Part 16

9.5K 331 8
                                    

Pasimpleng huminga ng malalim si Alaina at inalis na ang tingin sa lalaki. Tiyempo namang sinensyasan siya ng isang helper na lumapit sa isang lamesa. Hinamig niya ang sarili at mabilis na kumilos palapit sa mga guest na tumawag sa kaniya. Tinanong ng isang guest ang putaheng kinakain ng mga ito at nakangiting sinagot niya ang lahat ng tanong nito. Nang sabihin ng mga guest na masarap daw ang mga pagkain ay tumamis ang ngiti ni Alaina. "I will gladly tell the Chef that you enjoyed his cooking," magalang na sagot niya.

Matamis pa rin ang ngiti sa mga labi na nag-excuse na siya sa lamesang iyon at naglakad pabalik sa puwesto niya sa buffet table. Nag-angat siya ng mukha at sumikdo ang puso ni Alaina nang sa hindi niya malamang dahilan ay natagpuan niya ang sariling nakatingin kay Randall na nakatingin din sa kaniya. Saglit na kumislap sa pagkagulat ang mga mata nito na napalitan ng ibang emosyon na nagpasikip sa dibdib niya. Pangungulila. Iyon ang nakikita niya sa mukha ni Randall. At sigurado siya na iyon din ang nakikita ng lalaki sa mukha niya.

Don't meet his eyes... Don't make trouble...

Nag-init ang mga mata ni Alaina nang tila mag-echo sa utak niya ang mga paalala ng mayordoma. Nilunok niya ang bara sa lalamunan niya at mabilis na binawi ang tingin. Hanggang nakabalik na siya sa puwesto niya sa buffet table ay hindi na siya bumaling sa direksyon ni Randall. Umusad ang gabi at nakailang lapit na si Alaina sa mga lamesa pero hindi na siya tumingin pa sa lalaki. Kahit pa madalas ay nadadama niya ang pagsunod nito ng tingin sa kaniya.

Kahit nang patapos na ang party at umakyat sa platform ang mga magulang nito para magbigay ng speech at pagbati kay Randall ay nanatiling nakababa ang tingin ni Alaina. Subalit nang marinig niya ang palakpakan ng mga guest at ang boses ni Randall mula sa mikropono na nagpapasalamat sa mga dumating ay hindi rin siya nakatiis. Marahan siyang nag-angat ng tingin upang tingnan ang mukha ng lalaki.

"I would like to thank everyone who celebrated this day with me," sabi ni Randall. Pagkatapos ay deretsong tumingin sa kaniya ang lalaki at nagtama ang kanilang mga mata. "To spend this day with the special people in my life is a wonderful way of celebrating my birthday. I still have one wish though. I wonder if it will come true."

May gumapang na masarap na kilabot sa buong katawan ni Alaina dahil pakiramdam niya siya ang kinakausap ni Randall. Hindi kasi nito inalis ang pagkakatitig sa mga mata niya habang nagsasalita. Nag-init ang mukha niya at siya rin ang naunang bumawi sa tingin niya. Sana lang walang makahalata sa mga tao roon na siya ang tinitingnan ni Randall.

Natapos ang party at umalis na ang mga bisita habang ang ibang mananatili ng isang gabi at bukas na aalis ay pumasok sa loob ng mansiyon. Ang mga helper ay naglinis na sa hardin at pool area. Tumulong si Alaina sa pagliligpit dahil ayon sa mayordoma kailangan daw bukas ay balik na sa normal na hitsura ang bahagi na iyon ng mansiyon. Pagkatapos ay nagpunta siya sa kusina kung saan niya naabutan na nag-iisa ang kaniyang ama.

"Papa, ako na ho ang magliligpit dito. Magpahinga na kayo. Maaga pa kayo gigising bukas para maghanda ng almusal sa mga bisita hindi ba?" sabi ni Alaina.

Mukhang nakahinga naman ng maluwag ang kaniyang ama at hinubad ang apron. "Pasensiya ka na, anak at napatrabaho ka pa ng husto. Kung may mapag-iiwanan lang sana ako sa iyo hindi na kita isinama dito. Mas na-enjoy mo sana ang bakasyon mo at hindi mo kailangan magtrabaho kasama ko," sabi ng papa niya na bakas ang pagsisisi sa tinig.

Kumunot ang noo ni Alaina. "Ano ba ang sinasabi mo papa? Siyempre dapat magtrabaho din ako nakakahiya naman kung wala akong gagawin. Isa pa, working experience din ito. Ang iba kong mga kaklase may mga summer job din sila. Kaya huwag ka mag-alala. Okay lang ako," nakangiting bulalas niya.

Pinakatitigan siya ng papa niya bago bumuntong hininga at lumapit sa kaniya. Ginulo nito ang buhok niya. "Sige na nga. Magpapahinga na ako ha? Sumunod ka kaagad kapag tapos ka na rito."

REMEMBER YESTERDAYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon