Part 14

9.3K 298 6
                                    

PAKIRAMDAM pa rin ni Alaina para siyang lumulutang nang maghiwalay na sila ni Randall at kinailangan na niyang tumalilis ng balik sa silid nilang mag-ama. Napahawak pa siya sa mga labi niya nang maalala ang masuyong halik na iginawad sa kaniya ng lalaki at matamis na napangiti. Hinamig lamang niya ang sarili nang nasa tapat na siya ng pinto ng silid nila sa servant's quarters.

Maingat na binuksan niya ang pinto at nagulantang nang makitang gising na ang papa niya. Nakaupo na ito sa gilid ng kama at nakaharap sa pinto na para bang kanina pa siya hinihintay. Pakiramdam ni Alaina ay tinakasan ng kulay ang mukha niya nang makita ang seryosong ekspresyon sa mukha ng kaniyang ama.

"P-papa," usal niya.

"Isara mo ang pinto at lumapit ka rito, Alaina," seryosong sabi ng kaniyang ama. Nanlamig siya at tumalima. Nang umupo siya sa gilid ng sarili niyang kama ay saka lang nagsalitang muli ang papa niya. "Saan ka nagpupunta tuwing umaga?"

Gulat na napatitig si Alaina sa kaniyang ama. "A-ano po?"

"Nagising ako kahapon ng madaling araw dahil naramdaman kong lumabas ka ng kuwarto natin. At alam mo ba na kinausap ako ni Ma'am Yolly kagabi? Sinabihan niya ako na pagsabihan at bantayan daw kita dahil alam daw niya na pumupuslit ka sa ikalawang palapag tuwing madaling araw. Gaano katagal mo na ginagawa iyon na hindi nagsasabi sa akin, Alaina? Ano ang ginagawa mo roon araw-araw, ha? Umamin ka nga sa akin!" galit na bulalas ng papa niya.

Nakagat ni Alaina ang ibabang labi at napagsalikop ang mga kamay. Iyon ang unang beses na nakita niyang nagalit ng ganoon ang kaniyang ama at may dahilan naman ito para magkaganoon. Buong buhay niya inalagaan at minahal siya nito. Pero mula nang magtungo sila sa Jumeirah Islands napakarami na niyang hindi sinasabi sa kaniyang ama. Hindi kasi niya alam kung paano sasabihin dito ang lahat. Higit sa lahat, alam niyang magagalit ito at hindi siya susuportahan kapag nalaman nitong nagkakamabutihan sila ni Randall.

Pero ngayon, habang nakikita niya ang frustration at galit sa mukha ng papa niya ay kinutkot siya ng guilt. Mali siya ng desisyon. Hindi siya dapat maglihim sa nag-iisang magulang niya, sa taong pinakamamahal siya higit kanino man.

"Sorry po kung hindi ako nagpapaalam sa inyo, papa," usal ni Alaina. "Sasabihin ko po sa inyo ang lahat. Please, huwag po kayong magalit sa akin ng husto."

Bumakas ang takot sa mukha ng kaniyang ama. "Anong ginawa mo? Dapat ba akong magalit? Kailangan ko bang humingi ng tawad sa mga amo natin?"

Marahas na umiling si Alaina at mabilis na lumapit sa papa niya. Kumapit siya sa braso nito. "Wait lang papa, makinig ka muna sa akin." Huminga siya ng malalim bago nagsimulang magkuwento sa kaniyang ama. Sinabi niya rito ang ginawa niyang paglilibot sa mansiyon noong unang umaga nila roon. Maging ang una nilang pagkikita ni Randall, ang naging pag-uusap nila noong dinalhan niya ang lalaki ng maiinom at ang aksidente nilang pagkikita sa staircase. Lahat sinabi niya sa kaniyang ama maliban sa mga ipinagtapat na impormasyon ni Randall tungkol sa sarili nito. Higit sa lahat, hindi niya sinabi ang tungkol sa halik na pinagsaluhan nila kanina.

Nawala ang galit sa mukha ng papa niya. Subalit napalitan iyon ng pagkabahala. Ginagap nito ang mga kamay niya at pinakatitigan siya. "Kailangan mo itigil ang pakikipagkita kay Master Randall, Alaina. Walang maidudulot na mabuti sa iyo ang pakikipagmabutihan sa kaniya. Hindi siya pangkaraniwang tao. Imposibleng may kahantungan ang pagkakalapit ninyong dalawa. Lampas isang buwan na lang mula ngayon, aalis na tayo rito at hindi na kayo magkikita pa uli. Masasaktan ka lang sa kaniya at ayokong mangyari iyon, Alaina," seryosong sabi ng papa niya.

Nag-init ang mga mata niya dahil sa tagong bahagi ng isip at puso ni Alaina ay iyon din ang opinyon niya. Hindi nga ba at kahit sinabi ni Randall sa kaniya kanina na hindi ito papayag na matapos lang doon ang pagkakakilala nila ay hindi siya kumbinsido. Dahil alam niya na imposibleng maging sila ni Randall.

Napayuko si Alaina. "Alam ko papa."

Humugot ng malalim na paghinga ang kaniyang ama. "Gusto kong itigil mo na ang palihim na pakikipagkita sa kaniya mula ngayon. Dahil kung hindi ay talagang ipapatawag ka na ni Ma'am Yolly at siya mismo ang kakausap sa iyo. Ayokong marinig mo ang sasabihin niya sa iyo dahil sigurado akong masasaktan ka ng mga sasabihin niya kahit pa totoo ang mga iyon. Isa pa, darating na ang mga magulang ni Master Randall. Hindi pwedeng makarating sa kanila ang tungkol dito. Maliwanag ba?"

Tumango si Alaina kahit nagsisikip na ang dibdib niya. "Opo. H-hindi na ako makikipagkita at makikipag-usap sa kaniya," mahinang usal niya.

Hinawakan siya ng kaniyang ama sa magkabilang balikat. "Alaina, bata ka pa. Iyang nararamdaman mo para kay Master Randall, paghanga lang iyan. Na-overwhelm ka lang dahil hindi siya katulad ng mga taong nakakasalamuha natin. Kapag umalis na tayo rito at hindi mo na siya nakita, mawawala na iyan. Maniwala ka sa akin."

Gustong umiyak ni Alaina subalit pinigilan niya ang nagbabantang pagtulo ng mga luha niya. Huminga na lamang siya ng malalim at tumingala sa kaniyang ama. Pilit siyang ngumiti. "Opo. Naniniwala ako sa inyo, papa. Huwag kayong mag-alala."

Ilang sandaling pinagmasdan lamang siya ng kaniyang ama bago ito bumuga ng hangin at tumayo na. "Maghanda na tayo para magpunta sa kusina. Mauuna na ako sa banyo," pag-iiba nito sa usapan.

Tumango na lamang si Alaina. Nang pumasok sa banyo ang kaniyang ama at puminid ang pinto niyon ay tuluyang tumulo ang mga luha niya. Agad na pinalis niya ang mga iyon subalit ang kirot sa puso niya hindi nawala. Sana lang talaga tama ang kaniyang ama na kapag hindi na niya nakita si Randall mawawala na ang nararamdaman niya para sa lalaki. At sana, ganoon din si Randall. Because he said he doesn't want the feeling of longing for someone. At ayaw niyang maging miserable ang lalaki dahil sa kaniya. Kaya mas gusto na niyang mawala rin ang nararamdaman nito kapag naghiwalay sila kaysa masaktan ito ng dahil sa kaniya. After all, pareho pa silang mga bata. Darating ang araw, magiging alaala na lamang ang maikling sandaling pinagsamahan nila. Makakakita si Randall ng ibang babae kapag nasa hustong gulang na ito, iyong katulad nito ng katayuan sa buhay. At ganoon din siya.

Pero bakit ganoon? Kahit anong kumbinsi niya sa sarili niya sumisikip pa rin ang puso niya sa mga isiping iyon? Napahugot si Alaina ng malalim na paghinga. Subalit kahit anong gawin niya, hindi na gumaan ang pakiramdam niya.

REMEMBER YESTERDAYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon