tabi ng bintana at tumitig sa nagpapalit-kulay na kalangitan. At sa kung anong dahilan na hindi niya maipaliwanag, biglang sumagi sa isip ni Alaina ang lalaking biglang sumulpot sa restaurant nila kahapon na para bang isang hari mula sa kung saang bansa at may bitbit pang kanang kamay. Marahil kung nangyari sa kaniya iyon noong teenager pa siya baka kung saan na napunta ang imahinasyon niya. Nakakatawa, but she used to believe in fairytales then. Bigla lang nawala ang interes niya doon nang magising siya sa ospital at malaman niyang naaksidente siya. Kasama iyong nawala ng mga alaala niya sa loob ng ilang buwan na nabura sa memorya niya.
Ang sabi ng doktor niya noon, normal na pangyayari daw iyon para sa may Selective Amnesia. Hindi lamang pangyayari sa buhay niya ang nawawala, pati daw ang mga dating interes niya ay posibleng mawala. Minsan daw ay may mga pasyente na bigla na lamang hindi nagagawa ang mga dati ay kaya nilang gawin. May mga swimmer na hindi na makalangoy, mga painter na hindi na makaguhit, at kung ano-ano pa.
Mabuti na lang siya hindi nawala ang pagluluto sa kaniya matapos ang aksidente. Kaya nga nang sabihin ng papa niya na wala siyang dapat ipag-alala dahil wala naman daw masyadong nangyari sa ilang buwang hindi niya maalala ay hindi na masyadong pinakaisip ni Alaina ang tungkol doon. Dahil kung hindi nawala ang kakayahan at hilig niya sa pagluluto ano pa ba ang puwedeng nawala sa kaniya na importante?
We met eight years ago... For those years my mind was always filled with thoughts and memories of you... It was my fault...
Napahawak si Alaina sa ibabaw ng dibdib niya na para bang may nais abutin ang mga daliri niya roon. Pero wala siyang ibang nahawakan kung hindi ang sarili niyang balat. It was a habit that even Lilian and Lucas had noticed since long ago. Palaging ganoon ang ginagawa niya kapag may iniisip siya o nababahala siya tungkol sa kung anong bagay. Katulad ngayon na pilit niyang inaalala si Randall subalit hindi siya nagtatagumpay.
Isa na lang ang naiisip niyang paraan upang malaman kung sino ang lalaki sa buhay niya noon. Kailangan niyang tanungin ang kaniyang ama. Kaya lang noong huli silang nag-usap sa skype ang sabi ng papa niya pagbalik na lang daw ng cruise ship sa Pilipinas sila magkakausap uli. Anim na buwan ang kontrata nito sa cruise ship at limang buwan pa lamang mula nang maglayag iyon. Pagbalik ng papa niya ay saka lamang niya makukuha ang kasagutang hinahanap niya.
BINABASA MO ANG
REMEMBER YESTERDAY
RomanceNa kay Randall Qasim na ang lahat - A sole heir of a billion-dollar Oil Empire, with good looks that all women crave for, and every material things that money can buy. Pero sa loob ay kasing lamig at walang buhay ng isang mannequin si Randall, kumik...